Ang Kababaihan Bilang Mga Ina
Ang Allah, ang Mapagpala, ay paulit-ulit na binigyan ng diin ang pangkalahatang karapatan ng mga magulang at ang partikular na karapatan ng ina.
Ang Dakilang Allah ay nagsabi:
“At ang iyong Panginoon ay nag-uutos na huwag kayong sumamba sa iba pa maliban sa Kanya, at kayo ay maging masunurin sa inyong magulang. At kung sa inyong buhay, kung ang isa sa kanila o silang dalawa ay sumapit na sa matandang gulang sa (panahon) ng iyong buhay, huwag kang mangusap sa kanila ng isa mang salita ng kalapastanganan, gayundin ay huwag manigaw sa kanila, datapwa’t ikaw ay mangusap sa kanila sa paraang marangal. ” (Qur’an 17:23).
Sa talatang ito ang karapatan ng Dakilang Allah na Siyang dapat sambahin, ay nauuna pagkatapos ay ang karapatan ng mga magulang. Lahat ng mga iskolar ay sumang-ayon na ang karapatan ng mga magulang sa Islam ay nakakahigit at nauuna kaysa sa iba maliban sa karapatan ng Dakilang Allah.
Ang pagsunod sa mga magulang ay nararapat bigyan ng karapatang mauna kaysa sa lahat pati na sa asawa. Subali't hindi ibig sabihin na ang asawang babae ay hamakin o insultuhin sa anumang bagay. Nararapat lamang na nauuna ang pagsunod sa mga magulang bago sa mga iba sa kondisyon na hindi nasusuway ang Dakilang Allah at ang Kanyang Propeta (r).
Ang kasiyahan o di-kasiyahan ng Dakilang Allah sa tao ay batay sa kasiyahan ng mga magulang sa kanilang mga anak. Ito ay ipinahiwatig ng Propeta ng Allah (r) nang siya ay nagsabi:
“Ang kasiyahan ng Allah sa tao ay dahil sa kasiyahan ng magulang (sa kanyang anak) at ang di-kasiyahan ng Allah ay dahil sa di-kasiyahan ng magulang (sa kanyang anak)." (Tabrani at napapatotohanan)
“Birr al-Walidain” ang ibig sabihin nito ay ang pagiging masunurin, mabuti at mabait sa mga magulang, binibigyan ng kasiyahan at iniingatan ang kanilang pangangailangan, lalo't higit sa kanilang pagtanda. Ang pagserbisyo sa kanila ay ibinibilang na sapilitan at nauuna kaysa sa pakikisama sa iba't ibang kusang-loob na pagserbisyo sa ibang larangan ng Jihad (i.e., pagpupunyagi para sa landas ng Allah). May isang taong humingi ng pahintulot upang magsagawa ng Jihad at siya ay tinanong ng Sugo ng Allah (r) kung ang kanyang mga magulang ay buhay pa… siya ay sumagot ng paayon. Pagkatapos sinabihan siya ng Sugo ng Allah (r):
“Tiyakin at gawin mo ang pinakamahusay sa kanila at asikasuhin at alagaan sila (jaahid)." (Bukhari at Muslim)
Ang kahulugan nito ay dapat ang anak na nasa hustong gulang ay magsikap na tulungan ang kanyang magulang upang ipagkaloob ang kanilang pangangailangan. Kung hindi sapilitan sa isang Muslim ang sumama sa pagtatanggol (Jihad), ang pag-aalaga sa mga magulang ay unang nararapat bigyan ng pagpapahalaga.
Ito ay mapapanaligan at napatotohanan sa isang tradisyon, si Ibn Mas'ood (t) ay nag-ulat:
“Tinanong ko ang Sugo ng Allah (r): 'O Propeta ng Allah, Ano ang gawaing higit na ikasisiya ng Allah?' Sinabi niya: "Ang pag-aalay ng pagdarasal sa tamang oras." Ako ay nagtanong ulit: "Ano ang susunod, O Propeta ng Allah?' Siya ay sumagot: “Ang pagiging mabait, maasikaso at magalang sa inyong mga magulang." Ako ay nagtanong ulit: "Ano ang susunod, O Propeta ng Allah?" Siya ay sumagot: "Ang pakikipaglaban sa landas ng Allah."
