ILANG MGA MAGAGANDANG ARAL SA ISLAM PARA SA MGA MUSLIM

 


Ipinag-uutos ang pagiging mahinahon at hindi nagkukulang at hindi rin naman nagmamalabis sa Relihiyon (Deen). Ang Allah ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Baqarah, 2:185:

"… Ang Allah ay naglalayon na gawing magaan ito para sa inyo at hindi Niya ninanais na gawing mahirap ang mga bagay para sa inyo. (Nais lamang Niya) na isakatuparan sa ganap na kaayusan ang mga itinakdang araw ng pag-aayuno at Siya ay inyong luwalhatiin nang dahil sa patnubay na ipinagkaloob sa inyo upang kayo ay (matutong) magpasalamat sa Kanya."

At Ang Propeta ay nagsabi:

"Mag-ingat at iwasan ang pagiging mahigpit o mapagmalabis sa Relihiyon, tunay ang isang bagay na nakasira sa mga nauna sa inyo ay ang pagiging mapagmalabis sa Relihiyon." (Iniulat sa Saheeh ibn Hibban)

Ipinag-uutos ang kababaang-loob at ipinagbabawal ang pagmamataas at pagyayabang. Ang Allah ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Luqmaan, 31:19:

"At maging mahinahon (huwag magpakita ng kagaspangan) sa inyong paglalakad, ibaba ang inyong mga tinig. Katotohanan, ang pinakamagaspang sa lahat ng tinig ay ang atungal ng isang asno."

Ang Propeta Muhammad ay nagsabi tungkol sa pagmamataas:

"Sinumang may pagmamalaki sa kanyang puso na kahit kasinlaki ng buto ng mustasa ay hindi makakapasok sa Paraiso." Ang isang tao ay nagtanong, 'O Propeta ng Allah, ang mga tao ay nagnanais magsuot ng mga magagandang kasuotan at mga sandalyas.' Ang Propeta ay nagsabi, 'Tunay na ang Allah ay Maganda at minamahal Niya ang magaganda. Ang pagmamataas ay yaong hindi tumatanggap ng katotohanan at ang kanyang pagtingin sa kapwa ay mababa." (Iniulat ni Imam Muslim)

Ang Propeta Muhammad ay nag-ulat tungkol sa mga taong mapagmalaki sa sarili:

"Sinuman ang kumakaladkad ng kanyang damit sa lupa nang may pagmamalaki, hindi siya titingnan ng Allah sa Araw ng Pagbabangong Muli." (Iniulat ni Imam Bukhari)

Ipinag-uutos sa mga tao na magdamayan sa kapwa at hindi dapat ikatuwa ang kalungkutan ng iba. Ang Propeta Muhammad ay nagsabi:

"Huwag maging masaya sa dinaranas na pighati ng iyong kapatid, maaaring magpakita ng habag ang Allah sa kanya at bigyan kayo ng pagsubok." (Iniulat ni Tirmidhi)

Ipinagbabawal sa mga Muslim ang manghimasok sa buhay ng iba kung wala silang kinalaman o kaugnayan tungkol dito. Ang Propeta ay nagsabi:

"Tunay na isang magandang pag-uugali ng isang Muslim ay ang hindi niya panghihimasok o pakikialam sa ibang wala siyang kaugnayan (o kinalaman)." (Iniulat ni Imam Tirmidhi)

Ipinag-uutos ang paggalang sa mga tao at ipinagbabawal ang pang-aalilipusta o panlalait. Ang Allah ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Hujuraat, 49:11:

"O, kayong Mananampalataya (mga Muslim)! Huwag na ang isang pangkat sa inyo ay alipustain ang isa pang pangkat, maaaring ang huli ay higit na mabuti kaysa sa una. Maging (ang ilan) sa kababaihan ay huwag alipustain ang ibang kababaihan, maaaring ang huli ay higit na mabuti kaysa sa una. Huwag apihin ang isa sa inyo o di kaya’y hamakin (laitin) ang isa sa pamamagitan ng pagtawag ng masakit na palayaw (o taguri). Sadyang napakasamang hamakin (laitin) ang isang kapatid pagkaraang ito ay nagkaroon ng pananampalataya (sa Allah). At sinuman ang hindi nagsisisi, magkagayon, sila yaong (itinuturing na mga) Dhaleem (mapaggawa ng kamalian)."

