Ang Babae Bilang Asawa


Ang Dakilang Allah, ay nagsabi:

“At kabilang sa Kanyang mga Tanda; na kayo ay nilikha Niya para sa inyo ang inyong mga kabiyak (asawa) mula sa inyong sarili, upang inyong madama ang katahimikan sa kanila, at inilagay Niya sa inyong puso ang pag-ibig at awa sa isa’t isa. Katotohanang naririto ang mga Tanda sa mga tao na may matiim na pagmumuni-muni. " (Qur’an 30:21)

Isa sa dakilang palatandaan ng Kagandahang-Loob, ng Pagpapala at Kapangyarihan ng Allah (U) ay ang paglikha niya para sa sangkatauhan ay ang magkapareha (mag-asawa) para sa isa't isa, upang sila ay magkaroon ng kaginhawahan, kapahingahan, kasiyahan at pangangalaga mula sa isa't isa.

Ipinagdiinan ng Propeta (r) ang kahalagahan ng kasal ng kanyang sinabi at pinatunayan na:

“Sinuman ang nag-asawa ay nakaganap siya sa kalahati ng kanyang relihiyon, kaya't dapat niyang katakutan ang Allah sa nalalabing bahagi. " (Tabrani at napatotohanan)

Ang Mahar (Dote o Handog)
Isang pangunahing haligi at pundasyon sa lipunan ay ang pamilya, at silang mag-asawa ay ang magkasama sa pamilya na kung saan itinatag ang Islamikong tahanan. Para sa tagumpay ng pamilya at sa katahimikan ng tahanan, itinakda ng Islam sa mag-asawa ang kanilang tungkulin at karapatan. Ilalahad namin ang mga karapatan ng babae sa mga sumusunod na pahina.

Ang Mahar ay isang karapatan ng bawa't babae sa oras ng kasal. Ang kasunduan sa kasal ay hindi ituturing na legal at maging ganap hanggang sa ang Mahar ay hindi tiyak o sinasang-ayunan. Ang karapatang ito ay hindi maaaring alisin o mawala, kahit pa sang-ayunan ng babaing ikakasal, hanggang sa maganap ang kasunduan. Ang Mahar ay para sa babaeng ikakasal at siya ay mayroong karapatan kung ano man ang kanyang gawin sa kanyang mga ari-arian pagkaraang maganap ang kasunduan sa kasal.

Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

“At ibigay sa kababaihan na inyong mapapangasawa ang kanilang Mahr (dote) ng may pagmamahal. Datapwa’t kung kanilang ipaubaya nang lubusan sa inyo ang anumang bahagi nito, kung gayon, tanggapin ninyo ito ng buong kasiyahan at walang pangamba o kinatatakutan.  (Qur’an 4:4)

Ang asawang lalaki ay hindi pinapahintulutang bawiing muli ang Mahar kung siya ay nagpasiyang magdiborsyo, gaya ng sinabi ng Dakilang Allah sa Banal na Qur'an:

“Datapwa’t kung inyong ninanais na palitan ng iba ang inyong kabiyak na babae at kayo ay nagbigay (noon) sa isa sa kanila ng malaking yaman bilang Mahr (dote), huwag ninyong bawiin kahit na ang pinakamaliit nito. Inyo baga itong babawiin ng may kamalian at walang karapatan, at (kayo) ay gagawa ng lantad na kasalanan? At papaano ninyo ito babawiin kung kayong dalawa ay nagsiping na sa isa’t isa, at sila ay kumuha sa inyo nang matatag at taimtim na kasunduan?” (legal na kasal…) (Qur’an 4:20-21)

Ang talata na ito ay palatandaan, isang makahulugan, sa pagka-sagrado ng pangako sa kasal at ang pagka-palagayan loob ng ugnayan ng ikinasal at ang karapatang hindi ibabalik ang ibinigay na mahar kung may diborsyo. Ang Dakilang Allah ay nagsabi sa Banal na Qur'an:

