Tanong at Sagot:
Tanong:
Ano po ba ang lalong mainam kapag magpapatrapa, ilapag muna ang tuhod bago ang mga kamay o ang kabaligtaran? Papaano pagtutugmain ang dalawang Hadeeth hinggil dito na magkasalungat?
Sagot:
Ang sunnah para sa nagsasagawa ng salah, kapag nais niyang magpatirapa, ay ilapag niya muna ang mga tuhod bago ang mga kamay kung kaya niya ito. Ito ang pinakatumpak na pahayag ng nakararaming mga pantas batay sa Hadeeth na isinalaysay ni Wa’il bin Hujr (RA) at iba pang mga hadeeth na ganito rin ang kahulugan. Tungkol naman sa Hadeeth na isinalaysay ni Abu Hurrayrah (RA), ang totoo niyan ay hindi nito sinasalungat (ang Hadeeth na isinalaysay ni Wa’il) sa halip ay tumutugma pa ito roon sapagkat sa Hadeeth na ito ay ipinagbabawal ng Propeta (SAS) sa nasasagawa ng salah na lumuhod na gaya ng pagluhod ng kamelyo. At ang sinabi sa katapusan ng Hadeeth na ito. “At ilapag niya muna ang kanyang mga kamay bago ang kanayng mga tuhod” ay malamang na isang pagkakamali ng mananalaysay. Ang tama ay: “Ilapag niya muna ang mga tuhod bago ang mga kamay.” Sa ganito ay napagtutugma ang mga Hadeeth at ang huling bahagi ng Hadeeth na nabanggit ay tumutugma na sa simula ng Hadeeth at naalis na ang pakakasalungatan. Ganito rin ang pakahulugang ibingay ni Ibnul Qayyim -- kahabagan siya ni Allah -- sa kanyang akalat na pinamagatang Zadul Ma`ad.
Ang hindi naman kayang unahin ang mga tuhod sanhi ng kahinaan o katandaan ay hindi masisisi sa pag-una ng kanyang mga kamay ayon sa sinabi ni Allah: “Kaya katakutan ninyo si Allah sa abot ng inyong makakaya.” At ayon sa sinabi ng Propeta (SAS): “Ang ipinagbawal ko sa inyo ay iwasan ninyo at ang ipinag-utos ko sa inyo ay gawin sa abot ng inyong mgkakay.” Si Allah ang tagapagpatnubay.