Ang mga Babae bilang Sanggol, mga Bata at mga Anak
Ang Dakilang Allah ay nagsabi sa Banal na Qur'an tungkol sa pangangailangan at kahalagahan ng pag-iingat at pangangalaga ng mga bagong panganak na sanggol, na siyang pinaka-unang karapatan ng isang bata.
“At huwag ninyong patayin ang inyong mga anak dahil sa pangamba ng kahirapan. Kami ang magkakaloob sa kanila at sa inyo ng ikabubuhay. Katotohanan, ang pagpatay sa kanila ay isang malaking kasalanan. ” (Qur’an 17:31)
Ang pagpapalaglag ng bilig at pagpatay sa mga bata kahit na sa anumang dahilan ay ang pinakamalaking kasalanan, na may pinakamahigpit na parusa ng Allah (U) at ng Islamikong Batas. Ipinag-uutos ng Islam sa mga magulang na bigyan ng magagandang pangalan ang kanilang mga anak, pangalagaan ng mabuti, ipagkaloob ang lahat ng kanilang pangangailangan, sustentuhan ng sapat at makatuwiran ayon sa hanap-buhay ng magulang at tiyakin ang kagandahang-asal, kagalang-galang at marangal na buhay para sa kanila.
Ang isang pinatunayang tradisyon ng Sugo (r) ay inilahad:
“Tunay na ipinagbabawal ng Allah sa inyo ang sumuway at walang utang-na-loob sa inyong mga Ina o kaya ilibing ng buhay ang inyong mga anak na babae…” (Bukhari)
Kaya’t mayroong silang karapatan sa perang pantubos (blood money) kung sila ay napatay, kagaya ng inilahad ni Aishah (y):
“Dalawang babae mula sa tribo ng ‘Huthail’ ang nag-away at binato ng bato ang isa at napatay at pati na ang kanyang dinadala, kaya’t ang Propeta (r) ay nagpasiya (humatol) na ang kabayaran ng batang namatay sa loob ng tiyan ay isang lalaki o babaeng alipin, at ang kabayaran ng babae ay 100 babaeng kamelyo na babayaran ng kanyang katribo.” (Bukhari & Muslim)
Ang Dakilang Allah ay nagsabi:
“Ang mga ina ay dapat magpasuso sa kanilang mga anak sa loob ng dalawang taon, sa sinumang magulang na nagnanais na ganapin ang nakatakdang panahon ng pagpapasuso, datapwa’t ang ama ng bata ang siyang mananagot sa halaga ng pagkain at kasuutan ng ina (na nagpapasuso) sa makatuwirang paraan…” (Qur’an 2:233)
Ang pagmamamahal at pangangalaga sa mga anak at ang tagapag-alaga ay siyang pinakamahalagang karapatan pagkatapos ng karapatan sa pagpapasuso (ng gatas) ng ina. Ang ina ay nararapat sa pag-iingat sa bata, mga anak na lalaki at babae sa kanilang murang gulang sa buhay, sa pagitan ng isa at labing-tatlo o labing-apat na taon. Ito ay iminumungkahi lalo na sa mga kaso ng diborsyo dahil sa masidhing di-pagkakaunawaan ng mga magulang. Ang Islam ay binibigyan ng karapatan ang ina sa pag-iingat sa bata sa panahon ng kanyang kamusmusan, sapagka’t ang ina ay kadalasan higit na mapagmahal at labis na maalalahanin sa pangangailangan ng bata. Si 'Amr bin Shu'aib ay nag-ulat na ang isang babae ay pumunta sa Propeta (r) at nagsumbong laban sa kanyang asawa at sinabi:
“Pinangalagaan ko ang aking anak sa aking sinapunpunan, pinalaki ko sa pamamagitan ng pagpapasuso sa akin, kinakarga ko sa mahabang panahon. Ngayon ang ama ay diniborsyo ako at nais ilayo sa akin ang aking anak? Ang Propeta ay nagsabi: ‘Karapatan mong panatiliin ang iyong anak sa ilalim ng iyong pangangalaga hanggang hindi ka nag-aasawa.” (Abu Da`wood atbp. at napatotohanan)
Si Abu-Bakr (t), ang napatnubayang unang makatarungan pinatnubayang Kalipa ay nagpasiya ng hatol sa panig ng ina ni Asim (y), noong siya ay diniborsyo ni Umar bin Al-Khattab (t) na siyang naging pangalawang Kalipa. Si Abu- Bakr (t) ay nag-ulat:
“Ang amoy niya (ng ina), ang pang-amoy niya sa kanyang anak at ang kanyang kabaitan ay higit na mabuti para sa kanya (bata) kaysa sa iyo.”