Sa ibang tradisyon si Abdullah bin Amr bin al-Aas (t) ay nag-ulat: Isang lalaki ang nagtanong sa Sugo ng Allah (r):
"O Sugo ng Allah! Aking ibibigay ang pakikipagkasundo sa pamamagitan ng paglikas (hijrah) at pakikipaglaban (Jihad) na ang tanging layunin ko ay magkaroon ng gantimpala mula sa Allah." Nang siya ay marinig ng Sugo ng Allah (r) siya ay tinanong: “Ang mga magulang mo ba ay buhay pa?” Ang lalaki ay sumagot: 'Opo, O Propeta ng Allah, silang dalawa ay buhay pa.' Sinabi sa kanya: “Ang kasiyahan at gantimpala ba ng Allah ang iyong hnahanap?" Siya ay sumagot: 'Opo.' Sinabi sa kanya: “Magkagayon, bumalik ka sa kanila at tiyakin mo na gagawin mo ang pinakamahusay na pag-aasikaso at pag-aalaga sa kanila.” (Muslim)
At sa ibang napatotohanang tradisyon si Mu’awiyyah as-Sulami (t) ay nagsabi sa Sugo ng Allah (r):
"Gusto kong mag-Jihad sa landas ng Allah." Ang Sugo ng Allah (r) ay nagtanong: “Ang ina mo ba ay buhay pa?” Siya ay sumagot: 'Opo.' Sinabi sa kanya: “Ikaw ay manatili sa piling niya, dahil ang Jannah (Paraiso) ay nasa paanan ng ina.” (Ahmed, Nasa'e, Haakim atbp at napatotohanan)
Ang pahayag na ito ay nagpapahiwatig na ang pagmamahal, pag-aasikaso at paglilingkod ng mga anak sa kanilang magulang ay isang paraan upang makamit ang kasiyahan ng Dakilang Allah at ang Paraiso, na siyang pangakong gantimpala sa mga matutuwid na mga Muslim.
Ang mga ina, bago ang ama, ay ang unang dapat bigyan ng kabaitan, pangangalaga at magandang pakikitungo, dahil ang ina ang siyang unang naghirap sa pag-aalaga sa mga anak at nakaranas ng araw-araw na pagdurusa sa pagpapalaki sa mga ito. Sinalaysay ni Bukhari atbp na si Abu Hurairah (t) ay nag-ulat:
“Isang lalaki ang lumapit sa Propeta (r) at siya ay nagtanong: 'O Propeta ng Allah! Sino ang dapat kong unang pagsilbihan at pangalagaan at nararapat sa aking magandang pakikisama?' Ang Propeta ng Allah (r) ay sumagot: "Ang iyong ina." Ang tao ay nagtanong ulit: 'Sino ang susunod pagkatapos niya?' Siya (r) ay sumagot: "Ang iyong ina." Ang tao ay nagtanong ulit: 'Sino ang susunod pagkatapos niya?' Siya (r) ay sumagot: "Ang iyong ina." Ang tao ay nagtanong ulit: 'Sino ang susunod pagkatapos niya?' Siya (r) ay sumagot: "Ang iyong ama."
Ang pag-unawa sa aral na ito ay ganap bilang patunay na ang ina ay karapat-dapat sa pakikitungo, kabaitan at pagmamalasakit sa buong buhay nila.
Ang hadith na ito ay nagpapahiwatig lamang na ang ina ay nakahihigit ng tatlong ulit sa karapatan kaysa sa ama dahil sa paghihirap na kanyang natamo sa ibat-ibang larangan sa pagpapalaki ng kanyang mga anak; sa pagbubuntis, pagpapanganak, pagpapasuso at pagpapalaki ng bata. Ang bata sa sinapupunan ay lumusog dahil umasa sa ina sa loob ng siyam na buwan at higit na dalawang taon pa kung ang ina ay nagpasiyang magpasuso sa kanyang anak.
