Matuto Tungkol sa Islam;
Ang mga Karapatan Pantao sa Islam
Ang mga Karapatan sa Islam
Ipinag-uutos ng Islam sa mga tagasunod nito ang pagbibigay ng tamang karapatan sa tao. Sa mga magulang, mga asawa, mga anak, kapitbahay; silang lahat ay binigyan ng partikular na karapatan na naaayon sa partikular nilang ginagampanan sa lipunan. Sa pamamagitan nito, ang pagkakaisa ay pinatatatag at pinalalakas sa bawa′t isa sa pamayanang Muslim. Ipinalalaganap nito ang pagmamahal at pagkakaisa at hinahadlangan nito ang pagkawatak-watak ng lipunan.
Ang Allah ay nagwika:
(Sambahin ang Allah at huwag magtambal ng anuman sa Kanya (sa pagsamba). At gumawa ng mabuti sa inyong mga magulang, sa kamag-anakan, sa mga ulila, sa mga mahihirap, sa mga kapitbahay na malapit na kamag-anak, sa mga kapitbahay na hindi kamag-anak, sa mga kasama sa paglalakbay, sa mga manlalakbay (na nagigipit), at sa yaong (mga aliping) taglay ng inyong kanang kamay (sa ilalim ng inyong pamamahala). Katotohanan, kinasusuklaman ng Allah ang mapagmataas at mapagmalaki.) (Qur'an, an-Nisa' 4:36)
Ang Propeta ay nagsabi :
“Ang bawa′t isa sa inyo ay tagapagbantay, at responsibilidad niya kung ano ang nasa kanyang nasasakupan. Ang pinuno ay tagapagbantay ng kanyang nasasakupan at tungkulin niya ito para sa kanila; ang asawang lalaki ay tagapagbantay ng kanyang pamilya at tungkulin niya ito para sa kanila; ang asawang babae ay tagapagbantay ng tahanan ng kanyang asawa at tungkulin niya ito, at ang isang alipin ay tagapagbantay ng ari-arian kanyang amo at tungkulin niya ito” (Bukhari)
Gayundin naman, ang mga daanan kung saan ang mga tao ay bumabagtas mayroon ding karapatan na kailangan tupdin. Ang Sugo ay nagsabi:
“Maging maingat kayo, iwasang mag-umpukan sa daan.» Sila ay nagsabi, ′′O Sugo ng Allah, wala kaming ibang lugar na maaari naming pagtipunan upang mag-usap.′′ At siya ay sumagot, «Kung kailangang gawin ito, bigyan ninyo ng karapatan ang daan.» At sila ay nagtanong: “Ano ang karapatan ng daan”? Siya ay sumagot, “Ang ibaba ang paningin (huwag pagmasdan ang kababaihan), huwag gumawa ng pananakit sa iba, tumugon sa mga pagbati, ipatupad ang mabuti at ipagbawal ang masama.” (Bukhari)
Maging ang mga hayop ay may karapatan din. Ang pagpapakita sa kanila ng habag at ang pagtrato nang maayos sa kanila ay isang paraan upang makamit ang kapatawaran ng kasalanan. Ang Sugo ay nagsabi:
“Minsan may isang taong abala sa kanyang gawain, at siya ay nauhaw. Nadaanan niya ang isang balon, at siya ay bumaba roon at uminom. Nang siya ay umahon, nakita niya ang isang hinihingal na aso na isinusubsob ang nguso sa putik (sa paghahanap ng tubig) dala ng matinding pagka-uhaw. Ang tao ay nagsabi, ‘Ang asong ito ay nauuhaw katulad ng pagka-uhaw ko.’ Kaya siya ay muling bumaba at pinuno ng tubig ang kanyang botas at binigyan ng tubig ang aso. (Dahil doon) ipinagkaloob ng Allah sa kanya ang kapatawaran sa kanyang mga kasalanan. Sila ay nagsabi, ‘O Sugo ng Allah, bibiyayaan din ba kami nang dahil sa mabuti naming pagtrato sa mga hayop?’ Siya ay sumagot, ‘Oo siyang katotohanan. Sapagka′t (ang mabuting pakikitungo sa) bawa′t may buhay ay makatatanggap kayo ng gantimpala’.” (Bukhari)
Ang Islam ay nagtuturo ng kaalaman upang pangalagaan ang mga hayop, hindi tinatanggap sa Islam ang masamang pagtrato sa mga hayop, gaya lamang ng pagkukulong sa kanila nang walang nakalaang pagkain, o kaya ang saktan sila nang matindi, ang ganitong mga uri ng pag-trato at pagturing sa mga hayop ay nagiging dahilan sa pagpasok sa Apoy ng Impiyerno. Ang Sugo ng Islam na si Muhammad ay nagsabi:
“May isang babaing pinarusahan dahil sa isang pusa. Ikinulong niya ang pusa hanggang sa ito ay mamatay, kaya dahil dito siya ay napasok sa Apoy ng Impiyerno. Hindi niya ito pinakain o pinainom man lamang noong ito ay nasa kanyang pangangalaga. Ni hindi niya ito binigyan ng layang makahanap ng ibang uri ng pagkain (mga insekto) na kanyang matatagpuan (mahuhuli) sa mundo.” (Bukhari)
Kung ganito ang habag ang itinuturo ng Islam sa mga hayop, gaano pa kaya ang pakikitungo sa tao – na itinangi at binigyang-dangal ng Allah sa lahat ng iba pang mga nilikha.