Ang mga magulang ay inuutusan na pakitunguhan ang lahat ng kanilang mga anak ng may habag at awa. Si Abu Hurairah (t) ay naglahad:
Ang Sugo ng Allah (r) ay hinalikan si Hasan ibn Ali (ang kanyang apo) sa harap ni Aqra ibn Habis at-Tameemi na nagsabi, 'Mayroon akong sampung anak at ni minsan ay hindi ko pa hinalikan kahit na ang isa sa kanila'. Tiningnan siya ng Propeta (r) at sumagot: 'Kung sinuman ang walang awa siya ay hindi makakatanggap ng habag'." (Bukhari atbp.)
Ang batas ng Islam ay nag-uutos sa magulang na palakihin ang kanilang mga anak sa pinakamahusay na pamamaraan lalo na ang mga pangangailangan ng mga babae.
Ang Propeta (r) ay nagsabi rin:
“Sinuman ang nagtaguyod sa dalawang babae hanggang sa kanilang ganap na gulang, siya at ako ay lalabas sa Araw ng Pagbabangon Muli na ganito." Ang Sugo ng Allah (r) ay ipinagdikit ang kanyang mga daliri upang ilarawan ang sinabi. (Muslim)
At sinabi din niya (r):
“Siya na mayroong anak na tatlong babae at kanya itong pinagtiisan, pinakain, binihisan ayon sa kanyang hanap-buhay, nagpakita ng mabuting pakikitungo, sila ay magiging sanggalang niya (bilang proteksyon) sa apoy (Impiyerno) sa Araw ng Pagbabayad. " (Ibn Majah at napatotohanan)
Ang batas ng Islam ay nag-uutos sa mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak sa pinakamahusay na pamamaraan at ibigay sa kanila ang wasto at mabuting edukasyon. Ang Sugo ng Allah (r) ay nagsabi:
“Sapat na magkasala ang isang tao sa kanyang pagpapabaya sa tungkuling dapat niyang pangalagaan (tuparin)." (Muslim atbp.)
Si Ibn Umar (t) ay nag-ulat na sinabi ng Sugo ng Allah (r):
“Bawa't isa sa inyo ay pastol (tagapangalaga) at bawa't isa sa inyo ay may pananagutan sa mga ipinagkatiwala sa kanya. Ang namumuno (lider) ay pastol at siya ay may pananagutan sa kanyang mga tagasunod. Ang lalaki ay pastol sa kanyang pamilya at siya ay may pananagutan sa kanila. Ang babae ay pastol sa tahanan ng kanyang asawa at siya ay may pananagutan sa mga ipinagkatiwala sa kanya. Ang alila (katulong) ay pastol sa mga pag-aari ng kanyang amo at siya ay may pananagutan sa mga ipinagkatiwala sa kanya. Bawa't isa sa inyo ay pastol at bawa't isa sa inyo ay may pananagutan sa anumang ipinagkatiwala sa kanya." (Bukhari, Muslim atbp.)
Ang Islam ay nag-uutos na ang katarungan sa malawak na kahulugan nito ay nararapat ipatupad sa lahat ng mga bata maging ito ay lalaki o babae.
Ang Allah (U) ay nagsabi:
“Katotohanan, ang Allah ay nagtatagubilin ng katarungan at mabuting asal, at nagbibigay tulong sa mga kamag-anak, at nagbabawal ng lahat ng mga masasamang gawa (katulad ng bawal na pakikipagtalik, pagsuway sa magulang, pagsamba sa mga diyus-diyosan, pagsisinungaling, pagsaksi ng walang katotohanan, pang-aapi, pagpatay at lahat ng uri ng kasamaan). Kanyang pinaaalalahanan kayo, upang kayo ay makaalaala (makinig at sumunod).” (Qur’an 16:90)
Si Aishah (y), ang asawa ng Propeta (r) at ang Ina ng mga mananampalataya ay nagsabi:
"Isang babaeng mahirap ang dumating sa aking pintuan na may kasamang dalawang batang babae. Binigyan ko ang babae ng tatlong datiles (dahil walang ibang maibibigay). Binigyan ng babae and dalawang bata na tig-iisang datiles, at ang pangatlong datiles ay kanyang isinubo upang kainin. Nang ang kanyang dalawang anak ay muling humingi, iniluwa ng babae ang datiles mula sa kanyang bibig at hinati sa dalawa at ibinigay sa dalawang bata. Hinangaan ko ang ginawa ng babae at aking isinalaysay sa Sugo ng Allah (r) at nagsabi': “Katotohanan, ang paraiso ay ginawang pirmihang tirahan para sa babae dahil sa kanyang ginawa (pagsasakripisyo) o 'pinalaya siya mula sa Impiyerno dahil sa kanyang ginawa."
