Ang Mga Kahigtan (o Katangian) ng Kagandahang-asal (at pag-uugali) sa Islam


Ang Mga Katangian ng Pag-uugali na Matatagpuan Lamang sa Relihiyong Islam at ang Ilan ay:

1. Ang magandang ugali ay hindi natatangi sa isang uri ng mga tao.

Sapagka’t nilikha ng Allah ang mga tao sa iba’t ibang anyo at kulay, wika, nguni’t sa Timbangan ng Allah, Kanyang itinakda na sila ay magkakapantay-pantay, hindi nakalalamang ang isa sa kanila mula sa iba maliban sa sukat ng kanyang Eeman [paniniwala], antas ng Taqwa [o takot sa Allah] at pagkamatuwid. Batay sa sinabi ng Makapangyarihan at Kataas-taasang Allah: {O sangkatauhan, kayo ay Aming nilikha mula sa lalaki at babae, at kayo ay Aming ginawang mga pamayanan at mga tribu, upang kayo ay mangagkakilala. Katotohanan, ang pinakamarangal sa inyo sa [paningin ng] Allah ay ang may [taglay na] takot [sa Kanya].} Al-Hujurat (49): 13. At ang magandang ugali ang nagbibigay ng kaibahan sa pakikipag-ugnayan ng isang Muslim sa lahat ng tao, walang pagkaiba sa pagitan ng isang mayaman sa isang mahirap, ng mataas sa mababa, gayundin ng itim sa puti, at ng isang arabo sa isang banyaga (hindi arabo)..

Ang Ugali [na Dapat Ilarawan] sa mga Hindi Muslim:
Ipinag-uutos sa atin ng Allah – [ang Ganap na Makapangyarihan at Tigib ng Karunungan], na magpakita ng kahusayan sa ugali sa lahat, sapagka’t ang pagiging makatarungan, pagiging mabait at pagkamahabagin ay paglalarawan ng isang tunay na Muslim na siyang nagbibigay halimbawa sa kanyang pag-uugali at pananalita sa kapwa-Muslim at hindi Muslim. At ang magandang pag-uugaling ito ang siyang magiging daan upang mahikayat ang mga hindi Muslim [na yakapin at kilalanin] ang dakilang pananampalataya [o relihiyong] ito.

Ang Kataas-taasang Allah ay nagsabi: {Hindi kayo pinagbabawalan ng Allah na makipag-ugnayan nang mahinusay at makatarungan sa kanila – sila na hindi nakikipaglaban [o umuusig] sa inyo nang dahil sa inyong relihiyon at hindi nagtataboy sa inyo mula sa inyong mga tahanan. Katotohanang minamahal ng Allah ang mga mapaggawa ng katarungan}. Al-Mumtahanah (60): 8

Ang ipinagbawal lamang ng Allah sa atin ay ang maging tagapagtanggol [o ang makipag-ugnayan] sa mga hindi Muslim [laban sa kapwa-Muslim] at ang pagmamahal sa kung anumang kanila ginagawang Kufr (pagtakwil sa pananampalataya) at Shirk (pagtatambal sa Kaisahan ng Allah). Batay sa sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Ang ipinagbabawal lamang sa inyo ng Allah ay yaong mga nakipaglaban [umusig o tumuligsa] sa inyo nang dahil sa inyong relihiyon at nagtaboy sa inyo mula sa inyong mga pamamahay at yaong mga nakipagtulungan sa iba upang kayo ay maitaboy - [ipinagbabawal] na kayo ay makipagkaibigan sa kanila. At sinumang [kabilang sa inyo] ang nakikipagkaibigan sa kanila, sila yaong mga mapaggawa ng kamalian}. Al-Mumtahanah (60): 9.


2. Ang Kagandahang-asal [at Pag-uugali] ay Hindi Natatangi sa Tao.

Ang Kagandahang-asal sa Mga Hayop:
Samakatwid, ipinababatid sa atin ng Sugo ng Allah ﷺ ang isang kasaysayan tungkol sa isang babae na nakapasok sa Apoy ng Impiyerno nang dahil sa kanyang pagkulong sa isang pusa at ito ay namatay sa gutom, sa kabilang dako, ipinababatid sa atin ang tungkol sa isang lalaki na ang kanyang mga kasalanan ay pinatawad sa kanya ng Allah nang dahil sa kanyang pagpapainom sa isang aso na dumanas ng labis na pagka-uhaw. Gayundin, siya ﷺ ay nagsabi: “Nakapasok ang isang babae sa Apoy ng Impiyerno nang dahil sa isang pusa na kanyang tinalian at hindi pinakain at hindi niya hinayaan makawala [upang] manginain mula sa mga kulisap [o mga halaman] ng lupa”. (Al-Bukhari: 3140 – Muslim: 2619).

