Bakit Bawal sa Islam ang BF/GF Relationship?
Ang BF/GF relationship ay haram! Haram kahit yaong pakikipag-close ng lalake sa babae o babae sa lalake na hindi nito mahram. Haram din ang M.U. o may mutual understanding, pati na rin ang friends with benefits, at pati na rin ang pakikipagbarkada o pakikipagkaibigan sa ibang kasarian na hindi mahram ay pawang mga haram din.
1. Ito ay daan patungo sa zina o pakikipagtalik ng hindi kasal!
Walang duda na napakarami ng nagtalik na hindi kasal, nawala ang virginity o nabuntis at marami pa ang mabubuntis o kahit hindi man mabuntis ay makagagawa ng pre-marital sex o yaong pagtatalik ng hindi kasal nang dahil sa bawal na relasyong ito. Napakalinaw sa kahit saang relihiyon lalo’t higit sa Islam ang pagiging bawal ng pre-marital sex at kitang-kita naman natin sa paligid na ang bf/gf relationship ang isa sa pinakamalaking dahilan kung bakit naisasagawa ang napakasamang gawain na ito na pagtatalik ng hindi kasal, lalo’t sa mga kabataan.
Si Allah ay nagsabi sa Quran,
وَلاَ تَقْرَبُوْا الزِّنَا)) سورة الإسراء:
”At huwag kayong lalapit sa zina!” [Suratul Isra’:32]
At dahil ang bf/gf relationship ay napakalinaw na pintuan patungo sa zina ay naging bawal ito at tandaan natin na anumang gawain na magdudulot sa iyo patungo sa kasalanan o kapinsalaan ay haram.
2. Ang ikatlo ng magkasintahan ay ang shaytan!
Hindi natin maikakaila na ang magsyota ay madalas nagsasama o nag-uusap na silang dalawa lamang at sikreto. Ang Propeta Muhammad (sallallahu ‘alayhi wa sallam) ay nagsabi,
(لاَ يَخْلُوَنَّ رَجُلٌ بِامْرَأَةٍ إِلاَّ كَانَ ثَالِثُهُمَا الشَّيْطَانُ) صحيح الجامع
”Hindi naiiwang magkasama ang lalake at babae maliban lamang at ikatlo nila ang Shaytan.”
Kapag ang lalake at babae lalo na’t magkasintahan ay naiwan na sila lamang dalawa ang magkasama sa isang pribadong lugar ay hindi maitatangging magiging ikatlo nila ang Shaytan at sila ay tutuksuin nito kahit pa man sa pamamagitan ng text-text lang or pagcha-chat.
3. Nakasaad sa Quran na ipinagbawal ni Allah ang pagbibigay pangako sa babae ng pasikreto.
قال الله عز وجل :((وَلَكِن لاَّ تُوَاعِدُوءهُنَّ سِرًّا إِلاَّ أَنْ تَقُوْلُوْا قَوْلاً مَعْرُوْفًا)) سورة البقرة:235
”At (kayong mga lalake) huwag ninyo silang pangangakuan (ang mga babae) nang palihim, maliban lamang sa paraang tama (pamamanhikan sa tatay o wali ng babae).” [Suratul Baqarah:235]. Alam natin na ang bf/gf relationship ay punung-puno ng pagpapangako sa isa't isa.
4. Pagbabawal sa Quran na pakasalan ang mga babaeng may boyfriend.
قال الله عز وجل :((فَانْكِحُوْهُنَّ بِإِذْنِ أَهْلِهِنَّ وَءَاتُوْهُنَّ أُجُوْرَهُنَّ بِالْمَعْرُوْفِ مُحْصَنَاتٍ غَيْرَ مُسَافِحَاتٍ وَلاَ مُتَّخِذَاتِ أَخْدَانٍ)) سورة النساء:25
”Inyong pakasalan silang mga babae ayon sa pahintulot ng kanilang pamilya at ibigay ninyo sa kanila ang kanilang mahr (dowry) sa tamang paraan. Sila (mga babae) dapat ay dalisay at hindi gumagawa ng zina at wala silang mga kasintahan (boyfriend).” [Suratun Nisa:25]
Nabanggit sa Tafsir Ibn Kathir na ayon kay Ibnu Abbas (radiyallahu ‘anhu), “Ang ayah na ito ay nagsasabi sa atin na bawal pakasalan ang babae na may kasintahan hangga’t hindi niya ito itinigil o pinuputol.”
5. Ang magkasintahan ay nagho-holding hands at ito ay bawal sa Islam.
قال رسول الله صلى الله عليه وسلم: (لَأَنْ يُطْعَنَ فِي رَأْسِ رَجُلٍ بِمَخِيْطٍ مِنْ حَدِيْدٍ خَيْرٌ لَهُ مِنْ أَنْ يَمُسَّ اِمْرَأَةً لاَ تَحِلُّ لَهُ)
Sinabi ng Rasulullah (sallallahu alayhi wa sallam), “Mas mainam pang matusok sa ulo ng bakal na karayom ang lalake kaysa sa hawakan niya ang babae na hindi maaari sa kanya.” At natural na kung bawal ang holding hands ay mas lalong bawal ang pag-akbay, paghalik, pagsandal at iba pang mga katulad nito, may halong pagnanasa man o wala.