“O kayong nagsisisampalataya! Kayo ay pinagbawalan na inyong ariin ang mga babae nang sapilitan at sila ay huwag ninyong pakitunguhan ng may kagaspangan upang inyong mabawi ang bahagi ng Mahr (dote) na inyong ipinagkaloob sa kanila, maliban na lamang kung sila ay nagkasala ng lantad na kahalayan (pakikiapid). At kayo ay mamuhay sa kanilang piling ng may dangal. At kung sila ay inyong kasuyaan, marahil ay nasusuya kayo sa isang bagay, at ang Allah ay maghahatid sa inyo sa pamamagitan nito ng maraming kabutihan.  (Qur’an 4:19)

Ang talatang ito ay nagbibigay katiyakan sa karapatan ng babae at lubos na katarungan kung sakaling inayawan siya ng lalaki sa anumang dahilan. Ito ay inilahad sa pinatunayang tradisyon ng Propeta na sinabi ni Abu Hurairah (t) na ang Sugo ng Allah (r) ay nagsabi:

“Ang mananampalataya ay hindi dapat kapootan ang babaeng mananampalataya (i.e.: ang kanyang asawa): kung mayroong mga bagay na hindi nais ng lalaking asawa, katiyakan na mayroong din pagnanais sa ibang katangian nito. " (Bukhari)

Ang Pagtustos sa Pananalapi
Ang lalaki ay nararapat magbigay ng marangal at sapat na pagkabuhay ng kanyang pamilya at ayon sa kanyang kalagayan at hanap-buhay (kinikita).

Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

“Hayaan ang lalaki na may kakayahan ay gumugol ng ayon sa kanyang kakayahan, at ang lalaki na ang pinagkukunan (ng kabuhayan) ay sapat-sapat lamang, hayaang gumugol siya ng ayon sa anumang ipinagkaloob sa kanya ng Allah. Ang Allah ay hindi magbibigay ng pasakit o dalahin sa isang tao nang higit sa ipinagkaloob Niya sa kanya. At ang Allah ang magkakaloob, matapos ang kahirapan, ng kaginhawahan.” (Qur’an 65:7)

Kung ang mayamang lalaki ay hindi gumagastos para sa kanyang pamilya ayon sa kanyang kakayahan, at ang asawang babae ay nakakuha ng bahagi ng kanyang yaman… maaari siyang kumuha ng sapat na panggastos sa pangangailangan niya at ng kanyang mga anak na walang nasisira o pag-aaksaya. Si Hind bint 'Utbah ay pumunta sa Propeta (r) na isinusumbong ang kanyang asawang si Abu Sufuyan, at sinabi:

“Ang aking asawa ay kuripot at ayaw gumastos sa akin at sa aming mga anak. Ang Sugo ng Allah ay sumagot, 'kumuha ka (mag-umit) ng anumang makakasapat sa iyo at sa iyong mga anak." (Bukhari)

Kung ang asawang lalaki ay may suliraning pananalapi at hindi niya kayang tuparin ang pangangailangang pananalapi ng kanyang pamilya o kung iniwan siya ng kanyang asawa sa mahabang panahon at nasaktan ito ng dahil sa pagkakalayo niya, ang babae ay may karapatang magsampa ng karaingan sa korte upang ipawalang-saysay ang kasal nila. Ito ay batay sa sinabi ng mga dalubhasa sa batas ng Islam. Ang Propeta (r) ay nagpaliwanag tungkol sa karapatang ito:

“Matakot sa Allah sa mga (bagay tungkol sa) kababaihan dahil sila ay inyong natamo sa pamamagitan ng panunumpa sa Allah, at sila ay inyong nakapalagayang- loob na at nasipingan dahil sa banal na salita ng Allah; ang inyong karapatan ay dapat walang makakapasok o makakaupo sa inyong kama (o silyang may almuhadon) kung hindi ninyo gusto, at kung ito ay nangyari, magkagayon saktan ninyo nang bahagya, at ang kanilang karapatan ay ang pakainin at bihisan ninyo sila sa loob ng tamang hangganan.  (Muslim at Abu Da`wood)

Ang Propeta (r) ay nagsabi sa kanyang kasamahan na si Sa’ad ibn Abi Waqas (t):

“Walang anumang bagay na inyong ginugugol sa inyong pamilya na hindi magagantimpalaan mula sa Allah, kahit na ang isang subo ng pagkain na inyong ibibigay sa inyong asawa. " (Bukhari)

Katarungan, Pagkapantay-Pantay at Walang-Kinikilingan
Ang mga lalaking may asawa ng higit sa isa ay nararapat na magsagawa ng katarungan, pagkapantay-pantay at walang kinikilingan sa pakikitungo sa kanilang mga asawa. Nasasakop dito ang panustos, pananamit, pamamahay at ang pagbabahagi ng oras, pagmamalasakit at ang pakikipagtalik.

Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

“At kung kayo ay nangangamba na hindi makaganap na maging makatarungan sa mga babaeng ulila, kaya't magsipag-asawa ng ibang kababaihan na inyong mapusuan, (mula sa) dalawa, o tatlo, o apat; datapwa’t kung kayo ay nangangamba na kayo ay hindi makaganap na maging makatarungan (sa kanila), kung gayon ay mag-asawa lamang ng isa, o kung ano ang angkin ng inyong kanang kamay (ang inyong bihag o aliping babae). Ito ay higit na mabuti sa inyo upang kayo ay hindi mabulid sa paggawa ng walang katarungan.  (Qur’an 4:3)

Ang Propeta ng Allah (r) ay nagsabi:

“Sinuman ang may dalawang asawa at kinikilingan ang isa ngunit di sinasang-ayunan ang isa (hindi nagbibigay ng pantay na pakikitungo) siya ay darating sa Araw ng Paghuhukom na nalalaglag (paralitiko) ang isang bahagi ng katawan." (Tirmidhi, Hakim atbp. at napatotohanan)

Ito ay nangangahulugan na ang lalaki ay dapat magpakita ng katarungan, walang kinikilingan at pantay sa lahat ng kanyang asawa. Siya ay binabalaan sa parusang katakut-takot na maging paralitiko at ang pagiging kapangitan niya (nalalaglag ang isang bahagi ng katawan) sa Kabilang Buhay, gaya ng paglumpo niya sa karapatan ng isa sa kanyang mga asawa sa mundong ito.

Hindi makatarungan sa isang lalaki na taratuhin ng masama ang kanyang asawa sa kahit na anong uri ng pang-aabuso, pagpapahirap, panggugulo, pang-iinsulto, pananakit, ang paglustay sa kanyang mga yaman, pagpipigil sa paglabas sa tahanan mula sa legal na pagliliwaliw, atbp., na ito ay pagtatangka upang piliting ibayad niya ang lahat ng kanyang mga pag-aari bilang pantubos sa kanyang asawa upang sa ganoon siya ay palalayain sa pamamagitan ng diborsyo.

Pinahihintulutan ng Islamikong batas ang lalaki na magtakda ng panghihigpit sa kanyang asawa kung siya (babae) ay nagpapakita ng malaswang gawain o gumagawa ng nakakahiya at nakarurungis sa kanyang karangalan at ng kanyang pamilya, at nakakasira sa buong lipunan at sa katahimikan nito. Ang layunin ng panghihigpit na ito ay upang manumbalik ang tamang kaasalan. Ang mga babaeng nagpapatuloy sa pagkilos ng kalaswaan, na umaakay sa pag-iisip ng pagsasagawa ng kawalan ng pananampalataya ay dapat alukin ng diborsyo, gaya ng kanyang karapatang humingi ng "Khul'a", ang paghingi ng (babae) ng pagwawalang saysay ng kontrata sa kasal dahil sa masamang asal.

Ang Pangangalaga at Pag-iingat sa mga Babae
Ang lalaki ay dapat pangalagaan at ingatan ang kanyang asawa at ang mga anak mula sa posibleng makakasama at kahalayan sa abot ng kanyang makakaya. Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

“O kayong nagsisisampalataya! Iadya ninyo ang inyong sarili at ang inyong mga kaanak sa Apoy (ng Impiyerno) na ang panggatong ay mga tao at bato, na rito ay nakatalaga ang mga angel na malupit at mahigpit na hindi sumusuway sa pagsunod sa anumang pag-uutos na kanilang tinanggap mula sa Allah, bagkus ay gumagawa ng ayon sa anumang sa kanila ay ipinag-uutos. (Qur’an 66:6)

Ang lahat ng pangangalaga mula sa kasamaan at kahihiyan na gawain ay kapuri-puri, datapwa't ang pagmamalabis dito ay hindi tinatanggap.