Ang Dakilang Allah ay nagsabi:
“At ipinagtagubilin Namin sa tao na maging mabait sa kanilang magulang. Ang kanyang ina ay nagsilang sa kanya sa matinding hirap sa ibabaw ng ibayong hirap, at inawat siya sa pagpapasuso pagkatapos ng dalawang taon. Magbigay kayo ng pasasalamat sa Akin at sa inyong magulang. Sa Akin ang inyong huling hantungan." (Qur’an 31:14)
Ang mga ina ay binigyan ng nakahihigit na pagpapahalaga kaysa sa ama sa tawag ng kabaitan, paglingap, pagtulong at sa pagtalima sa kanila. Ang ama at ina, alinsunod sa prinsipyo at katuruan ng Islam, ay dapat sundin (talimahin), igalang at hindi dapat sumuway hangga't hindi sila nag-uutos sa kanilang mga anak bilang pagsuway sa kanilang Tagapaglikha. Kung sila ay nag-uutos sa kanilang mga anak ng mga gawain bilang pagsuway sa Dakilang Allah, sa pagkakataong iyon hindi sila dapat talimahin sa partikular na bagay na iyon, subali't sila (mga anak) ay dapat ipagpatuloy ang pagtalima sa mga magulang sa mga pangkaraniwan at ibang mga tungkulin para sa kanilang magulang.
Ang Dakilang Allah ay nagsabi:
“At kung ang inyong mga magulang ay magsikhay upang ikaw ay magtambal ng iba pa sa pagsamba sa Akin sa mga bagay na wala kayong kaalaman; sila ay huwag ninyong sundin, at maging mabait kayo sa kanila sa mundong ito, at sundin ninyo ang landas ng sinumang nagbabalik-loob sa Akin sa pagsisisi. Sa katapusan, ang hantungan ninyong lahat ay sa Akin, at sa inyo ay Aking ipababatid ang lahat ng inyong mga ginawa sa buong buhay ninyo.” (Qur’an 31:15)
Ang mga magulang ay dapat igalang, talimahin at bigyan ng tulong na pananalapi ng kanilang mga anak, kahit na sila ay mayroong ibang pananampalataya, maliban sa Islam, hanggang hindi sila nag-uutos ng mga gawain bilang pagsuway sa Dakilang Allah. Si Asma bint Abu-Bakr (t) ay nagsabi:
"Ang aking ina, noong siya ay isang pagano, ay bumisita sa akin. Ako ay nagtungo sa Sugo ng Allah (r) humingi ng kanyang pasiya. Sinabi ko, "Siya ay bumisita sa akin at interesado sa Islam, dapat ko bang panatilihin ang relasyon namin sa kanya?" Ang Sugo ng Allah (r) ay nagsabi: "Oo, tunay! at nararapat na ipagpatuloy ang relasyon ninyo sa inyong ina."
Ipinag-uutos ng Islam sa mga anak na pangalagaan ang kanilang ina ng may kabutihan, pagsunod at pagmamahal. Magbigay ng tulong sa mga magulang sa kanilang iba't-ibang gawain sa pang araw-araw sa pamamahay. Ito ay inilarawan sa mahabang tradisyon (hadith)... iniulat ni Abu-Hurairah (t) na ang Propeta (r) ay nagsabi: 'Wala na maliban sa tatlong sanggol ang nagsalita habang sila ay nasa duyan':
Ang una ay si Hesus, anak ni Maria (u). Ganito ang kasaysayan… Nang si Maria ay nagsilang kay Hesus, ang kanyang mga kababayan ay nagparatang (at nagbingtang) na siya ay masamang babae. Hindi nila matanggap na siya (Maria) ay manganak sa pagkadalaga sa dahilang wala silang alam na asawa nito. Ang angkan ni Maria ay kilala bilang mga banal at mabuting angkan at iginagalang ang kanilang lahi. Walang ibinigay na paliwanag si Maria bagkus kanyang itinuro ang batang sanggol na si Hesus na nasa duyan. Nang itinuro ni Maria ang sanggol na si Hesus, ang mga tao ay nagsabi, 'Paano makapagsalita ang isang batang paslit na nasa duyan?' Ang sanggol na si Hesus ay himalang nagsalita at siyang nagpatunay at nagpaliwanag sa naging katayuan ng kanyang ina: (Qur'an, 19:29-32) ay nagpahayag tungkol sa sinabi ni Hesus nang siya ay nasa duyan pa lamang:
