Ang Katayuan ng Kagandahang-asal (at Pag-uugali) sa Islam


1]. Katotohanan ito ang Pinakamahalaga sa Mga Layunin ng Pagsugo kay Propeta Muhammad ﷺ para sa sangkatauhan:

Ang Kataas-taasang Allah ay nagsabi:

{Siya na nagsugo sa [gitna ng] mga hindi nag-aral ng isang sugong nagmula sa kanilang [lahi] binibigkas sa kanila ang Kanyang ayaat [mga kapahayagan], at sila ay dinadalisay [mula sa kawalang-paniniwala], at sila ay tinuturuan ng Aklat [ang Qur’an] at ng karunungan [ang Sunnah]. At bagaman sila noon ay nasa [dating] hayag na kamalian}. Surah Al-Jumu`ah: (62). Kaya biniyayaan ng Allah ang mga naniniwala [mga Muslim] nang Kanyang isinugo ang Kanyang Sugo upang sila ay turuan ng Qur’an at sila ay padalisayin, at ang ibig sabihin ng padalisayin ay ang pagdalisay sa kanilang puso mula sa kasalanang Shirk (pagtatambal sa Allah) at masasamang [o kasuklam-suklam na] pag-uugali, tulad ng pandaraya at pagkamainggitin, gayundin ang pagdalisay sa mga salita at mga gawa mula sa mga masasamang ugali at kaugalian. Sa katunayan sinabi niya nang maliwanag – [sumakanya nawa ang pagpapala at kapayapaan]: “Ako ay isinugo lamang upang gawing buuing ganap [at ilarawan] ang [wastong] pag-uugali”. (Al-Bayhaqi: 21301) Samakatuwid, ang isa sa mga pinakamahalagang layunin ng pagsugo ay upang paunlarin at pagyamanin ang Kagandahang-asal [at pag-uugali] ng bawa’t tao at ng pangkalahatang pamayanan [o lipunan].

 

2]. Katotohanang ang Kagandahang-asal [at pag-uugali] ay isang matibay na bahagi ng Eeman [paniniwala] at ng pananalig:

Ang Kaganapan ng Pag-uugali ang pinakamahalagang layunin ng pagsugo sa Propeta ﷺ.

At nang tanungin ang Sugo ﷺ : Alin sa mga naniniwala [o sa mga Muslim] ang [nagtataglay ng] pinakamahusay na [antas ng] Eeman [paniniwala]? Siya ﷺ ay nagsabi: “Siya na nagtataglay ng kagandahang-asal [at mabuting pag-uugali”. (At-Tirmidhi: 1162 – Abu Daud: 4682)

Katotohanang tinawag ng Allah ang Eeman (Paniniwala) bilang bahaging nakaugnay sa Birr (pagiging mabuti at matwid), at sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Hindi isang Birr [pagiging mabuti at matwid] na inyong ibaling ang inyong mga mukha sa dakong silangan at kanluran [sa pagdarasal] bagkus, ang Birr [pagiging mabuti at matwid] ay paniniwala sa Allah, at sa Huling Araw, at sa mga anghel, at sa Aklat, at sa mga propeta…}. Surah Al-Baqarah (2): 177. At ang Birr (pagiging mabuti at matwid) ay isang katangian na sumasaklaw sa lahat ng uri ng kabutihan na dapat makita maging sa ugali, sa salita at sa gawa, at dahil dito ang Propeta ﷺ ay nagsabi: “Ang Birr (pagiging mabuti at matwid) ay [paglalarawan ng] kagandahang-asal [o mabuting pag-uugali”. (Muslim: 2553).


At makikita nang maliwanag ang bagay na ito mula sa sinabi ng Propeta ﷺ : “Ang Eeman (Paniniwala) ay binubuo nang mahigit na animnapung sangay, ang pinakamataas nito ay ang pagsabi ng Laa ilaaha illallaah (walang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah) at ang pinakamababang sangay nito ay ang pag-alis ng nakapipinsalang bagay mula sa mga daan, at ang Hayaa [pagiging mahiyain] ay isa sa sangay ng Eeman [paniniwala]”. (Muslim35).