At sinabi niya – [sumakanya nawa ang pagpapala at kapayapaan]: “Habang ang isang lalaki ay naglalakad sa isang daan, siya ay nakaranas nang matinding pagkauhaw, at siya ay nakatagpo ng isang balon. Siya ay bumaba rito at uminom, pagkatapos, siya ay muling umahon at lumabas at kanyang namataan ang isang aso na humihingal habang kinakain ang buhangin sa lupa nang dahil sa tinding uhaw nito, at ang lalaki ay nagsabi: Katotohanang inabot ng matinding uhaw ang asong ito tulad ng inabot kong pagka-uhaw, kaya siya ay muling bumaba sa balon at kanyang pinuno ng tubig ang kanyang sapatos, pagkatapos ay dinala niya ito [kinagat ang gilid ng sapatos na may tubigat itinaas] sa pamamagitan ng kanyang bibig hanggang siya makaahong paakyat at pinainom ang aso, Sa gayon kinalugdan [at kinilala] ng Allah [ang kanyang ginawang kabutihan] kaya naman [bilang gantimpala], siya ay pinatawad ng Alalh. Sila [mga nakikinig na kasamahan ng Sugo] ay nagsabi: O Sugo ng Allah! Tunay bang mayroon kaming tiyak na gantimpala sa [pakikitungo namin sa] mga hayop? Siya ay nagsabi: “Sa bawa’t buhay [na hayop na inyong tinutulungan] may nakalaang katumbas na gantimpala [para rito]”. (Al-Bukhari: 5663 – Muslim: 2244).

 

Ang Kagandahang-asal [at Pag-uugali] Upang Mapangalagaan ang Kapaligiran:

Kaya ipinag-uutos sa atin ng Islam ang pagyamanin paglinang [o pagsulong] sa lupa - ang ibig sabihin ay ang paggawa nito, pagpapaunlad nito, pagyabong at pagbuo rito ng isang makabuluhang kabihasnan kalakip ng pangangalaga nito upang mapanatili ang pagpapalang ito at ang pagbabawal sa pagsira nito at pagmamalabis sa mga [likas-yamang] mapagkukunan mula rito, maging ito man ay paninira na magdudulot ng kasamaan sa tao, sa hayop o sa mga pananim, sapagka’t ito ang gawain na itinatakwil at kinamumuhian ng Islam, samakatwid ang Allah – [Tigib ng Kaluwalhatian] ay hindi kinalulugdan [o hindi minamahal] ang mga katiwalian sa lahat ng mga aspeto ng buhay. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Datapuwa’t ang Allah ay hindi nagmamahal sa [lahat ng uri ng] katiwalian}. Al-Baqarah (2): 205.

At umaabot ang pagpapahalaga na ito hanggang sa sandaling nagawang ipayo ng Propeta ﷺ sa mga Muslim ang paggawa ng kabutihan – [halimbawa ay] ang pagtanim ng halaman sa lupa maging sa mga pinakamahirap na kalagayan at sa mga sandali ng labis na pagkabahala, kaya siya ay nagsabi: “Kapag dumating na ang Oras at nasa inyo pang kamay ang isang Fasilah (sanga ng punong-kahoy na pinutol), magkagayon kung magagawa pa ninyong huwag tumindig hanggang sa inyong maitanim [ang sangang] ito, ito ay nararapat ninyong gawin”. (Ahmad: 12981).

3. Ang Kagandahang-asal [at Magandang Pag-uugali] sa Lahat ng Aspeto ng Buhay:

Ang Pamilya:

Binibigyang-diin ng Islam ang kahalagahan ng ugali sa larangan ng pagtataguyod [at pakikitungo] sa pamilya sa bawa’t miyembro nito, kaya siya ﷺ ay nagsabi: “Ang pinakamabuti sa inyo ay ang pinakamabuti sa inyo sa [pakikitungo sa] kanyang pamilya, at ako ang pinakamabuti sa inyo sa aking pamilya”. (At-Tirmidi: 3895).

At siya ﷺ ang pinakamainam sa lahat ng tao na nagtataguyod ng mga gawaing-bahay at tumutulong sa kanyang pamilya sa bawa’t maliit at malaking gawain. Batay sa isinalaysay ng kanyang asawa na si Aishah – [sumakanya nawa ang lugod ng Allah], siya ay nagsabi: “Siya [ang Sugo ng Allah] ay lagi nang nasa gawain [ng pag-aasikaso] sa kanyang pamilya”. (Al-Bukhari: 5048). Ibig sabihin siya ay tumutulong sa kanyang pamilya at kanyang itinataguyod ang anumang kanilang itinataguyod na mga gawaing-bahay.