"At kanyang (Maria) itinuro. At sila ay nagsabi: Paano makapagsalita ang isang sanggol na nasa duyan? Siya (Hesus ay nagsalita: Katotohanan! Ako ay alipin ng Allah, ipinagkaloob sa akin ang Kasulatan at ginawa Niya akong isang Propeta. At ako ay Kanyang pinagpala saan man ako naroroon at ipinag-utos sa akin ang pagdarasal, at pagkakawanggawa (Zakah) habang ako ay nabubuhay. At maging masunurin sa aking ina…"
Ang pangalawa ay isang Israelita sa panahon ni Juraij, isang hermitanyo na nag-iisang namuhay sa iang kamara o selda at inilaan ang kanyang panahon sa pagdarasal at pagsamba sa Allah. Isang araw ang ina ni Juraij ay humingi ng tulong sa kanya habang siya ay nagdarasal. Siya (Juraij) ay nagsabi: O Allah ako ay nalilito kung sino ang dapat kong bigyan ng pagsasaalang-alang, ang aking pagdarasal o ang aking ina? Ipinagpatuloy niya ang kanyang pagdarasal at tinalikdan niya ang pagsusumamo ng kanyang ina. Di kalaunan, ang kanyang ina ay umalis. Nang sumunod na araw, tinawag siyang muli ng kanyang ina at patuloy pa ring nagdarasal si Juraij at hindi binigyang pansin ang kaniyang ina. Nang sumunod pang mga araw, tinawag siyang muli ng kaniyang ina at humingi ng tulong katulad ng naunang dalawang araw. Hindi rin binigyang pansin ni Juraij. Nang makita nito, ang ina ay nagsabi: 'O Allah, itulot ninyo na bago mamatay si Juraij, nawa'y makatagpo siya ng babaing nagbibili ng aliw.'
Sa panahong iyon ang mga Israelitas ay humahanga sa pamamaraan ng pagsamba, pagdarasal at pag-iisa ni Juraij. Noong kapanhunan ding iyon may isang maganda at kaakit-akit na babaeng nagbibili ng aliw ang nagbigay ng suhestiyon sa mga Israelitas. Kung nais ninyo, aakitin ko si Juraij at hahayaan ko siyang umibig sa akin at gumawa ng pangangalunya. Ang babaing ito ay umalis na may layuning isagawa ang balakin. Ginawa niya ang lahat upang mahulog sa tukso si Juraij ngunit siya ay nabigo. Gayunpaman, nilapitan niya ang isang pastol na malapit sa tirahan ni Juraij at ipinagkaloob ang kanyang sarili at siya ay nabuntis. Matapos ng panganganak, inakusahan niya si Juraij bilang ama ng kanyang anak. Ang mga Israelitas ay sumugod sa tirahan ni Juraij at ito ay pinagtabuyan, sinira ang bahay at siya sinaktan. Si Juraij ay nagtanong kung bakit siya nilapastangan ng mga ito. Sila (mga Israelitas) ay nagsabi; Ikaw ay nangalunya sa isang babaeng nagbibili ng aliw at ito ay nagkaanak mula sa iyo samantalang ikaw ay nagkukunwaring isang makadiyos na tao. Si Juraij ay nagsabi: Maaari ba ninyong dalhin sa akin ang sanggol at hayaan ninyo akong mag-alay ng dasal upang patunayan ko sa inyo na hindi ako ang ama ng batang yan. Pinahintulutan ng mga Israelitas na magdasal si Juraij at dinala sa kanya ang sanggol at tinanong ito: Sino ang iyong tunay na ama? Ang sanggol sa duyan ay nagsalita; Ang aking ama ay yaong pastol. Nang marinig ang pagpapahayag ng sanggol, niyakap ng mga Israelitas si Juraij at humingi ng kapatawaran at nagsabing; Dapat ba naming ipagpatayo ka muli ng tirahan na yari sa ginto? Siya ay sumagot; Hindi, ngunit ipagpatayo ninyo ako ng yari sa lupa katulad noong dati. At sila ay gumawa.
