Ang Paniniwala sa mga Anghel:

Ang Kahulugan ng Paniniwala sa mga Anghel:
Ang matatag na paniniwala ng pagkakaroon ng mga Anghel, na sila ay may sariling daigdig na lingid, bukod sa daigdig ng mga tao at daigdig ng mga Jinn, at sila ay mararangal, at mga alipin ng Allah na sumasamba sa Kanya, at sila ay tumatalima at tumutupad sa lahat ng mga ipinag-uutos sa kanila, at sila ay hindi sumusuway sa Allah kailanman.

Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Bagkus, sila (mga anghel) ay mga mararangal, Siya (Allah) ay hindi nila (mga anghel) pinangungunahan sa pagsasalita, at sila ay gumagawa nang ayon sa Kanyang pag-uutos}. [Surah Al-Anbiya’ 21:26-27]

At ang paniniwala sa kanila ay isa sa anim na mga haligi ng Eeman (Paniniwala). Sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Ang Sugo (Muhammad) ay naniniwala sa anumang ipinahayag sa kanya mula sa kanyang Panginoon, at (gayundin) ang mga naniniwala. Ang bawa’t isa ay naniniwala sa Allah, sa Kanyang mga anghel, sa Kanyang mga Kasulatan, at sa Kanyang mga Sugo}.[Surah Al-Baqarah 2:285]

At siya r ay nagsabi tungkol sa [kahulugan ng] Eeman: “Na ikaw ay maniwala sa Allah, maniwala sa Kanyang mga Anghel, maniwala sa kanyang mga Kasulatan, maniwala sa Kanyang mga Sugo, maniwala sa Huling Araw at maniwala sa Tadhana, maging ito man ay mabuti at masama”. (Muslim: 8)

Ano ang Mga Napaloloob sa Paniniwala sa Mga Anghel?
Ang paniniwala na mayroong mga anghel: Kaya tayo ay dapat maniwala na sila ay tunay na mga nilikha ng Allah, umiiral nang may katotohanan, sila ay Kanyang nilikha mula sa liwanag, at sila ay Kanyang inutusan para sa pagsamba at pagsunod sa Kanya.

Ang paniniwala sa pangalan ng sinumang napag-alaman natin mula sa kanilang lipon, tulad ng Anghel Jibreel (Gabriel), [nawa’y igawad sa kanya ang kapayapaan], at gayundin yaong hindi natin napag-alaman ang kanilang mga pangalan, sila ay dapat nating paniwalaan sa pangkalahatang pananaw bilang katuruang ipinag-uutos ng Islam.

Ang paniniwala sa kanilang mga katangian na ating napag-alaman, at ang mga ilan dito ay:
Sila ay tunay may sariling daigdig na lingid [sa ating mga paningin], sila ay mga nilalang na [patuloy] at lagi nang sumasamba sa Allah, kaya sila ay walang anupamang taglay na katangian [upang sila ay ituring bilang nag-aangkin ng] pagka-panginoon at pagka-diyos, bagkus sila ay mga alipin [o lingkod ng Allah] na ganap na napapailalim sa pagsunod sa Allah. Batay sa sinabi ng Dakilang Allah tungkol sa kanila: {Sila ay hindi sumusuway sa Allah sa anumang Kanyang ipinag-uutos sa kanila, bagkus kanilang ginagawa ang anumang Kanyang ipinag-uutos sa kanila}. Surah At-Tahrim 66:6]

Sila ay tunay na nilikha mula sa liwanag. Sinabi niya – ipagkaloob nawa sa kanya ang pagpapala at kapayapaan: “Nilikha ang mga anghel mula sa liwanag”. (Muslim: 2996)

Tunay na sila ay mayroong mga pakpak. Katotohanang ipinabatid ng Allah na Siya ay lumikha sa mga anghel ng mga pakpak, sila ay magkakaiba nito sa bilang. Sinabi ng Maluwalhating Allah: {Ang lahat ng papuri at pasasalamat ay sa Allah, ang (tanging) nagpasimula ng paglikha sa mga kalangitan at kalupaan, ang naghirang sa mga anghel bilang mga Sugo na may mga pakpak, dalawa o tatlo o apat. Siya ang nagdaragdag sa paglikha sa anumang Kanyang naisin. Katotohanang ang Allah ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay}. Surah Fatir 35:1]

Ang paniniwala sa ating napag-alaman hinggil sa anumang kanilang mga gawain na kanilang ipinatutupad sa pag-uutos ng Allah, at ang ilan dito:

Ang inatasang mangasiwa para sa paghahatid ng Mensahe mula sa Allah tungo sa Kanyang mga Sugo – nawa’y ipagkaloob sa kanila ang kapayapaan, at ito ay si Jibreel (Anghel Gabriel) –nawa’y ipagkaloob sa kanya ang kapayapaan.

Ang inatasang mangasiwa para sa paghugot ng mga kaluluwa, ito ay si Malakal Mawt (ang Anghel ng kamatayan) at ang kanyang mga kasamahan.

Ang mga inatasang mangasiwa para sa pangangalaga ng gawain ng isang alipin at ang pagsulat nito, maging ito man ay mabuti o masama, at sila ang mararangal na mga tagapagsulat.

Ang Mga Mabubuting Bunga ng Paniniwala sa Mga Anghel:
Ang Paniniwala sa mga Anghel ay mayroong mga dakilang bunga sa buhay ng isang naniniwala [Muslim]. Babanggitin natin ang ilan dito, ito ay ang mga sumusunod:

Ang mapag-alaman natin ang Kadakilaan ng Allah, ang Kanyang Lakas at Kaganapan ng Kanyang Kapangyarihan, sapagka’t ang kadakilaan ng isang nilalang ay mula sa Kadakilaan ng Tagapaglikha, kaya bunga nito, ay nararagdagan ang ating pagpapahalaga sa Allah at higit pang pagdakila, na kung saan ang Allah ay nakalilikha ng mga anghel na may mga pakpak mula sa liwanag.

Ang manindigan [at matwid] sa pagsunod sa Allah, kaya sinuman ang naniwala na ang mga anghel ay nagsusulat ng lahat ng kanyang gawain, katotohanang ito ay nagbibigay sa kanya ng takot sa [parusang kanyang matatamo sa] Allah, kaya hindi niya magagawang sumuway, maging lantaran man at lihim.

Ang maging matiisin sa pagsunod sa Allah, at makaramdam ng kagalakan at kapanatagan sa sandaling ang isang naniniwala ay ganap na naniniwala na siya ay may kasamang libu-libong mga anghel sa napakalawak na sansinukob na ito na nagtataguyod sa pagsunod sa Allah nang ayon sa pinakamahusay na kalagayan at pinakaganap na katayuan.

Ang maging mapagpasalamat sa Allah sa Kanyang pangangalaga sa lahi ni Adam, na kung saan ay nagtakda Siya ng mga anghel na tumatayong tagapangalaga sa kanila at tagapagtanggol sa kanila.

 

Search Videos

Ang lahat po ng larawan na naitala o makikita dito ay kabahagi lamang ng mga ibat ibang programa o activities ng aming Islamic Dawah Center.

 

Go to top