Ang Propeta (r) ay nagsabi:

"Mayroong mga ibang uri ng pagseselos na kapuri-puri sa Allah at mayroong namang ibang klase na Kanyang kinasusuklaman; ang uring gusto Niya ay ang mga gawaing mayroong pag-aalinlangan, at ang ayaw Niya ay nasa mga gawaing walang anumang pag-aalinlangan. " (Ahmad, Abu Da`wood at Nisa`e)

Ang mga ibang uri ng pagseselos ay tinatanggap at kapuri-puri, subali't ang mga iba ay hindi, katulad ng paliwanag sa itaas ng Propeta ng Allah (r) at napatotohanan sa salaysay na ito:

“Katotohanang nagseselos ang Allah at ang mga mananampalataya ay nagseselos din at ang pagseselos ng Allah ay ang makita Niya ang mga mananampalataya na nagsasagawa ng kasamaan. "(Bukhari, Muslim atbp.)

At sinabi rin niya (r):

“Mayroong Tatlong tao ang hindi makakapasok sa Paraiso: ang isang palasuway sa kanyang mga magulang; ang isang walang basehan at hindi kapuri-puring pagseselos (sa kanyang asawa); at ang babaeng gumagaya (at nagdadamit) ng parang lalaki. " (Ahmed at napatotohanan)

Pakikitungo, Pag-aalaga at Katapatang Pagsasama
Ang lalaki ay dapat mabuhay sa kanyang asawa ng may karangalan, mabait at may paggalang. Dapat niyang mapanatili ang maganda, malinis at kasiya-siyang pagpapakita kung siya ay nagpapahinga sa pamamahay, katulad ng kagustuhan niya sa kanyang asawa, dahil dito lang nila maipapakita ang paggalang sa bawa't isa. Ang Propeta ng Allah (r) ay nagsabi, nag-utos at nagpaliwanag tungkol sa malawak na prinsipyo at sa magandang pagkatao at pag-uugali:

“Ang ganap na mananampalataya ay ang mga taong may pinaka-mabuting pag-uugali, at ang pinakamabuti sa inyo ay ang pinakamabait sa kanyang asawa.  (Tirmidhi at Ibn Habbaan at napatotohanan)

Ang Sugo ng Allah (r) ay nag-aasikaso tuwina sa kanyang sariling mga damit at mga sapatos at tinutulungan niya ang kanyang mga asawa sa pang-araw-araw na gawain. Ang asawa niyang si Aishah (y) ay tinanong minsan:

“Ano ang ginagawa ng Sugo ng Allah (r) kung siya ay nasa bahay." Siya ay sumagot: 'Siya ay nagsisilbi at tumutulong tuwina sa kanyang kasambahay, at kung narinig niya ang tawag sa pagdarasal, siya ay lilisan mula sa pamamahay (upang magdasal).”

Ang Sugo ng Allah (r) ay palaging nakakawili, mabait at mapagmahal sa lahat, at paminsan-minsan siya ay nakikipaglaro at nagbibiro ng mapitagan sa miyembro ng kanyang pamilya. Ang Propeta ng Allah (r) ay nagsabi:

“Ang lahat ng bagay (gawain ng mga lalaki) na walang pag-alaala sa Allah ay isa lamang pagliliwaliw at paglalaro maliban sa tatlo: ang pakikipagkatuwaan sa kanyang asawa, ang pagsasanay sa kabayo, at ang pagsasanay sa paglangoy." (Nisa'e at napatotohanan)

Ang tradisyon na ito ay nagpapahiwatig na ang karamihan sa mga libangan at aliwan ay pinapalagay lamang na paglalaro, pag-aaksaya lamang ng panahon, magkagayon ay walang gantimpala, maliban sa mga nabanggit sa itaas na kapaki-pakinabang, naayon sa batas at gumaganap ng mga mahalagang layunin. Ang Propeta ng Allah (r) ay kilala bilang magiliw at mabait sa pakikipagbiruan sa kanyang pamilya at nakikipaglaro sa kanila. Isang halimbawa ng kanyang pakikipaglaro… nang si 'Aishah (y), ang ina ng mga mananampalataya, ay nagsalaysay:

'Ang Sugo ng Allah ay nakipaghabulan sa akin at tinalo ko siya bago ako tumanda at bumigat. Nang ako ay may edad na at bumigat, siya ay nakipaghabulan muli sa akin at siya ay nanalo. Ang Sugo ng Allah ay nagsabi sa akin pagkaraang siya ay manalo:' "Ang pagkapanalo ko sa iyo ay nakapantay sa panalo mo noon. " (Ahmed, Abu Dawood, Ibn Hibbaan at napatotohanan)

Iniulat na ang Sugo ng Allah (r) ay umuupo siya na kapiling ang kanyang pamilya at nakikipag-usap pansumandali at ipinapakita ang kabaitan bago matulog at pagkatapos ng pagsasagawa ng gabing pagdarasal. Sa napatotohanang tradisyon si Ibn 'Abbas (t) ay nag-ulat:

“Isang gabi, ako ay natulog sa bahay nina Maymunah (ang kanyang tiya na asawa ng Propeta,r) isang gabi – ang pagkakataong ito ay ang kanyang gabi – upang makita ang gabing pagsamba ng Propeta. Kinausap niya ang kanyang asawa ng matagal, at saka natulog. Pagkaraan siya ay bumangon sa gabing iyon at nagdasal gaya ng naitala ng Allah (U) para sa kanya." 

Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

“Katiyakang nasa Sugo ng Allah (Muhammad) ang isang mahusay na halimbawa upang sundin ng sinuman na umaasa (ng Pakikipagtipan) sa Allah at sa Huling Araw, at (siya) na lagi nang gumugunita sa Allah. (Qur’an 33:21)

Magkagayon, ang Propeta ng Allah (r) ay siyang pinakamabuting halimbawa upang pamarisan nating lahat na sumasampalataya. Ang mga Muslim ay dapat sumunod sa yapak ng Propeta ng Allah (r) sa lahat ng bagay, personal o sa publiko, sa kanilang buong buhay.

Ang lahat ng mga sekreto ng kanilang mga asawa ay dapat ilihim at ang kanyang mga pagkakamali ay dapat itago. Ang mga kapakanan pang-pribado ay hindi dapat ipagsabi sa publiko o ipamalita, kahit sa pinakamalapit na kaibigan. Ang Sugo ng Allah (r) ay nagsabi:

“Isa sa pinakamasamang tao sa harap ng Allah sa Araw ng Pagbabangong Muli ay ang taong nakipagniig sa kanyang asawa o ang babaeng nakipagtalik sa kanyang asawa, at pagkatapos ang isa sa kanila ay ipinagsabi sa iba ang ginawang sarilinan."(Muslim atbp.)

Karapatan ng babaeng may asawa ang tumabi sa kanyang asawa sa gabi at makipagniig upang bigyang-kasiyahang (pang-sekswal) ang kanyang sarili. Ang karapatang ito ay siyang binibigyang diin ng Islam (ng katuparan), tulad ng paghahanap ng isang lalaki sa kanyang kasiyahan. Ang lalaki ay inuutusan at inuubligahan ng batas ng Islam upang bigyang-kasiyahan ang karapatan (pang-sekswal) ng kanyang asawa at upang mapigilan na mabulid ito sa nakakahiyang gawain (makipagtalik sa iba), huwag sanang ipahintulot ng Allah (U). Ang asawa, katulad ng ibang babae, ay nangangailangan ng ganap na pagmamahal, pagtatangi at ang natural na karapatan niya para sa kasiyahang pang-katawan.

Ipinagbabawal ng Islam sa mga lalaki ang pagsasagawa ng mga labis na pagdarasal at pag-aayuno (boluntaryo) na siyang dahilan ng di-pagsasagawa sa mga ubligasyon niya sa kanyang asawa gaya ng pang-sekswal at panglipunan pangangailangan. Isang tanyag na pangyayari kay Salman Al-Farisi (t) ang iniulat:

'Aking dinalaw ang isang kapatid sa pananampalataya na si Abu Darda (t) at nang dumating ako sa kanila, binati ako ng kanyang asawa na si Um Darda (t) na marumi ang hitsura at hindi maganda ang kasuotan. Tinanong ko siya ng makita ko siyang ganoon';

'Ano ang nangyari sa iyo; bakit ganyan ang kalagayan mo at hindi mo inaasikaso ang iyong asawa?' Sinabi niya: 'Ang kapatid mo, si Abu-Darda, ay wala nang interes sa mundo at sa mga kapakanan dito. Ginugugol niya ang gabi sa pagdarasal at ang araw sa pag-aayuno!'