6. Sa Islam ay itinuturing na bahagi ng zina ang pagtingin, pagdinig at pagsasalita ng may lambing o pagnanasa.
قال رسول الله صلى الله عليه وسلم: (فَالْعَيْنَانِ زِنَاهُمَا النَّظَرُ، وَالْأُذُنَانِ زِنَاهُمَا الِاسْتِمَاعُ، وَاللِّسَانُ زِنَاهُ الْكَلَامُ)
Sinabi ng Rasulullah (sallallahu alayhi wa sallam), “At ang zina ng dalawang mata ay ang pagtingin (o pagtitig sa hindi dapat tingnan), at ang zina ng dalawang tainga ay ang pakikinig (sa hindi dapat pakinggan), at ang zina ng dila ay ang pagsasalita (ng hindi magaganda)...” Alam natin sa Islam na bawal tumitig ang lalake sa babae na hindi niya mahram at ganundin ang babae, at mas lalo itong nagiging bawal kung may pagnanasa. Isinasara ng Islam ang lahat ng pintuan na magdadala sa atin patungo sa zina.
7. Ang mga kuffar (hindi mga Muslim) lamang ang talamak na gumagawa nito.
Wala ni isa sa mga Sahabah o Tabi’un lalo na ang Propeta (sallallahu alayhi wa sallam) ang gumawa ng bf/gf relationship bagkus ang mga di-mananampalataya kay Allah ang siyang gumagawa nito. Tanungin mo ang iyong sarili na itunuturing mong isa kang Muslim, kung sino ang iyong huwaran sa buhay, ang Rasulullah (sallallahu ‘alayhi wa sallam), mga Sahabah at mga Tabi’un ba ang iyong huwaran o ang mga kuffar?!
8. Kabit ang tawag sa kasintahan ng may asawang lalake o babae.
Matanong ko po kayo, halimbawa, may asawa na ang lalake at mayroon siyang girlfriend. Ano tawag sa gf niya samantalang may asawa na siya? Ang tawag doon natural ay kabit. At kahit saang relihiyon ay bawal ang kabit. Kaya nga ipinahintulot sa Islam na mag-asawa ng higit sa isa at ipinagbawal ang kabit.
9. Nawawalan ng hiya ang tao dahil dito lalo na sa parte ng babae.
Masasabi kong nawawalan ng hiya, dahil sa pakikipaglambingan sa hindi naman niya asawa at ibinabahagi niya rito ang maseselang kuwento ng kanyang buhay at maseselang parte ng kanyang katawan.
Talagang napakarami ng kapinsalaan ang maidudulot ng bawal na relasyong ito. Nariyan na nalugi o kawawa ang lalake o babae na nakapag-asawa ng hindi na birhen o di kaya ay pinagsawaan na ng ibang tao o di kaya ay nahimas na at nahalikan sa bawal na paraan. Nariyang imbes na makatulong sa iyong pag-aaral ay lalo pang naging dahilan na hindi ka maka-concentrate at dumadagdagsa ang mga problema dahil madalas mong iniisip, pinoproblema kung totoo ba ang mga pangakong binitiwan, kung honest ba, kung paano itatago sa pamilya, paano paglalaanan ng panahon, dagdag gastos sa load at kung anu-ano pa.
Narito naman ang ilan sa mga paraan para hindi tayo mahulog sa patibong na ito.
1. Laging tatandaan na ito ay bawal at tandaan ang mga nakasaad sa itaas lalo na yaong mga parusa sa mga gumagawa nito at ang masasamang maidudulot nito sa iyong sarili, sa iyong pamilya at sa lipunan.
2. Gawing huwaran sa buhay ang mga Sahabah at mga Sahabiyat, hindi yaong mga kuffar at mga celebrity. Iwasan ding manood ng mga teleserye, makinig ng mga music, magbasa ng mga love stories na haram dahil ang mga ito ay mapanukso at hindi maikakailang isa ito sa mga dahilan kung bakit ang mga kabataang Muslim sa ngayon ay pumasok sa ganitong bawal na relasyon. Magbasa ng mga kwento ng mga mabubuting tao at sila ang ating gawing modelo ng ating buhay.
3. Makipagkaibigan sa mga matatakutin kay Allah na hindi nagkakasintahan dahil kapag ang kinaibigan mo o kinabarkada mo ay yaong may kasintahan ay hindi malayong ipi-peer pressure ka nila para magkaroon ka rin ng kasintahan.
