ANG PANINIWALA AT PANANAW SA DIYOS

( ni: bro. ahmad erandio)

 

Ang tao ay nilikha ng Diyos na may malayang kalooban kung kaya may mga taong may paniniwala sa Diyos bilang Makapangyarihan sa lahat.

Ngunit ang iba naman ay tandisang Ateista o mga taong dinaniniwalang may Diyos, bagkus sila ay materyalista at mapaghangad lamang sa mga kasiyahang dulot ng mundo. Sila ang mga taong walang kaalaman tungkol sa kapangyarihan ni Allah (swt).

Qur’an 52:35-36. “Sila baga’y nilikha mula sa wala? O sila baga sa kanilang sarili ay manlilikha? O sila baga ang lumikha ng kalangitan at kalupaan? Hindi, sila ay walang matatag na pananalig.

Kung aalamin natin ang ating henerasyon sa ngayon, ang mga tao ay may iba’t-ibang pananaw sa Diyos. May sumasamba sa mga diyus-diyusan na may iba’t-ibang hugis ang mukha at nakapangalan sa mga taong kinikilalang banal.

Ang iba naman ay may paniniwalang ang Diyos ay maaaring maging katulad ng Kanyang mga nilikha; Kung kaya may sumasamba sa mga Propeta sa pamamagitan ng pagbanggit ng kanilang mga pangalan sa paniniwalang ang mga taong banal kahit sila ay sumakabilang-buhay na ay dinidinig ang kanilang pagsamba.

Sa relihiyong Islam, ang pagsamba maliban kay Allah (swt) ay isang malaking kalapastanganan sa Kanya, kasalanang walang kapatawaran at ang kanyang magiging tirahan sa kabilang-buhay ay ang Impyernong-apoy na ang panggatong ay mga taong makasalanan at mga batong nagbabaga sa naglalagablab na apoy.

Ito ang pinakamatinding parusa sa mga taong tuwirang ayaw kumilala sa Diyos bagkos nagmamataas, nagbubulag-bulagan, nagbibingi-bingian at nagmamaang-maangan sa katotohanan.

Quran 37:95-96 “Sinasamba ba ninyo ang mga bagay na nililok ninyo? Datapwat si Allah ang lumikha sa inyo at sa anumang ginawa ng inyong mga kamay!”

Qur’an 46:4. “Sabihin mo [sa kanila o Muhammad]: naisip ba ninyo kung ano itong inyong hihingian ng tulong maliban sa nag-iisang tunay at tanging Diyos, ipakita ninyo sa akin kung ano ang kanilang nilikha dito sa daigdig? O mayroon ba silang kabahagi sa [paglikha ng] mga kalangitan? Dalhan ninyo ako ng isang aklat [bilang patibay ng inyong pag-angkin] na nauna dito o anumang labi ng kaalaman [na mayroon kayo], kung kayo ay nagsasabi ng katotohanan!”

AT KAHIT SA MGA NAUNANG KASULATAN IPINAGBABAWAL NG DIYOS ANG PAGSAMBA SA KANYANG MGA NILIKHA

Halimbawa:

Jeremias 10:2-8 …Gaya ng panakot ng ibon sa pakwanan ang kanilang mga diyus-diyusan, na hindi makapagsalita. Kailangang buhatin sila sapagkat hindi makakalakad. Huwag kayong matakot sa kanila: wala silang magagawangmasama at wala rin namang magagawangmabuti.

10:8 Mga hayop at hangal silang lahat: katunayan nga ng kanilang kamangmangan ang kanilang mga diyus-diyusan.”

AT DAGDAG PALIWANAG NI PROPETA HESUS (AS) PATUNGKOL SA KAISAHAN NG DIYOS

Juan 14:1 “Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin.

Mateo 15:9 “Datapwat walang silbi ang kanilang pagsamba sa akin at kautusan lamang ng tao ang kanilang itinuro.”

ANG PANINIWALA AT PANANAW SA RELIHIYONG ISLAM

Ipinangaral sa relihiyong Islam na ang isang tao ay hindi magiging tunay na Muslim kung hindi nito tinatanggap sa puso’t isipan ang paniniwala sa kaisahan ng pagsamba sa nag-iisang Diyos na si Allah (swt)

SINUMANG MAGPAPATUNAY NA WALANG IBANG DIYOS KUNDI SI ALLAH (SWT)

Sinabi ni Propeta Muhammad (sas) “Sinumang magpapatunay na walang ibang Diyos kundi si Allah (swt), na nag-iisa at walang kaagapay; na si Muhammad ang kanyang alagad at Sugo; na si Hesus (as) ay alagad at Sugo ni Allah (swt), na utos niya kay Maria at sa kanyang ispirito; na ang paraiso at impiyerno ay totoo, ay papapasukin ni Alah (swt) sa paraiso dahil dito.” [Sahih Al-Bukhari]

Si Allah (swt) na siyang maylikha ay nararapat na maging ibang kalikasan sa mga bagay na nilikha lamang sapagkat kung Siya ay kahalintulad sa kalikasan na nilikha, Siya ay magiging pansamantala lamang at samakatuwid ay mangangailangan ng tagagawa.