At siya ay nakikipagbiruan at nakikipaglaro sa kanyang pamilya. Minsan ay nagsalaysay ang kanyang asawang si Aishah – [sumakanya nawa ang lugod ng Allah], siya ay nagsabi: “Lumabas ako kasama ng Propeta ﷺ sa ilan niyang paglalakbay at ako ay isa pang dalagita noon na wala pang laman [o payat] at hindi mataba, at siya ay nagsabi sa mga tao: Magsilapit kayo, kaya sila ay nagsilapit. Pagkatapos ay nagsabi sa akin: Halika at magpaligsahan tayo, kaya nakipagpaligsahan ako sa kanya at siya ay aking natalo, at siya ay nagsawalang-kibo sa akin hanggang nang ako ay magkaroon ng laman at tumaba, at nakalimutan ko na, ako ay lumabas kasama niya sa ilan niyang paglalakbay, siya ay nagsabi sa mga tao: magsilapit kayo, kaya sila ay nagsilapit. Pagkatapos, siya ay nagsabi [sa akin]: Halika at magpaligsahan tayo, kaya nakipagpaligsahan ako sa kanya, at natalo niya ako, kaya siya ay natawa habang sinasabi niya: Ito ay katumbas niyaon”. (Ahmad: 26277.

Ang Kalakalan:
At maaaring ang pagkahumaling sa kayamanan ay mag-uumapaw sa tao, kaya siya ay maaaring lumagpas sa hangganan [ng katarungan] at siya masadlak sa ipinagbabawal, kaya dumating ang Islam upang bigyang-diin ang kahalagahan ng pagpigil dito sa pamamagitan ng magandang ugali, at ang ilan sa mga pagbibigay-diin na ito ay: Ipinagbabawal ng Islam ang pagmamalabis at pandaraya sa mga timbangan at binabalaan ang sinumang gumawa nito ng napakatinding kaparusahan. Batay sa sinabi ng Tigib sa Pagpapala at Kataas-taasan: {Kasawian sa mga mandaraya, sila, na kapag tumatanggap ng sukat sa mga tao, ay kanilang hinihingi ang tamang sukat, datapuwa’t kapag sila naman ang nagbibigay ng sukat o timbang sa kanila, sila ay hindi nagbibigay ng kaukulang timbang}. Surah Al-Mutaffifin (83): 1-3.

Hinihimok nito ang pagpaparaya at pagiging mahinahon sa pagbibili at pamimili. Batay sa sinabi niya ﷺ : “Kinahabagan ng Allah ang isang lalaki na mahaba ang pagpapaumanhin kapag nagbibili at kapag namimili at kapag nagbayad”. (Al-Bukhari: 1970)

Ang Pagsisikap-Pangkabuhayan [o Industriya]:

Binibigyang-diin ng Islam sa mga manggagawa ang ilang mga ugali at pamantayan. Ang ilan dito ay: Ang kahusayan sa gawain at ang mailabas [maihango] ito sa pinakamagandang anyo. Batay sa sinabi niya ﷺ : “Katotohanang kinalulugdan ng Allah na kapag ang isa sa inyo ay gumawa, ito ay kanyang pinaghuhusay”. (Abu Ya`la: 4386 – Al-Bayhaqi fi Shu`abil Iman: 5313). Ang pagiging maagap [sa pagpapatupad] ng mga kasunduan na pinagtibay sa mga tao. Siya ﷺ ay nagsabi: “Ang palatandaan ng isang Munafiq (mapagkunwari) ay tatlo” at nabanggit niya rito: “At kapag siya ay nangako, siya ay hindi tumutupad”. (Al-Bukhari: 33)


4. Ang Magandang Ugali sa Lahat ng Mga Kalagayan:
Kaya walang kinaliligtaan [o nilalaktawang] anupaman ang Islam tungkol sa [kahalgahan ng] pag-uugali, at ang isang Muslim ay pinag-uutusang magpatupad [at tumupad] sa Batas ng Allah at magpairal ng magandang ugali maging sa mga panahon ng digmaan at sa mahirap na kalagayan, samakatuwid ang kadakilaan ng layunin at mithiin nito ay hindi nagbibigay ng kapahintulutan na gumamit ng karahasan at masamang pamamaraan [upang maisakatuparan ang magandang layunin] at hindi nito pinagtatakpan ang anumang pagkakamali nito. At dahil dito ang Islam ay naglagay ng mga malilinaw na tuntunin na siyang batayan sa paghatol ng isang Muslim at sa pagsasaayos ng kanyang mga kilos maging sa sandali ng pakikipag-away at pakikipagdigma, upang ang bagay na iyon ay hindi maging sanhi upang lunurin ang sarili sa pagbibigay kasiyahan sa pagnanasa ng poot [o galit], ng kalupitan, at ng pagkamakasarili.

Source: New Muslim Guide