BAKIT ISLAM
(ni: ahmad erandio)

70f0ec8b641fa9c7ad5c70d7a75ebd7d


Patuloy na dumarami ang paglitaw ng mga relihiyong may iba’t-ibang pamamaraan ng pagsamba at pagkilala sa iisang Lumikha at ang mga tagasunod ay matapat na umaangkin na ang kanilang pananampalataya ay tunay na nagmula sa nag-iisa at tanging Diyos na si Allah Subhanah wa Ta’aala (Luwalhati kay Allah ang Kataastaasan). Ngunit nararapat lamang na suriin nating mabuti kung ang ating relihiyon ay tunay nga bang nagmula sa Diyos.

Kung tatanungin natin ang bawat isa kung ilan ang Diyos, tiyak na pare-pareho ang kanilang kasagutan, may nag iisa lamang. Gayon din ang kanilang kasagutan kung patungkol sa relihiyon, iisa lamang, subalit ang nasa pusot isipan ng bawat isa ay ang kanyang taglay na paniniwala ang siyang tunay na nagmula sa Diyos.

Bagamat ganito ang kanilang paninindigan ang katanungan ay kailan kaya ipinadala ng Diyos ang totoong relihiyon?

Alam nating may mga relihiyong itinatag makailan lamang ngunit mariin nilang sinasabing sila ang nasa tamang pananampalataya. Paano na ang iba? kahalintulad ng mga lumang pananampalataya, halimbawa ang Judaismo ang relihiyon ng mga Hudyo na itinatag sa napakaraming libong taon na ang nakalilipas?

Ang relihiyong Judaismo ay hango mula sa tribo ni Judah, ngunit noong siya ay nabubuhay pa, kailanman ay hindi sinabing ang kanyang relihiyon ay hinango sa kanyang tribo o pangalan. Kayat maliwanag na ito ay kagagawan lamang ng kanyang mga salinlahi.

Ang Kristiyanismo naman ay nahahati sa napakamaraming sekta sa ngayon at ito ay nagsipaglabasan lamang pagkatapos kinuha ng Diyos si Propeta Hesus (as).
Halimbawa: ang Katoliko na isa sa mga nagtatag ay si Bonaface 111 ng Roma noong 200-250 na taon lamang matapos ng si Hesus (as) ay lumisan.

Ang Protestante na siyang dominanteng relihiyon sa Englatera ay itinatag noong taong 1611. Ang Iglesia ni Kristo na itinatag ni Felix Manalo noong taong 1914 at sinundan ng iba’t-ibang relihiyon na ang karamihan sa mga ito ay itinatag lamang ng taong 1970’S hanggang 1980’S, kabilang sa mga ito ang tinatawag na El-Shaddai, Couples for Christ, Jesus is Lord, Born Again Christian at ang Moonies na nagmula pa sa bansang Korea.

Subalit ang katanungan ay ganito: Ano ang relihiyon noong wala pa ang mga relihiyong ito na kailan lamang naitatag ng isang matalinong tao? Ano ang relihiyon nina Moises (as), David (as) at Hesus (as) at lahat ng naging Sugo at Propeta? May kanya-kanyang relihiyon at sekta rin kaya sila?

Kung tatanungin natin ang mga iskolar ng iba’t-ibang sekta ng Kristiyanismo kung ano ang pinakalumang relihiyon, iisa ang kanilang kasagutan kundi ang Katolisismo.

At kung ito ang pinakalumang relihiyon kailan ito naitatag? Ang kanilang kasagutan ay iisa, ito ay naitatag mahigit kumulang 200-250 taon matapos inakyat sa langit ng Diyos si Propeta Hesus (as).

Kung magkagayon, ano ang relihiyon ni Propeta Jesus? Halimbawa, kung tayo ay nasa kanyang kapanahunan at tatanungin natin siya kung ano ang kanyang relihiyon, katiyakan wala siyang babanggitin sa alinmang sekta ng Kristiyanismo sapagkat ni isa ay wala siyang nababasa ni narinig sa kanyang kapanahunan.

Kung gayon ang kanyang isasagot ay ganito, ang aking relihiyon ay ‘Islam’ na sa pakahulugan ay ang pagtalima at pagpapasakop sa kagustuhan ni Allah (swt). Sa relihiyong Islam, ang mga Propeta at Sugo ng Diyos ay nanindigan sa iisang relihiyon lamang bagama’t dumating sila sa iba’t ibang kapanahunan, subalit hindi lang sila naniwala kundi, ito ay kanilang ipinangaral at ipinatupad.

Qur’an 3:19. “Katotohanan ang tunay na relihiyong nagmula kay Allah (swt) ay Islam. At hindi nangyari ang anumang pagkakasalungatan sa pagitan ng mga Ahlul Kitab (mga taong nagtatangan ng mga naunang kasulatan) mga Hudyo at mga Kristiyano, hanggang sa sila ay nagkahiwa-hiwalay sa isa’t-isa sa maraming grupo (sekta), kundi pagkatapos nang lumitaw sa kanila ang katibayan sa pagkakapadala ng mga Sugo at pagkakapahayag ng mga aklat; na ang dahilan ng kanilang pagkainggit at panibugho sa isa’t-isa ay dahil sa hangaring makamundo.