At sa ibang pinatunayang salaysay sinabi niya (r) sa huli:
“Sinuman ang binigyan ng pagsubok sa pag-aalaga ng kanyang mga anak na babae, sila ay magiging pananggalang niya mula sa Impiyerno. " (Bukhari atbp.)
Ang Islam ay nanawagan para sa pang material at makatarungang damdamin at pantay na pakikitungo ng magulang sa mga anak, maging anuman ang kanilang kasarian (lalaki man o babae). Ang lalaking anak ay hindi binibigyan ng higit na pagtatangi kaysa sa babaeng anak o gayon din naman ang babae ay bibigyan ng higit na pagtatangi kaysa sa lalaking anak. Ang Propeta ng Allah (r) ay nagsabi sa isa sa kanyang mga kasamahan na nagbigay ng regalo sa isang anak lamang.
“Binigyan mo bang lahat ang iyong mga anak ng ganito?" Siya ay sumagot; 'Hindi': Ang Propeta ay nagsabi: 'Matakot ka sa Allah at maging makatarungan ka sa lahat ng iyong mga anak. " (Muslim)
Binibigyan diin ng Islam ang kahalagahan ng pangangalaga sa mga ulila. Ang pagiging ulila ay nagbubunga ng di maganda sa kaisipan, ispiritwal at emosyonal na kalagayan ng mga bata. Ang ganitong kalagayan ay maaaring magdala sa bata sa gawaing masama lalo na kung nabubuhay siya sa isang lipunan na hindi nagbibigay ng nararapat na pangangalaga at pangangailangan sa bata at dapat na maging mabait at maawain sa kanya.
Binibigyang pansin ng Islam ang pangangalaga sa mga ulila, lalaki man o babae. Nagpapayo ang Islam sa mga malalapit na kamag-anak ng ulila na bigyang pansin at pangalagaan ito. Kung sila ay walang kamag-anak, tungkulin ng Islamikong pamayanan na pangalagaan, isaayos ang pamumuhay nito at pagkalooban ng tamang pangangalaga.
Ang Dakilang Allah ay nagsabi:
“Samakatuwid, huwag mong turingan ang mga ulila ng may pang-aapi. ” (Qur’an 93:9)
Ang Dakilang Allah ay nagsabi:
“Katotohanan, ang mga kumakamkam ng mga ari-arian ng mga ulila ng walang katarungan ay kumakain ng apoy sa kanilang tiyan; hindi magtatagal, sila ay magbabata sa naglalagablab na Apoy! ” (Qur’an 4:10)
Ang Propeta ng Allah (r) ay nagsabi:
“Katotohanan na aking ipinahahayag na isang malaking kasalanan ang manghamak at gumawa ng di-makatarungan at sirain ang karapatan ng dalawang mahihinang tao: ang ulila at ang babae. ” (Hakim at Tabarani)
Sa salaysay na ito, ang Propeta ay nagbigay ng hudyat na malaking kasalanan sa sinumang gumawa ng pananakit o di-makatarungan sa dalawa, na sila, sang-ayon sa kanilang likas na kahinahan sa lipunan, ay hindi inaasikaso at itinatatwa ang kanilang mga karapatan.
Ang Propeta ng Allah (r) ay nagsabi:
“Iwasan ang pitong mabibigat na kasalanan na maaaring maging sanhi ng pagkawasak.' Ang mga Sahaba (kasamahan ng Propeta) ay nagtanong: 'O Propeta ng Allah! Ano ang mga kasalanang ito?' Siya ay nagsabi: 'Ang magbigay ng katambal sa pagsamba sa Allah, pagsasagawa ng mahika (pangungulam), ang pumatay ng tao nang walang katarungan, ang makipag-ugnay sa patubuan, ang angkinin ang yaman ng mga ulila, ang tumalikod sa pakikipagdigmaan, at ang magparatang ng pangangalunya sa mga inosente at malinis na babaeng mananampalataya. (Bukhari atbp.)