Ang ikatlong sanggol na nagsalita na nasa duyan pa lamang ay isang sanggol na sumususo sa ina nang dumaan ang isang kabalyero na nakasuot ng magarang na damit at nakasakay sa magandang kabayo. Ang nagpapasusong ina ay nagsabi: 'O Allah, gawin mo pong katulad ng kabalyerong ito ang aking anak na lalaki.' Nang marinig ito ng sanggol siya ay huminto sa pagsuso at nagsabi habang nakatingin ito sa sundalo. 'O Allah, huwag Mo po akong gawing katulad ng kabalyerong ito.' Si Abu Hurairah (t) na siyang nag-ulat sa hadith na ito ay nagsabi: 'Natatandaan ko pa ang Propeta (r) nang ginaya niya ang sanggol na pinasuso ng kanyang ina at inilagay ang kanyang hintuturo at sinususo ang kanyang daliri.'
Pagkatapos siya ay muling sumuso sa ina. Pagkaraan nito nadaanan nila ang isang alipin na sinasaktan ng kanyang amo at pinagbibintangang nangalunya at nagnakaw. Ang alipin ay nagsabi: 'O Allah, sapat na po Kayo sa akin at Kayo ang aking Tagapagtanggol.' Ang ina ay nagsabi: 'O Allah, huwag Ninyong itulot na matulad ang anak ko sa aliping ito.' Nang marinig ito ng sanggol siya ay huminto sa pagsuso at nagsabi: 'O Allah, gawin mo akong katulad ng babaing ito.' Nang marinig ng ina, siya nagsabi: 'O anak, ano bang nangyayari sa iyo?' Isang magandang bihis na kabalyero na nakasakay sa magandang kabayo, makapangyarihan at hinangad kong maging katulad ka niya, ikaw ay tumanggi. Nang nadaanan natin ang isang alipin na sinasaktan ng kanyang amo at dinidisiplina ng dahil sa pangangalunya at pagnanakaw, at hiniling ko sa Allah na huwag kang matulad sa aliping yaon ngunit tinanggihan mo rin ang aking dalangin.' Ang sanggol ay nagsalit: 'O aking ina, yaong kabalyero ay isang mabagsik at masama. Samakatuwid, dinalangin ko sa Allah na huwag akong gawing katuld niya. At yaon namang alipin na pinagbintangan, siya ay hindi tunay na nangalunya at nagnakaw. Kaya, nagsumamo ako sa Allah na gawin akong inosente at malinis na katulad niya.'
Ang pagsuway sa mga magulang, ang di-pagbibigay galang at ang di-pagbibigay ng kanilang pangangailangan ay isa sa pinakamalaking kasalanan. Ang kaparusahan mula sa Dakilang Allah sa ganitong uri ng kasalanan ay hindi lamang sa Kabilang Buhay kundi dito rin sa buhay dito sa mundo, katulad ng iniulat ng Sugo ng Allah (r) sinabi niya:
“Dalawang uri ng kasalanan ang dapat itakda sa panahon ng tao dito sa mundo ay ang ang; pagmamalupit at ang pagsuway ng anak sa kanilang mga magulang.” (Bukhari at Tabrani at napatotohanan)
Ang Sugo ng Allah (r) ay nagsabi:
“Katotohanan, ipinagbawal ng Allah ang pagsuway sa inyong ina, pagpigil sa mga tao mula sa kanilang mga karapatan, ang paghiling sa tao ng anumang hindi nararapat, ang paglibing ng buhay sa inyong mga anak na babae. Kinapopootan niya sa inyo ang pag-tsismis, ang maraming pagtatanong, at ang paglustay ng inyong yaman ng walang katuturan." (Bukhari atbp.)