4. Huwag maniniwala sa mga sabi-sabi na ang tunay daw na lalake ay dapat may girlfriend. Ang isagot mo sa kanila ay ang tunay na lalake ay ang mga Sahabah (radiyallahu ‘anhum) na hindi nagkakasintahan bagkus nag-aasawa sa tamang paraan, kanilang iniingatan ang mga babae at hindi pinagsasamantalahan.
5. Kung babae ka naman ay huwag maniniwala sa pangako ng mga lalake gaano man ito katamis, huwag magpapadala sa mga ito kahit sabihin pa nilang mahal ka niya. Ang tunay na katibayan na mahal ka ng lalake ay kayang mamanhikan sa iyong ama, hindi niya idadahilan na nag-aaral pa siya o natatakot siya o kesyo hindi pahanda. Kapag may lalakeng nais kang ligawan ay sabihin mong umakyat sa bahay ninyo at kung hindi niya gawin ay putulin mo ang anumang nagdudugtong sa inyo, magpalit ka ng cellphone number, i-block siya sa facebook at maaari mo rin siya pagbantaan na isusumbong mo siya sa tatay mo o sa mga kamag-anak mong lalake.
6. Huwag maniniwala sa sinasabi nila na “mahirap daw ang buhay may-asawa”. Ang sagot diyan ay napakasarap kaya ng buhay may-asawa. May katuwang ka na sa buhay sa hirap man o ginhawa, makakakuha kayo ng gantimpala sa araw-araw dahil nagmamahalan kayo alang-alang kay Allah at kayo ay sumunod sa kagustuhan Niya, nakasigurado ka na na iyong-iyo na siya, ang inyong paglalambingan ay mas matamis at wala na kayong dapat ikatakot o ikahiya sa mga tao. Huwag din matatakot na wala kayong makakain, basta’t magsumikap lamang kayo at manalig kay Allah at kayo ay Kanyang bibiyayaan ng marami at mabuti.
قال الله عز وجل :((وَأَنكِحُوا الأَيَامَى مِنْكُمْ وَالصَّالِحِينَ مِنْ عِبَادِكُمْ وَإِمَائِكُمْ إِنْ يَكُونُوا فُقَرَاءَ يُغْنِهِمْ اللَّهُ مِنْ فَضْلِهِ))
Kabilang sa kahulugan ng ayah na nabanggit ay pagyayamanin sila ni Allah at bibiyayaan kung sila’y magpapakabuti.
7. Kung babae ka ay huwag maniniwala na baka wala nang magpakasal na lalake sa iyo. Manalig ka kay Allah, humiling sa kanya at Siya na ang bahala sa iyo. Napakarami ng kuwento ng mga babaeng nagpakabuti ang biniyayaan ni Allah ng mabuting mister at napakarami din naman ng babaeng hindi nagpakabuti ang napariwara ang buhay. Hindi kasiguraduhan ang pagkakaroon ng boyfriend para magkaroon ng mister dahil mas marami ang nagbi-break at ikaw na babae ang kawawa dahil nalamangan ka. Tandaan mo na ikaw ay alipin ni Allah at hindi ka tumutulad sa mga taong sumusuway sa Kanya lalo’t higit yaong kung magpalit ng kasintahan ay parang nagpapalit lang ng damit!
8. Tandaan mo na ang pagkakaroon ng kasintahan ay nagpapababa ng iyong karangalan at dangal. Inilalagay mo rin ang iyong sarili sa kapahamakan at galit ni ِAllah ang inyong makakamit.
9. Bilang panghuli, ipapayo ko sa mga lalake ng tahanan: ama, kuya, tiyuhin, lolo o kapatid na lalake, na huwag nating hayaan ang mga babae sa ating pamilya na mahulog sa bawal na relasyong ito. Sa isang matibay na hadith ay nabanggit ng Rasulullah (sallallahu ‘alayhi wa sallam) na hindi makakapasok ng Paraiso ang lalakeng dayyuth o yaong hinahayaan niya ang kanyang babaeng kapamilya na pumasok sa haram na relasyon. Dayyuth din na matatawag yaong lalake na walang ghirah o walang nararamdaman na pagkamuhi sa kanyang kapamilyang babae kapag mayroong ibang lalake na hindi nito mahram ang nakikipagrelasyon dito o di kaya ay gumagawa sila ng ipinagbabawal ni Allah. Obligado sa mga lalake ng tahanan na protektahan ang mga kapamilya nilang babae at sila’y pagbawalan kung mayroon silang sinusuway na utos ni Allah lalo’t kung sila ay nahulog sa bawal na relasyon. Sa isang hadith din ay nabanggit ng Rasulullah (sallallahu ‘alayhi wa sallam) na ang lalakeng dayyuth ay hindi titingnan ni Allah sa Araw ng Paghuhukom.
Gabayan nawa tayo ni Allah nang madalas tungo sa tuwid na landas. Amin.
#AbuShaykhani_Lectures #AbuShaykhani_Lectures08
Muhammad Ibn Ismael
Tuesday, January 3, 2017