ANG PANINIWALA AT PANANAW SA DIYOS

Qur’an 6:59. At nasa Allâh () na Kataas-taasan ang mga susi ng lahat ng lihim, at walang sinuman ang Nakaaalam nito bukod sa Kanya, at kabilang sa mga kaalamang ito ay ang kaalaman hinggil sa ‘As-sa`ah’ (ang Oras ng katapusan ng sandaigdigan), ang pagpapababa ng tubig-ulan, at kung ano ang katayuan ng mga sanggol na nasa mga sinapupunan ng ina, at kung ano ang iyong kikitain at mangyayari kinabukasan, at ang lugar na kung saan ang tao ay mamamatay, alam Niya kung ano ang nasa kalupaan at nasa karagatan, at walang anumang dahon na nalalagas nang hindi Niya ito nalalaman, maging ang lahat ng butil na nasa ilalim ng kalupaan, at ang lahat ng sariwa at tuyo; ay nakatala sa Kanyang Aklat, na isang Malinaw na Talaan na ito ay tinatawag na ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh.’

Qur’an 6:60. At Siya, ang Allâh () – Luwalhati sa Kanya at Kataas-Taasan, ang kumukuha ng mga kaluluwa sa gabi (kapag kayo ay natutulog) na katulad ng pagkuha nito sa oras ng kamatayan, at batid Niya kung ano ang inyong kikitain at kung ano ang inyong ginagawa sa araw; pagkatapos ay ibinabalik Niya ang inyong mga kaluluwa sa inyong mga katawan pagkagising ninyo mula sa pagtulog, na katulad ng magaganap sa Araw ng Muling Pagkabuhay pagkatapos ninyong mamatay; upang mabuo ninyo ang itinakdang buhay dito sa daigdig, pagkatapos (sa dakong huli) sa Allâh () kayo ay magbabalik pagkatapos kayong buhaying muli mula sa inyong mga libingan. Pagkatapos sasabihin Niya sa inyo kung ano ang inyong ginawa sa buhay dito sa daigdig, pagkatapos kayo ay tutumbasan ayon doon.)

ANG PANINIWALA SA KAISAHAN NG DIYOS

Ang paniniwala sa kaisahan ng Diyos ang siyang batayan na ang isang tao ay matatawag na Muslim, at upang maging ganap ang kanyang pagiging Muslim, nararapat niyang sundin ang mga kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng Qur’an at ang mga aral na iniwan ng huling Propetang si Muhammad (sas).

BAKIT KAY ALLAH (SWT) LAMANG DAPAT MANINIWALA?

Sapagkat Siya ang nagmamay-ari ng daigdig at kabilang buhay, ang Panginoon ng lahat ng nilikha; Siya ang nagpadala ng mga Sugo at nagpahayag ng mga aklat upang anyayahan sa katotohanan na siyang ikaliligtas at ikabubuti nila dito sa lupa at sa kabilang-buhay.

Qur’an 51:56. “Hindi ko nilikha ang jinn [si Satanas, mga lamang-lupa at iba pang nilikha na hindi nakikita] at ang tao, liban sa ako ay sambahin.”

Ang sinumang may taos-pusong paniniwala na wala nang iba pang Diyos maliban kay Allah (swt) at si Propeta Muhammad (sas) ang Kanyang alipin at Sugo siya ay matatawag na Muslim at ang kanyang magiging relihiyon ay Islam, na ang ibig sabihin o pakahulugan ay ang pagtalima at pagpapasakop sa kagustuhan ni Allah (swt).

Qur’an 3:85. “Ang sinumang magnais ng ibang relihiyon maliban sa relihiyong Islam kailanman ay hindi Ko tatanggapin at sa kabilang-buhay sila ay nasa hanay ng mga talunan.”

Kaya’t nararapat lamang na kay Allah (swt) tayo sumamba at ang ating relihiyon ay Islam na siyang relihiyon sa lahat ng mga Propeta at Sugo magmula kay Adan, Noah, Abraham, Moses, David, Solomon, Hesus at Muhammad (sumasakanila nawa kapayapaan).    

 

Search Videos

Ang lahat po ng larawan na naitala o makikita dito ay kabahagi lamang ng mga ibat ibang programa o activities ng aming Islamic Dawah Center.

 

Go to top