Ang paniniwala sa mga Pangalan ng Allah at sa Kanyang mga Katangian
Ang paniniwala sa lahat ng pinagtibay ng Allah para sa Kanyang Sarili mula sa Kanyang Aklat o sa Sunnah (katuruan) ng Kanyang Sugo tungkol sa mga Pangalan at mga Katangian nang ayon sa marangal na pamamaraan angkop para sa Allah.
Samakatuwid, ang Dakilang Allah ang may angkin ng mga Naggagandahang Pangalan at Pinakaganap na mga Katangian, walang makatutulad sa Kanya sa Kanyang mga Pangalan at mga Katangian. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Walang anupaman ang makakatulad sa Kanya, at Siya ang Lubos na Nakakarinig, ang Ganap na Nakakakita}. [Surah Ash-Shura 42:11].
Samakatuwid, ang Allah ay malayong maitutulad sa alinman sa Kanyang mga nilikha sa lahat ng Kanyang mga Pangalan at mga Katangian.
Ang ilan sa mga Pangalan ng Allah:
Ang Allah ay nagsabi: {Ar-Rahman (ang Mahabagin), Ar-Rahim (ang Maawain)}. [Surah Al-Fatihah 1:3]
At sinabi pa ng Kataas-taasang (Allah): {At Siya ang As-Sami` (ang Lubos na Nakakarinig), Al-Basir (ang Ganap na Nakakakita)}. [Surah Ash-Shura 42:11]
At sinabi pa ng Kataas-taasang (Allah): {At Siya ang Al-Aziz (ang Sukdol sa Kapangyarihan), ang Al-Hakim (ang Tigib ng Karunungan)}.[Surah Luqman 31:9]
At sinabi pa ng Kataas-taasang (Allah): {Allah! Laa ilaaha illaa Huwa (Wala ng iba pang diyos na dapat sambahin maliban sa Kanya). Al-Hayyu (ang Laging Buhay), Al-Qayyum (ang Tagapagtaguyod ng lahat)}.[Surah Al-Baqarah 2:255]
At sinabi pa ng Kataas-taasan (Allah): {Ang lahat ng pagpupuri at pasasalamat ay sa Allah (ang Tunay na Diyos), ang Panginoon ng lahat ng nilalang}.[Surah Al-Fatihah 1:2]
Ang Mga Bunga ng Paniniwala sa Mga Pangalan ng Allah at sa Kanyang mga Katangian:
Ang pagkakilala sa Allah. Kaya sinuman ang naniwala sa mga Pangalan ng Allah at sa Kanyang mga Katangian ay nararagdagan ang pagkakakilala sa Allah, kaya mararagdagan din ang kanyang pananampalataya [at paniniwala] sa Allah nang wagas, at lalakas ang kanyang pagsamba sa Allah (Tawhid), at isang karapatan ng sinumang nakaalam sa mga Pangalan ng Allah at Kanyang mga Katangian na mapuno ang kanyang puso bilang pagdakila, pagmamahal at pagpapakumbaba sa Kanya na Tigib ng Kaluwalhatian at Kataas-taasan.
Ang pagpuri sa Allah sa pamamagitan ng pagbanggit sa Kanyang mga Naggagandahang Pangalan nang palagian, at ito ang pinakamainam sa mga uri ng pagbibigay-alala [o paggunita] sa Kanya. Sinabi ng Kataas-taasan: {O kayong mga naniniwala! Alalahanin ninyo ang Allah nang madalas [o palagiang] pag-aalaala }. [Surah Al-Ahzab 33:41]
Ang paghingi ng tulong sa Allah at pagdalangin sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang mga Pangalan at mga Katangian. Batay sa sinabi ng Dakilang Allah: {At taglay ng Allah ang mga Naggagandahang Pangalan, kaya manalangin kayo sa Kanya sa pamamagitan nito}.[Surah Al-A`raf 7:180]. Ang halimbawa nito, na manalangin kayo sa Kanya sa pamamagitan ng pagsabi: Yaa Razzaaq Urzuqni (O Tagatustos, tustusan Mo po ako), Yaa Tawwaab Tub `alaiya (O Tagatanggap ng pagsisisi, tanggapin Mo po ang aking pagsisisi), at Yaa Raheem Irhamni (O Mahabagin, kahabagan Mo po ako).
