Tanong at Sagot:
Tanong:
Nagkakaiba ang mga pananaw ng mga pantas hinggil sa pagbigkas ng ma’moon ng suratul fatihah sa likod ng imam, ano po ang tama rito? Ang ma’moom po ba ay kailangan bumigkas ng suratul fatihah? At kailan po ba niya maaring bigkasin ang suratul fatihah kung ang imam ay hindi tumitigil sa pagbigkas? Sunnah po ba para sa imam ang tumahimik nang ilang sandali matapos na bigkasin ang suratul fatihah nang sa gayon ay mabigkas naman ito ng ma’moom?
Sagot:
Ang wasto ay kailangang bigkasin ng ma’moom ang suratul fatihah sa lahat ng limang fardh na salah ayon sa sinabi ng Propeta (SAS): “Walang salah ang hindi bumibigkas ng suratul fatihah.” Ang sabi pa niya (SAS) sa kanyang sahabah (RA): “Sana ay bumibigkas kayo sa likod ng inyong imam.” Ang sabi naman nila: “Opo” Ang sabi naman niya (SAS): “Huwag kayong bumigkas ng iba pa maliban sa suratul fatihah; sapagkat walang salah ang hindi bumigkas ng suratul fatihah.”
Ang pagbigkas ng suratul fatihah ay sunnah habang nanahimik ang imam. Kung hindi tumitigil sa pagbigkas ang imam, bibigkasin ng ma’moom ang suratul fatihah kahit na bumibigkas din ang imam. At itong pagbigkas ng suratul fatihah kahit na bumibigkas din ang imam ay hindi saklaw ng mga patunay na nagpapatunay na kailangang tumahimik kapag nagbabasa ang imam. Subalit kung sakaling nakalimutan ng ma’moom na bigkasin ang suratul fatiha o hindi ginawa dahil di-alam na ito ay kailangan o dahil sa paniniwalang hindi ito fardh, wala siyang pagkakamali at sapat na para sa kanya ang pagbigkas ng imam ayon sa pahayag ng nakararaming mga pantas. Ganoon din naman kung dumating siya habang ang imam ay nakayukod, yuyukod din siyang kasama nito at sapat na sa kanya ang pagyukod na ito. Hindi na rin niya kailangang bigkasin ang suratul fatihah dahil hindi niya ito naabutan. Sa isang Hadeeth na isinalysay ni Abu Bakrah ath Thaqafi (RA), sinabi rito na siya ay pumunta sa Propeta habang ito nakayukod kaya yumokod narin siya nang wala sa hanay at saka lamang pumasok sa hanay pagkatapos yumukod. Pgakatapos ng Propeta (SAS) na magsabi ng tasleem, siya ay sinabihan nito (SAS): “Naway pag-ibayuhin ni Allah ang marubdob mong hangaring gumawa ng mabuti. Ngunit huwag mo nang ulitin.” Ang Hadeeth na ito ay nasa Saheeh Al-Bukhari. Hindi siya inutusan ng Propeta (SAS) na ulitin ang rak`ah (na naabutan niya ng yumukod nang wala sa hanay). Ang ibig sabihin ng sinabi ng Propeta (SAS) na: “Huwag mo nang ulitin” ay huwag mo nang ulitin ang pagyukod nang wala sa hanay Dahil dito ay nalaman na ang sunnah para sa isang pumasok sa Masjid, habang ang imam ay nakayukod, ay huwag yumukod sa likod ng hanay. Sa halip, kailangan maghintay hanggang sa makarating sa hanay kahit na hindi niya mahabol ang pagyukod. Ito ay ayon sa sinabi na Propeta (SAS): “Kapag kayo ay pupunta sa salah, maglakad ng mahinahon. Ang anumang maabutan ninyo sa salah ay isagawa ninyo at kumpletuhin ninyo ang natitirang hindi ninyo nagawa.”
Tungkol naman sa Hadeeth na nagsasabing : “Ang sinumang may imam, ang pagbigkas nito ay pagbigkas niya rin.” Ito ay isang Hadeeth na da`eef – hindi ginagamit na patunay ng mga pantas. At kahit maging saheeh man ang Hadeeth na ito, ang suratul fatihah ay sasaklawan nito nang sa gayon ay tumutugma ito sa iba pang mga Hadeeth.
Tungkol naman sa pananahimik pagkatapos ng suratul fatiha, wala akong alam na Hadeeth na saheeh tungkol dito. Sa puntong ito ay maluwag kung nanaisin ni Allah. Kaya kung sinuman ang hihinto at mananahimik na ilang sandali pagkatapos ng suratul fatiha, walang masama; at kung sino mana ang ayaw gawin ito, wala ring masama sapagkat hindi napatunayang ito ay ginawa ng Propeta (SAS), ayon sa aking pagkakaalam. Ang napatunayang ginawa ng Propeta (SAS) ay ang dalawang pananahimik: ang una ay pagkatapos ng takbeeratul ihram* at habang nanahimik ay sunnah na bigkasin nang tahimik ang istifah;** at ang ikalawa ay pagkatapos bumigkas ng talata sa Qur’an at bago yumukod. Ang ikalawang pananahimik ay dagliang pananahimik na naghihiwalay sa pagbigkas ng talata sa Qur’an at sa takbeer.
_____________________________________________________
*Ito ang kaun-unahang pagsabi ng allaahu akbar sa salah.
**ang du`a’ na: Subhaanakal laahumma wa bihamdika wa tabarakasmukha wa ta’aalaa jadduka wa laa ilaaha ghayruk.