Tanong at Sagot:

Tanong:

Sa pagiging imam sa salah, ang neeyah ba ng maging imam ay isa sa mga kondisyon (bago magsagawa ng salah)?  Kapag pumasok ang isang lalaki sa Masjid at may nakita siyang nagsasagawa ng salah, gagawin ba niya itong imam niya sa salah?  Ipinahihintulot bang gawing imam ang masbooq?*

Sagot:

Sa pagiging imam sa salah, ang neeyah ay isa sa mga kondisyon ayon sa sinabi ng Propeta (SAS): “Ang halaga ng gawa ay nakabatay sa layunin (neeyah) at ang bawat tao ay gagantimpalaan ayon sa kanyang nilayon.” Kapag pumasok ang isang lalaki sa Masjid at hindi na niya naabutan ang salah sa jama`ah ngunit nakakita siya ng mag-isang nagsasagawa ng salah, walang masama kung sumabay siya rito at gawin itong imam niya sa salah sapagkat ito ang pinakamainam ayon sa sinabi ng Propeta (SAS) nang may nakita siyang isang lalaking pumasok sa Masjid matapos na naisagawa na ng mga tao ang salah: “Wala bang lalaking magbibigay ng kawanggawa sa lalaking ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng salah kasama nito?”  Sa ganitong paraan ay kapwa natamo ng dalawa ang biyaya ng salah sa jama`ah.  Sa panig ng nakapagsagawa na ng Salah, ang salah na ito ay sunah  na lamang.

Si Mu’adh bin jabal (RA) ay nagsasagawa noon ng salah na ‘`isha’ kasama ng Propeta (SAS).  Pagkatapos nito ay umuwi siya sa kanyang mga kanayon at nagsagawa uli ng sala bilang kanilang imam.  Ang salah na isinagawa niya kasama nila ay sunah at ang sa kanila naman ay fardh.  Ang ginawa niyang ito ay sinang ayunan ng Propeta (SAS).

Walang masama kung ang masbooq ay gawing imam ng isang taong hindi nakaabot sa salah sa Jam’ah sa paghahangad niyang magtamo ng pagpapala ng salah sa jama`ah.  At kapag nakumpleto na ng masbooq ang kanyang salah, tatayo ang hindi pa nakukumpleto ng salah upang kumpletuhin ito.  Ito ang sinabi ng Propeta (SAS) kay Abu Dharr (RA) nang sinabi nito sa kanya na may darating na mga prinsipe na ipinapahuli ang pagsasagawa ng salah sa takdang oras nito.  Ang sabi niya (SAS) rito: “Isagawa mo ang salah sa takdang oras nito.  Subalit kung maabutan mo (na isinasagawa nila) ito, isagawa mo (uli ito) kasama nila. Ito ay magiging salah na sunnah para sa iyo.  At huwag mong sabihing, ‘Nakapagsagawa na ako ng salah kay hindi na ako muling magsasagawa.”  Si Allah ang Tagapagpatnubay.

__________________________________

*Ang masbooq ay ang taong nahuli sa paglahok sa salah sa jama`ah

 

Search Videos

Ang lahat po ng larawan na naitala o makikita dito ay kabahagi lamang ng mga ibat ibang programa o activities ng aming Islamic Dawah Center.

 

Go to top