Ipinaliwanag din ng Sugo ng Allah (r) ang pagiging mabuti at mabait sa mga magulang na siyang pangunahing bagay para sa pagsasakatuparan ng mga dalangin at pagdarasal ng tao sa buong buhay niya. Si Ibn Umar (t) ay nagsalaysay na ang Sugo ng Allah (r) ay nagsabi:
“Tatlong tao noong unang panahon ang yumaon sa paglalakbay. Nang sumapit ang gabi, sila ay natulog sa isang yungib na nasa ilalim ng bundok. Nang sila ay nakapasok na sa loob, may malaking tipak ng bato ang gumulong at lubos nitong nasarhan ang pintuan ng kuweba. Sila ay nag-usap at napagkaisahan na walang ibang paraan makalalabas maliban sa pagsasagawa ng pagdarasal at dalangin. 'Kailangan humingi tayo ng tulong sa Allah batay sa pinakamabuting bagay na ating ginawa sa buong buhay natin.'
Ang unang tao ay nagsabi:
'O Allah! Ako ay mayroong magulang na matatanda na at inuuna kong bigyan ng bagay na makain o maiinom bago pa man ang aking asawa at mga anak. Isang araw ako ay naglakbay ng malayo sa paghahanap ng pagkain para sa aking mga alagang hayop at ako ay dumating sa bahay ng hating-gabi. Pagdating ko, natagpuan ko ang aking magulang na natutulog na. Aking ginatasan ang tupa upang ibigay sa aking mga magulang para sa kanilang hapunan ngunit ayaw kong gisingin sila upan uminom. Subalit hindi ko ito ibinigay sa aking asawa at mga anak. Nanatili akong nakatayo na tangan ang gatas habang hinihintay ko silang magising. Sa pagsapit ng bukang-liwayway, sila ay nagising na sa oras namang yaon, ang aking mga anak ay nasa aking paanan at umiiyak para sa gatas. Sa ganoon ding oras, ang aking mga magulang ay nagising na rin at aking ibinigay ang gatas sa kanila. O Allah, kung inyong nalalaman na ito ay aking ginawa ng dahil sa Inyo, nagsusumamo ako na iligtas Mo kami mula sa sakunang ito na pinagdurusahan namin. Kapag daka'y ang bato ay naalis nang kaunti sa lagusan ng yungib ngunit hindi sapat upang sila ay makalabas.
Ang pangalawang tao ay nagsabi:
'O Allah, ako ay may pinsang babae mula sa panig ng aking ama na pinakamamahal ko sa ibabaw ng mundo. Nais ko siyang makapiling at matabihan ngunit siya ay tumanggi. Minsan, siya ay nagkaroon ng suliranin sa pananalapi dahil sa tagtuyot. Siya ay lumapit sa akin at humingi ng tulong. Binigyan ko siya ng isang daan at dalawampung gintong dinar upang pagbiyan niya ako sa aking kahilingan. Nang dahil sa kanyang pangangailangan at mahirap na kalagayan, siya ay pumayag. Nang nais ko ng simulan ang pakikipagtalik, siya ay nagsabi, O aking pinsan, matakot ka sa Allah. Huwag mong alisin ang aking pagka-birhen maliban sa ilalim ng batas (kasal). Nang marinig ko ito, ako ay tumayo at hindi ko siya ginalaw bagama't siya ay pinakamamahal ko sa lahat ng babae. Hindi ko kinuhang muli ang mga gintong dinar.'
Makaraan nito, itinaas niya ang kanyang kamay sa langit at nagsabi: "O Allah! Kung Inyong nalalaman na ito ay aking ginawa ng dahil sa Iyong kasiyahan, ako ay nagsusumamo na alisin ang nakaharang na tipak ng bato sa pinto ng yunggib upang kami ay makalabas". Muli ang bato ay gumalaw at lumayo ng maliit na distansiya ngunit hindi sapat na makalabas ang mga tao sa yunggib.