3]. Katotohanan, ang pag-uugali ay nakaugnay sa lahat ng uri ng Ibaadah (mga gawaing pagsamba):

Kaya, hindi mo matatagpuan ang Allah na nag-uutos ng isang Ibaadah maliban na Siya ay nagpaaalala tungo sa moral na layunin nito at nag-aakay tungo sa mabuting ibubunga nito sa sarili at sa lipunan [o pamayanan], at ang halimbawa nito ay marami, ang mga ilan dito ay:

Ang Salaah (Pagdarasal): {At isagawa mo ang Salaah (pagdarasal). Katotohanan, ang Salaah (pagdarasal) ay pumipigil sa paggawa ng mga kahalayan at masasamang gawa}. Al-`Ankabut (29): 45


Ang Zakaah (Kawanggawa): {Kumuha [O Muhammad] mula sa kanilang yaman [para] sa kawanggawa upang sila ay iyong gawing malinis at [upang] sila ay pagpalain nito}. At-Taubah (9): 103 At bukod sa katotohanan na ang Zakah ay nagsisilbing daan ng pagmamagandang-loob para sa mga tao at pakikiramay sa kanila, ito rin ay siyang nagtuturo upang maging marangal sa sarili at upang padalisayin [at pawiin] nito ang mga masasamang ugali.


Ang Siyaam (Pag-aayuno): {O kayong mga naniniwala! Itinatagubilin sa inyo ang pag-aayuno (Sawm) katulad ng tagubilin sa mga nauna sa inyo, upang kayo ay magkakaroon ng tunay na takot (sa Allah}. Al-Baqarah (2): 183.  Samakatwid, ang layunin ng pagkakaroon Taqwa [o takot sa Allah] ay sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal at dahil dito siya ﷺ ay nagsabi: “Sinuman ang hindi tumalikod sa pagsasabi ng kasinungalingan at sa paggawa nito, magkagayon hindi kailangan ng Allah na kanyang talikuran ang kanyang pagkain at inumin”. (Al-Bukhari: 1804). Kaya sinumang nag-ayuno na walang ibinungang maganda [o mabuting] pagbabago mula sa kanyang sarili at mula sa pakikitungo sa mga tao, magkagayon, hindi niya natamo ang tunay na layunin [at diwa] ng pag-aayuno.


4]. Ang mga dakilang karangalan at malalaking gantimpala na inilaan ng Allah para sa mga nagtataglay ng magandang pag-uugali:

At ang mga patunay dito ay marami mula sa Aklat (Qur’an) at sa Sunnah (mga katuruan ng Propeta), at ang mga ilan dito:

Katotohanang sa mga mabubuting gawain, ang magandang pag-uugali ang siyang pinakamabigat sa lahat ng gawain sa timbangan sa Araw ng Paghuhukom: Ang Propeta ﷺ ay nagsabi: “Walang ilalagay na bagay sa Timbangan nang higit na mabigat kaysa sa magandang pag-uugali, sapagka’t tunay na ang isang tao [Muslim] ay umaabot sa antas na katumbas ng isang nag-aayuno at nagdarasal nang dahil sa kanyang taglay na magandang pag-uugali”. (At-Tirmidhi: 2003)

Katotohanang ito ang siyang pinakamalaking dahilan ng pagpasok sa Paraiso:
Ang Propeta ﷺ ay nagsabi: “Ang pinakamarami sa mga taong nakakapasok sa Paraiso ay bunga ng kanilang pagkakaroon ng [tunay na] takot sa Allah at ng kanilang taglay na kagandahang-asal [at mabuting pag-uugali]”. (At-Tirmidhi: 2004 – Ibnu Majah: 4246). Katotohanan, ang isang nagtataglay ng pinakamagandang ugali mula sa mga tao ang siyang pinakamalapit sa katayuan ng Sugo ng Allah ﷺ sa Araw ng Paghuhukom:

Batay sa kanyang [s.w.s.] sinabi: “Katotohanan, ang pinakamamahal ko sa inyo at pinakamalapit sa akin sa lipon [ng aking pamayanan] sa Araw ng Paghuhukom ay yaong kabilang sa inyo na nagtataglay ng pinakamagandang pag-uugali”. (At-Tirmidhi: 2018). Katotohanang ang katayuan nito ay nasa kataas-taasang bahagi ng Paraiso ayon sa pagsaksi at pagpapatunay ng Sugo ng Allah ﷺ :

Sinabi niya ﷺ : “Ako ang [tumatayong] pinuno sa isang tahanan na nasa ibabang bahagi ng Paraiso para sa sinumang umiiwas sa pakikipagtalo kahit pa man siya ay nagsasabi ng katotohanan, at sa isang tahanan na nasa gitnang bahagi ng Paraiso sa sinumang umiiwas sa pagsisinungaling kahit pa siya ay nagbibiro lamang, at sa isang tahanan na nasa kaitaasang bahagi ng Paraiso sa sinumang nagtataglay ng pinakamagandang pag-uugali”. (Abu Daud: 4800) At ang ibig sabihin ng pinuno ay siya ang tumatayong saksi o tagapagpatunay..

Source: New Muslim Guide