Pagdating ni Abu-Darda (t), binati at tinanggap ng malugod si Salman (t) at binigyan siya ng makakain. Sinabi ni Salman (t): 'Bakit di ka sumalo sa pagkain ko? Sinabi ni Abu-Darda (t), 'Ako ay nag-aayuno.' Si Salman ay nagsabi: 'Sa Ngalan ng Allah, kailangan itigil mo ang iyong pag-aayuno at kumain ka na kasalo ko.'

Itinigil ni Abu-Darda (t) ang kanyang pag-aayuno at sila ay parehong kumain. Si Salman (t) ay natulog kila Abu-Darda (t) sa gabing iyon, at siya ay bumangon sa kalagitnaan ng gabi at magdarasal sana ng panggabing dasal subali't siya ay pinigil ni Salman (t) at sinabi:

"Ang iyong katawan ay may karapatan sa iyo, ang Panginoon mo ay may tiyak na karapatan sa iyo, at ang iyong pamilya ay may siguradong karapatan mula sa iyo. Mag-ayuno ka sa ilang araw at ihinto mo ang pag-aayuno sa ibang araw, lapitan mo ang iyong asawa (bilang relasyon ng mag-asawa). Bigyan ang bawat isa ng kani-kanilang karapatan."

At bago pumasok ang pagbubukang liwayway, pinahintulutan si Abu-Darda na tumayo upang magdasal. Silang dalawa ay tumayo, nag-ablusyon, at nagdasal at pumunta sa Masjid para magdasal ng 'Fajr' (Bukang Liwayway) na pagdarasal. Nang matapos ang pagdarasal na kasama ang Propeta (r), inilahad ni Abu-Darda ang lahat ng pangyayari kay Propeta (r). Ang Propeta ng Allah (r) ay nagsabi: 'Sinabi ang katotohanan ni Salman'. (Bukhari atbp.)

Dahil sa pangangailangan ng asawa, ang lalaki ay hindi dapat maglakbay at lumayo sa tahanan ng mahabang panahon. Si Calipa Umar ibn Al-Khattab (t) pagkatapos magkunsulta sa kanyang anak na si Hafsa (y) tungkol sa haba ng panahon na maaaring ang babae ay magbata sa pagliban ng kanyang asawa, ay itinalaga ang panahong anim na buwan.

Si Abdur-Razaq atbp ay naglahad ng isang tanyag na pangyayari:

"Minsan isang gabi, si Umar ibn al-Khattab (t) ay naglalakad ng palibot at nakarinig siya ng panaghoy at pagdalamhati ng isang babae:

"Ang gabi ay humaba ng labis, at ang kanyang dulo ay madilim at maitim,

Ako ay hindi makatulog mula noong nawala kahit sinong makalaro, at walang nagmamahal,

Kung wala lamang (ang Panginoon) na ang Kanyang Trono ay nasa kaitaasan ng mga Langit,

Ang gilid nitong kama ay malululon, manginginig at mangaligkig!"

Kinaumagahan pinuntahan ni Umar (t) ang babae at tinanong ang dahilan ng kanyang tula. Siya ay sumagot na ang kanyang asawa ay sumama sa mga sundalo na may matagal na kampanya. Pagkaraan noon isinangguni ni Umar (t) sa kanyang anak na si Hafsa kung hanggang kailan makapagtitiis ang babae sa pagbabalik ng kanyang asawa. Pagkatapos ng ilang minutong pag-aalinlangan at kahihiyan, nakumbinse niyang ang katanungan ay para sa ikabubuti ng madlang Muslim, siya ay sumagot ng anim na buwan."

Pagkatapos nito, si Umar ay nagtakda ng kampanya na sa loob ng anim na buwan ay dapat makabalik sila sa kani-kanilang mga asawa.