At sinumang sasalungat sa mga talata ng Allah (swt) na Kanyang ipinahayag bilang Kanyang mga palatandaan, at katibayan ng Kanyang pagiging Panginoon at pagiging Diyos na dapat sambahin, samakatuwid, walang pag-aalinlangan, ang Allah (swt) mabilis Siyang tumuos at gagantihan sila sa anumang kanilang nagawa.”

Ang relihiyon ang siyang nagsisilbing gabay ng sangkatauhan upang malaman at masunod ang mga batas at kagustuhan ng Diyos. Ito rin ang siyang gumagabay sa mga pangangailangan nating pang- espiritwal, pangpisikal at pangmateryal na bagay.

Kung baga sa isang dalubhasa, pagkatapos makabuo ng isang bagay katulad ng makinarya, kinakailangang mayroon itong katalogo bago niya ipagbili upang malaman kung paano ang paggamit at pangalagaan ng isang mamimili.

Gayundin ang isang tao, kinakailangan nito ang relihiyon na magsisilbing gabay sa kanyang pamumuhay upang malaman, masunod at maisakatuparan ang mga batas ng Diyos.
Ang mga Muslim ay may paniniwalang ang tunay na relihiyon ay ibinigay ng Diyos sa pinakauna niyang nilikhang sina Adan at Eba at walang pag-aalinlangang ito rin ang ipinangaral sa kanilang naging mga anak na umabot hanggang sa mga naging Propeta at Sugo ng Diyos.

Qurán 42:13. “Iisang relihiyon ang itinatag Niya para sa inyo na katulad din ng ipinag-utos Niya kay Noah na siyang ipinadala Namin sa pamamagitan ng inspirasyon sa iyo (Muhammad). Ipinag-utos din Namin ito kina Abraham, Moises at Jesus.

Nararapat lamang na manindigan kayo sa pananampalataya at huwag hayaang magkawatak-watak ang bawat isa sa inyo. Sa mga sumasamba sa iba maliban sa Allah, mahihirapan silang sumunod sa ipinapangaral mo sa kanila.
Ang Allah ang siyang pipili ng ayon sa Kanyang kalooban at papatnubayan ang sinumang babaling sa Kanya.”

Hindi kayang tanggapin o paniwalaan ng sinumang taong may sapat na pag-iisip at katalinuhan na ang Diyos ay nagpadala ng maraming relihiyon at ang mga Propeta at Sugo ay may iba’t-ibang pananampalataya at sekta.

Qur’an 3:85. “Ang sinumang magnais ng relihiyon maliban sa Islam ay hindi Niya ito tatanggapin magpakailanman at sa pangalawang buhay siya ay nasa hanay ng mga talunan.”

Ang relihiyong Islam ay nagtuturo sa kaisahan ni Allah (swt) na walang dapat sambahin maliban sa Kanya. Malawak ang ibig sabihin ng salitang Islam na sa pinakabuod na kahulugan ay pagtalima, pagsunod, pagpapasakop ng buong sarili sa kagustuhan ni Allah (swt).

Ang literal na kahulugan ng Islam ay hango sa salitang “Salam” ng wikang Arabik na ang ibig sabihin ay kapayapaan, kapayapaan sa pagitan ng Maylikha at sa Kanyang mga nilikha na kusang tumatalima sa Kanyang kagustuhan. Ang taong nagtataglay ng mga kaloobang nabanggit, ay tinatawag na mga Muslim.

Ang salitang “Muslim” ay hindi lamang tumutukoy sa tao kundi sa lahat ng mga nilikha ni Allah (swt) na kusang sumusunod sa Kanyang kagustuhan, katulad ng mga bituin sa kalawakan, ang daigdig na ating ginagalawan, ang hangin na nagbibigay-buhay sa atin, lahat ng mga ito ay matatawag na Muslim sapagkat sila ay gumagalaw nang ayon sa kagustuhan ni Allah (swt).

Ihalimbawa natin ang hangin kung bakit ito ay maituring na Muslim, sapagkat kung ang direksyon ng ihip nito ay patungong silangan hindi ito maaring utusan patungong kanluran maliban lamang kung ang Diyos ang Siyang may kagustuhan.

Kaya lahat ng mga Propeta at Sugo ng Diyos magmula kay Adan, Noah, Abraham, Moises, David, Solomon at Hesus (snk) at hanggang sa pinakahuling Sugong si Muhammad (sas) ay pawang mga Muslim dahil sila ay katulad din ng hangin at iba pang nilikhang kusang tumatalima sa kagustuhan ng Diyos.

Qur’an 3:84. “Sabihin mo: [‘O Muhammad] Sumasampalataya kami sa Allah (swt) at sa ipinahayag sa amin at ipinahayag kina Abraham, Ismael, Isaac, Jacob at sa mga Tribo at sa mga kasulatang ibinigay kina Moses, Hesus at sa mga Propeta mula sa kanilang Panginoon: Wala kaming ginagawang pagtatangi sa pagitan ng isa at iba pa sa kanilang hanay, at sa Allah (swt) ay isinusuko namin ang aming mga sariling kalooban (bilang mga Muslim).”

Kaya bilang nilikha ni Allah (swt) nararapat lamang na ang sundin nating pananampalataya ay ang Islam sapagkat ito ang relihiyong ibinigay sa Kanyang mga Propeta at Sugo.