Ang Mga Pinakamataas na Antas ng Eeman (Paniniwala):
Ang Paniniwala ay may mga antas. Nababawasan ang Eeman [paniniwala] ng isang Muslim ayon sa sukat ng kanyang pagkalimot at pagsuway, samantalang nararagdagan ang Eeman [paniniwala] nito sa tuwing nararagdagan ang pagsunod [at pagtalima] sa mga kautusan, pagsamba at pagkatakot sa Allah. At ang pinakamataas sa mga antas ng Eeman [paniniwala] ay ang tinatawag sa Batas ng Islam na Al-Ihsan (ang pagsasagawa ng pagsamba nang buong husay at wagas). Sa katunayan, ito ay ipinaliwanag ng Propeta r sa kanyang sinabi: “Ang Ihsan] ay pagsamba sa Allah ay wari bang Siya ay iyong nakikita, bagaman Siya ay hindi mo nakikita, katotohanang ikaw ay Kanyang ganap na nakikita”. (Al-Bukhari: 50 / Muslim: 8)
Kaya alalahanin na sa iyong pagtindig, sa iyong pag-upo, sa [mga panahon ng] iyong kalakasan, sa [mga panahon ng] iyong kahinaan at sa lahat ng iyong mga kalagayan; ang Allah ay sumusubaybay sa iyo, nagmamasid sa iyo, kaya huwag mo Siyang suwayin samantalang iyong nakababatid na ikaw ay Kanyang ganap na nakikita, at huwag mong hayaang ang pangamba at kawalan ng pag-asa na maghari [o mangibabaw] sa iyo, samantalang iyong nababatid na Siya ay kasama mo, at paano ka nakararamdan ng lungkot, samantalang ikaw ay nagsusumamo sa Kanya ng panalangin at pagpapala, at paano mahuhulog ang iyong sarili sa pagkakasala, samantalang ikaw ay naniniwala nang may katiyakan na Siya ay nakababatid sa iyong inililihim at inilalantad, at kung ikaw ay natisod at nagkamali, ikaw ay sumasangguni, magbalik-loob at humihingi ng kapatawaran, kaya tatanggapin sa iyo ng Allah ang pagsisisi.
Ang Ilan sa Mga Kabutihang Ibinubunga ng Paniniwala sa Allah:
Na ang Allah ang nagtatanggol sa mga naniniwala sa lahat ng kapahamakan, at nagliligtas sa kanila sa mga kagipitan, at nangangalaga sa kanila mula sa mga balakin ng mga kaaway. Batay sa sinabi ng Kataas-taasan (Allah): {Katotohanang ang Allah ay nagtatanggol sa mga naniniwala}. [Surah Al-Hajj 22:38]
Na ang Eeman (paniniwala) ang nagsisilbing dahilan ng pagkakaroon ng mabuting buhay, kaligayahan at kasiyahan. Sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Sinuman ang gumawa ng kabutihan, maging lalaki man o babae, habang siya ay naniniwala (sa Kaisahan ng Allah), katiyakang Aming igagawad sa kanya ang isang mabuting buhay (sa mundong ito)}. [Surah An-Nahl 16: 97]
Na ang Eeman (paniniwala) ay pinalalaya ang kaisipan ng tao mula sa mga pamahiin, kaya sinuman ang naniwala sa Allah nang buong katotohanan, nagtiwala sa Allah at nanalig nang buong katapatan sa Kanya bilang Panginoon ng lahat ng nilalang, at tunay na Diyos nang walang pagtatambal. Bunga nito, siya ay walang sinumang kinatatakutan at ipinakikita ang kanyang pagsamba sa Allah lamang. Kaya pagkaraan nito siya ay nagiging malaya mula sa mga pamahiin at mga maling kaha-haka.
At ang Pinakamalaking Pagpapala na Ibinubunga ng paniniwala sa Allah ay ang pagtamo sa lugod [pagmamahal at pagpapala] ng Allah, at ang pagpasok sa Paraiso, at ang pagkakaloob ng walang katapusang biyaya at habag ng Dakilang Allah.