Ang panahon na ito ay humigit-kumulang dahil ang pagkakataon ay posibleng maging maiksi, o kaya naman ay mapipilitan na higit pa rito. Ang babae ay maaaring magtiis sa pagliban ng kanyang asawa ng higit sa anim na buwan, o kaya ay maaari din naman niyang hinging sapilitan na bumalik ang kanyang asawa bago ang panahong iyon. Ang lalaki ay hindi puwedeng tumanggi sa paghingi bilang karapatan ng kanyang asawa bilang matuwid na kahilingan kung wala siyang balidong dahilan.

Ang lalaki ay hindi dapat gumawa ng anumang pasiyang pananalapi para sa kanyang asawa hanggat ang babae ay hindi nagbibigay ng pahintulot. Walang karapatan ang lalaki na kumuha ng anumang pag-aaring salapi ng babae hanggat walang siyang pahintulot.

Nararapat ding kumunsulta ang lalaki sa kanyang asawa tungkol sa malalaking pampamilyang kapasiyahan, sa mga gawain ng mga anak at sa pagdadamayang mga gawain. Hindi makatuwirang diktahan ng lalaki ang lahat ng kasambahay at hindi na pakinggan ang opinyon ng kanyang asawa, maliban ang opinion ng asawa ay mabuti at matalinong pasiya. Ang Propeta ng Allah (r) ay nagbigay ng praktikal na halimbawa sa bagay na ito. Noong 'Araw ng Pakikipagkasunduan' sa mga taga tribo ng Quraish, ang Propeta (r) ay nag-utos sa kanyang mga kasamahan na sila ay magpakalbo at lumabas sa kalagayan ng 'Ihraam', ngunit sila ay nag-atubili at hindi tinupad kaagad ang ipinag-utos. Si Um Salamah (y), ang kanyang asawa, ay nagpayo na gawin muna ito at lumabas upang makita ng kanyang mga kasamahan. Ginawa ng Propeta ng Allah (y) ang inirekomenda ng kanyang asawa at ng makita siya ng kanyang mga kasamahan sila ay nagmadali sa pagsunod sa ipinag-uutos sa kanila.

Ang lalaki ay dapat iwasan ang pagsubaybay sa mga maliliit na pagkakamali na maaaring magawa ng kanyang asawa. Isang halimbawa, ang Propeta ng Allah (r) ay nagsabi:

“Ang asawang lalaki ay hindi dapat dumating sa pamamahay ng huli sa gabi mula sa paglalakbay (ng walang maayos na paghahabilin)." (Bukhari, Muslim atbp.)

Ang rekomendasyon ay ibinigay upang hindi makita ng lalaki ang kanyang asawa sa kalagayang hindi maganda, na siyang maging dahilan sa kanyang paghinanakit. Sa mga makabagong kagamitan sa ngayon, ang lalaki ay maaaring ipaunang ipabatid sa kanilang mga asawa kung sa umaga o gabi na ang kanilang pagdating.

Tungkulin ng lalaki na dapat maging mabait, maasikaso at mapagbigay sa kanyang asawa. Siya ay dapat maging matapat, magalang, matiisin at mapagmahal at dapat isa-alang-alang ang kanyang likas na pagkatao. Binibigyan ng halaga ng mga babae ang sa kanila ay nagmamahal at ang pangangalaga. Ang lalaki ay dapat magpakita ng pagmamahal, kabaitan, pagpapahalaga, pag-aalaala at tunay na pangangalaga sa kanyang asawa.

Ang sistemang diborsyo sa Islam ay itinalaga upang pangalagahan ang karapatan at interes ng mga babae, at nagbibigay ng sapat na pagkakataon at panahon upang magkasundo muli. Tatalakayin natin ang paksang ito ng detalye, ngunit babanggitin lang natin dito na ang diborsyo, katulad ng kasal, ang bawa't isa ay dapat kumilos ng pino at may mabuting kaasalan upang matiyak ang karapatan ng dalawang partido.

Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

“Ang Diborsyo ay pinahihintulutan ng dalawang beses lamang; pagkaraan maaari silang magsamang muli sa makatuwirang kasunduan o tuluyan nang maghiwalay nang matiwasay…” (Qur’an 2:229)

 

Search Videos

Ang lahat po ng larawan na naitala o makikita dito ay kabahagi lamang ng mga ibat ibang programa o activities ng aming Islamic Dawah Center.

 

Go to top