Tanong at Sagot
Tanong:
Ano po ang hatol sa sabay-sabay na pagbigkas ng mga dhikr pagkatapos ng salah tulad ng ginagawa ng iba? Ang sunnah po ba ay bigkasin nang may tunog ang dhikr o bigkasin nang mahina?
Sagot:
Ang sunnah ay ang pagbigkas sa dhikr nang may tunog pagkatapos na pagkatapos ng salah na fard at salatul jum’ah (salah sa araw ng pagsamba tuwing Biyernes) pagkatapos magsabi ng tasleem. Sapagkat nasasaad sa Saheeh Al-Bukhari at Saheeh Muslim na isinalaysay ni Ibnu `Abbas (RA) na noong kapanahunan ng Propeta (SAS) ay itinataas ang boses sa pagbigkas ng dhikr kapag natapos na ang mga tao sa pagsasagawa ng salah na fard. Ang sabi pa ni Ibnu `Abbas (RA): “Nalalaman ko kapag natapos na nila ang salah -- kapag narinig ko ang pagbigkas ng dhikr.”
Ang sabay-sabay na pagbigkas ng dhikr, anupa’t nais ng bawat isa na sabayan ang pagbigkas ng iba mula sa simula hanggang sa katapusan, at ang paggaya nito ay walang batayan. Ito ay isang bid`ah.* Ang nararapat ay kanya-kanyang bigkasin ng lahat ang dhikr para kay Allah sa simula hanggang sa katapusan. Si Allah ang tagapagpatnubay.
_______________________________________________________________________
*Ang ano mang gawain o paniniwala na hindi aral ng Islam na ipinasok sa Islam at sinasabing ito ay sa Islam.