Maraming mga salaysay ang Propeta ang naitala na nag-aanyaya sa mga Muslim na mag-ampon ng mga ulila, pangalagaan ang mga ito, maging mabait sa kanila at magpakita ng pagmamahal at maging magiliw sa kanila. Ang Propeta (r) ay nagsabi:
"Ako at ang nag-ampon na ulila ay katulad nitong dalawa sa Paraiso.” Pagkaraan itinaas niya ang kanyang hintuturo at ang kanyang gitnang daliri (magkadikit). (Bukhari atbp.)
Siya (r) rin ay nagsabi:
“Sinumang humaplos sa buhok ng isang ulila at ang ginawang ito ay para lamang sa Allah (nang may tunay na pagmamahal at awa), ito ay itatala ng Allah bilang mabuting gawa batay sa bilang ng buhok na hinaplos ng kamay niya sa ulo ng ulila, at kung ang gumawa ng mabuti sa ulila na siya ang tumayong tagapangalaga, ako ay makakasama niya sa Paraiso ng ganito..
” Pagkaraan itinaas niya ang kanyang hintuturo at ang kanyang gitnang daliri na magkadikit. (Tirmidhi)
Ang Islam ay nag-uukol din ng pansin sa mga batang hindi lehitimo. Sa pagkakasala ng iba, sila ay iniwan at hindi kinilala ng kanilang mga magulang. Ang Islamikong pamahalaan ay inatasang pangalagaan ang mga batang ito, katulad ng pangangalaga sa ibang mga ulila upang sa ganoon sila ay maging normal at kapakipakinabang na miyembro ng lipunan (sa kagustuhan ng Allah). Ang Propeta ng Allah (r) ay nagsabi bilang pangkalahatang kapasiyahan sa kagandahang-loob:
“…mayroong kang gantimpala (sa pagsasagawa ng kabutihan) para sa lahat ng nabubuhay. ” (Bukhari atbp.)
Sakop ng kapangyarihan at patakaran ng Islam ang pag-uutos sa mga ama (o tagapangalaga) na isaalang-alang ang opinyon ng kanilang mga anak na babae kung tungkol sa pag-aasawa, dahil ang kanyang opinyon ay mahalagang batayan para sa kaganapan ng kasal. Siya ay malaya sa pamimilit, at maaari niyang tanggapin ang tao o tanggihan ang mungkahi sa kasal. Ang Propeta ng Allah (r) ay nagsabi:
“Ang diborsiyada o ang biyuda ay hindi dapat ikasal kung wala siyang pahintulot at ang birheng babae ay hindi dapat ipasok sa pagpapakasal hanggang hindi siya nagbibigay ng pahintulot. Tinanong ang Propeta: 'Papano malalaman kung siya ay pumayag O Sugo ng Allah?' Siya ay sumagot: 'Kung siya ay nanatiling tahimik (dahil sa kanyang pagkamahiyain, ngunit hindi palatandaan bilang pagtutol). (Bukhari atbp.)
Si Imam Ahmad at ang iba ay naglahad na si 'Aishah (y) ay nagsabi: Isang babae ang lumapit sa Sugo ng Allah (r) at sinabi:
“O, Propeta ng Allah! Ang aking ama ay inihandog ako bilang asawa sa kanyang pamangkin upang ang kanyang kalagayan ay makilala sa lipunan.” Ang Propeta ng Allah ay ibinalik ang usapan sa mga kamay ng babae, kung tatanggapin at sumang-ayon sa pagpapakasal o tatanggihan. Ang babae ay nagsabi: “Aking pinahihintulutan kung ano ang ginawa ng aking ama ngunit nais ko lamang ipaalam sa ibang kababaihan na ang kanilang mga ama ay walang karapatan sa ganito (pilitin ang kanilang anak na magpakasal sa sinumang naisin nila)."
Sapagka't ang kanilang mga anak na babae ay mahalaga, gaya ng naiulat sa tradisyon ng Sugo ng Allah (r) na pinatunayan:
“Huwag ninyong pilitin ang inyong mga anak na babae at ang mga kababaihan sapagka't sila ay mahalaga at kalugod-lugod na kasama. " (Ahmed at napatotohanan)