Ang ikatlong tao ay nagasabi ng ganito:
'O Allah! Batid Ninyo na noong ako ay may mga manggagawa at sa pagsapit ng hapon, aking binabayaran ang mga ito maliban sa isa na umalis na hindi nakuha ang kanyang sahod. Kaya, aking inimpok ang kanyang sahod at inilagay ko sa aking negosyo. Ang salaping nauukol sa manggagawang ito ay umunlad. Minsan, pagkaraan ng maraming taon, ang manggawang ito ay bumalik at nagtatanong tungkol sa kanyang sahod. Itinuro ko sa kanya ang malalaking kawan ng tupa, baka at kamelyo, ang mga alipin at katulong at sinabi ko sa kanya: Lahat ng iyong nakikita ay sa iyo! Yan ang sahod mo na utang ko sa iyo. Ang dukhang manggagawa ay nabigla at sinabi: 'Nakikiusap ako sa iyo na huwag mo akong biruin (paglaruan) at pagtawanan. Ang hinihiling ko lamang sa iyo ay isang araw na sahod? Ako ay sumagot, Hindi kita pinagtatawanan o panaglalaruan o binibiro. Ito ay sa iyong lahat.' Pagkaraan ng pagsalaysay nito, itinaas ang kanyang mga kamay sa langit at nagsabi: 'O Allah, kung nagawa ko yaon para sa Iyong kasiyahan, nagsusumamo ako na alisin Mo po ang nakaharang sa yungib na ito, ng dahil dito kami ay naghihirap." Pagkaraan nito, ang bato ay dahan-dahang naalis mula sa pintuan ng yungib at ang tatlong magkakasama ay humayong palabas muli. (Bukhari atbp.)
Itinuturo ng Islam na ang pagbibigay ng kasiyahan sa magulang, ang pagiging mabait, mabuti, mapagpaumanhin, magalang at mapangalaga sa buong buhay nila ay isa sa mga bagay na makapag-aalis ng mga kasalanan sa mundong ito. Si Abdullah Ibn Umar (t) ay nagsabi:
“Isang tao ang lumapit sa Sugo ng Allah (r) at nagsabi: 'O Propeta (r)! Ako ay nakagawa ng malaking kasalanan. Sa palagay mo ba ay makapagsisisi ako mula rito?' Siya ay tinanong: 'Buhay pa ba ang iyong ina?' Ang lalaki ay sumagot ng; 'Hindi na.' Tinanong ulit siya ng Propeta (r); Mayroon ka bang mga tiyahin (Mula sa angkan ng iyong ina?). Ang lalaki ay tumango ng: 'Oo'. Ang Propeta ay nagsabi sa kanya; Maging mabuti, mabait at matulungin sa kanila." (Tirmidhi, Hakim, Ibn Hibban at napatotohanan)
Ang tradisyon na ito ay nagpapakilala na ang karapatan at katayuan ng isang tiyahin ay katulad ng ibang katayuan ng isang ina. Ang Sugo ng Allah (r) ay nagsabi:
“Ang kapatid na babae ng iyong ina ay may kahalintulad na katayuan ng iyong ina." (Bukhari)
Ipinag-uutos ng Islam na ang karapatan ng mga magulang ay nararapat na igalang at kilalanin kahit na pagkaraang mamatay ito. Si Malik Ibn Rabee'ah ay nagsalaysay:
“Habang kami ay nakaupo sa tabi ng Sugo ng Allah (r) isang tao mula sa tribo ng Bani Salamah ang lumapit sa kanya at nagtanong: "O Sugo ng Allah (r), ang aking mga magulang ay namatay na. Mayroon pa ba akong tungkulin na dapat panatilihin at tuparin bilang karapatan nila pagkaraan ng kanilang kamatayan?" Siya ay sumagot: "Tunay na mayroon, kailangan panatilihin mo ang pagdarasal at panalangin para sa kapakanan nila, lagi kang humingi ng kapatawaran para sa kanila, tuparin ang anumang pangako na kanilang iniwan sa iba, panatilihin ang magandang ugnayan sa iyong mga kamag-anak at maging magalang at mabait, at mabuti sa kanilang mga kaibigan. ” (Abu Da'wood)
Ang mga malawak na alituntuning inilahad ay ang mga pangunahing karapatan ng mga magulang, lalo na sa panig ng ina, at inilarawan ang ina bilang mayroong kakaibang paggalang sa Isalamikong katuruan.