Matuto Tungkol sa Islam:
Ano ang Banal na Qur′an?
Ang Banal na Qur′an
Ang Banal na Qur′an ay ang saligang-batas ng mga Muslim na kung saan nila kinukuha ang mga katuruan na bumubuo ng kanilang pangrelihiyon at pang-araw-araw na pamumuhay. Ito ay naiiba sa mga naunang Banal na kapahayagan sa mga sumusunod na katangian:
Ito ang kahuli-hulihang Banal na Aklat na ipinahayag, at dahil dito, ang Allah ang Kataas-taasan ay nangako na pangangalagaan ito sa anumang pagkasira at pagbabago hanggang sa Huling Araw (ang Araw ng Paghuhukom).
Ang Allah ay nagwika:
(Katotohanan, Kami ang nagbaba nitong Dikhir (ang Qur′an) at katiyakan, ito ay Aming pangangalagaan. (Qur'an, al-Hijr 15:9)
Ang Banal na Qur′an lamang ang nagtataglay ng lahat ng batas na siyang nagpapabuti sa lipunan at nangangako sa lahat ng kaligayahan sa pagpapatupad nito. Ang Banal na Qur′an ay naglalaman ng tunay na pangyayari sa buhay ng mga Propeta at Sugo ng Allah, ang mga kaganapan sa pagitan nila at ng kanilang mga nasasakupan, mula kay Adam hanggang kay Muhammad (saw).
Ito ay ipinahayag para sa lahat ng sangkatauhan upang sila ay mamuhay nang mapayapa at maligaya, at upang alisin sila sa kadiliman at idala sila sa liwanag. Ang pagbigkas, pag-sasaulo at pagtuturo ng Banal na Qur′an ay isang uri ng pagsamba.
Ano ang Kanilang Sinasabi Tungkol sa Banal na Qur′an?
Si Maurice Bucaille ay nagsabi sa kanyang aklat na: (The Qur′an, and Modern Science)
“Ang masusing pagsusuri dito (Banal na Qur′an), sa tulong ng makabagong kaalaman (modern knowledge), ay mag-aakay sa atin upang kilalanin ang pagkakasundo ng dalawang panig, katulad ng pagkapaliwanag nito sa maraming okasyon. Tila hindi natin kayang maarok na ang isang tao sa panahon ni Muhammad ay naging akda ng mga ganitong mga pangungusap, kung ating susuriin ang antas ng kaalaman sa kanyang kapanahunan. Ang ganitong mga pagsasaalang-alang ay mga bahagi na nagbibigay sa kapahayagan sa Qur’an sa pagkabukod-tanging kalagayan nito. Ito ang nagtutulak sa walang-kinikilingang siyentipiko na tanggapin sa sarili ang kawalan niya ng kakayahang magbigay ng paliwanag kung ang pagbabatayan lamang niya ang mga materyal na bagay sa kanyang pangangatwiran.”