Ipinag-uutos ang pangangalaga nang may paninibugho sa kanilang 'maharims' at ipinagbabawal ang pakikipagtalik sa hindi asawa. Ang Propeta ay nagsabi:

"May tatlong uri ng tao na hindi makakapasok sa Paraiso; ang isang walang paggalang sa kanyang magulang, ang isang taong hinahayaan ang kanyang asawa (sa gawaing) bawal na pakikipagtalik at ang mga babaing tinutularan ang mga lalaki." (Mustadrak Al-Haakim)

Ipinagbabawal ang mga tumutulad sa magkabilang kasarian, sinabi ni Ibn 'Abbaas (radia-llahu ´anhu):

"Ang Propeta ng Allah ay isinusumpa ang mga lalaking tinutularan ang mga babae at gayon din ang mga babaing tinutularan ang mga lalaki." (Iniulat ni Imam Bukhari)

Ipinag-uutos sa mga tao ang pagpupunyagi sa paggawa ng mabuti sa kapwa, datapwa't ipinagbabawal ang panunumbat sa kanilang ginawang kabutihan. Ang Propeta Muhammad ay nagsabi:

"Kayo ay binabalaan at iwasan ang panunumbat sa mga ginawa ninyong kabutihan sa kanila, sa katunayan ito ay nagiging sanhi ng kawalan ng pasasalamat (sa ginawan ng buti) at pinapawi nito ang gantimpala (na dapat ay tatanggapin niya nang dahil sa ginawa niyang kabutihan)."

Pagkaraan Ang Propeta ay bumigkas ng Salita ng Allah: (Qur'an, Kabanata Al-Baqarah, 2:264):

"O kayong Mananampalataya (Muslim)! Huwag tulutang mawalang saysay ang inyong Sadaqah (kawanggawa) sa pamamagitan ng pagpapaalala ng iyong kabaitan o (pagyayabang) upang saktan (o sumbatan) ang pinagbigyan, katulad ng taong gumugugol ng kanyang yaman upang makita lamang ng ibang tao at hindi naman naniniwala sa Allah at sa Huling Araw."

Ipinag-uutos na huwag mag-isip ng masama sa kapwa at ipinagbabawal ang panunubok at ang paninira sa talikuran. Ang Allah ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Hujuraat, 49:12:

"O, kayong Mananampalataya (mga Muslim)! Iwasan ang labis na hinala sapagka't ang ibang panghihinala ay kasalanan. At huwag maniktik, o manirang puri sa isa’t isa. Nais ba ninyong kainin ang laman ng inyong patay na kapatid ? Inyong kasusuklaman ang gayon (na bagay). At matakot sa Allah. Katotohanan, ang Allah ay (Siyang) Tanging Nagpapatawad at tumatanggap ng pagsisisi, ang Maawain."

Ipinag-uutos na pangalagaan ang dila sa lahat ng masasamang pananalita at dapat niyang gamitin ito sa mabuti para sa kanyang kabutihan o sa panlipunan, tulad ng pag-alaala sa Allah at ang pagpayo sa muling pagkakasundo ng mga tao. Gayon din, ipinagbabawal gamitin ang dila sa kasamaan. Ang Propeta ay nagsabi:

"Ang mga tao ba ay itinatapon sa Impiyerno ng una ang mukha at ilong dahil lamang sa natatamo at inaani ng kanilang dila?" (Iniulat ni Tirmidhi)

Ipinag-uutos ang pakikitungo nang mabuti sa mga kapitbahay at ipinagbabawal ang pananakit sa kanila. Ang Propeta ay nagsabi:

"Isinusumpa ko sa Allah, siya ay hindi tunay na Mananampalataya! Isinusumpa ko sa Allah, siya ay hindi tunay na Mananampalataya! Isinusumpa ko sa Allah, siya ay hindi tunay na Mananampalataya!' At may nagtanong, 'Sino siya o Propeta ng Allah?' (ang inyong tinutukoy). Siya ay sumagot, 'Siya na hindi ligtas ang kanyang kapitbahay mula sa kanyang kasamaan."

Ipinag-uutos na piliin ang mga mabubuting kasamahan at ipinagbabawal ang mga masasamang kasamahan. Ang Propeta ay nagsabi:

"Ang halimbawa ng isang mabuti at masamang kasamahan ay tulad ng isang taong may dala-dalang pabango at ang isang taong panday. Maaaring ang isang taong may dalang pabango ay magbigay o ikaw ay pagbilhan o kaya naman mayroon kang makukuhang nakalulugod o kasiya-siyang amoy. Datapwa't sa isang panday maaaring masunog ang kanyang damit o kaya naman masamang amoy ang makukuha mula sa kanya." (Iniulat ni Imam Al-Muslim)