Ang Kababaihan bilang mga Kamag-anak at Kapit-bahay

Ang batas sa pangkalahatang karapatan na saklaw ng Islamikong kapamahalahan para sa mga babae ay katulad din ng sa mga kalalakihan. Ang pagmamalasakit sa kapakanan ng madla at ang damayan at pagtutulungan sa isa't isa ay ang tatak ng Islamikong pamayanan. Ang Propeta (r) ay nagsabi:

“Ang pagkakatulad ng mga mananampalataya sa kanilang pagmamahal, kabaitan, pangangalaga sa isa't isa ay parang iisang katawan; kung ang isang bahagi ng katawan ay maysakit, ang buong katawan ay nakakaramdam ng sakit at ang tao ay nananatiling gising magdamag. " (Muslim & Ahmed) 

At ang Propeta (r) ay nagsabi:

“Ang mga mananampalataya, sa isa't isa, ay katulad ng isang matibay na pagkakagawa ng isang gusali, nagtutukuran sa bawat isa." At kanyang ipinagpatong ang kanyang dalawang daliri.(Bukhari & Muslim)

Kung ang babae ay tiyahin, pamangking babae, pinsan o sinumang kamag-anak, gaano man kalayo, siya ay nabibilang sa pagiging kamag-anak na ipinag-uutos ng Dakilang Allah na maging mabuti, mabait at matulungin sa kanila.

Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

“At kayo ba, kung bibigyan ng kapamahalaan, ay magsisigawa ng kabuktutan sa kalupaan, at inyong puputulin ang gapos ng pagkakaibigan at pagkakamag-anak?” (Qur’an 47:22)

Ang Propeta (r) ay nagsabi: “Sinumang tao ang lumayo sa pagka-kamag-anak ay hindi makakapasok sa Paraiso."(Muslim)

At sinabi rin niya (r):

“Ang kawanggawa para sa mga maralita ay isang kawanggawa, at para sa mga kamag-anak na dukha ay dalawang kawanggawa, isa bilang kawanggawa at isa bilang ugnayan sa kamag-anak." (Nisa'e, Tirmidhi, Ibn Khuzaimah atbp. at napatotohanan)

Kung ang babae ay isang kapit-bahay at siya ay isang Muslim, siya ay may dalawang karapatan; ang karapatan sa Islam, at ang ang karapatan bilang kapit-bahay.

Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

“Sambahin ninyo ang Allah at huwag kayong magtambal ng anuman sa pagsamba sa Kanya, at maging mabait kayo sa mga magulang, mga kamag-anak, mga ulila, sa mahihirap na nangangailangan, sa kapitbahay na malapit na kamag-anak, sa kapitbahay na hindi kamag-anak, sa mga kasamahan na malapit sa inyo, ang mga naglalakbay na kinapos ng panustos sa daan at sa mga angkin ng inyong kanang-kamay (mga alipin). Katotohanang ang Allah ay hindi nagmamahal sa mga mayayabang at hambog." (Qur’an 4:36)

Ang Islam ay nag-uutos sa mga Muslim na maging mabuti sa kanyang mga kapit-bahay. Ang Sugo ng Allah (r) ay nagsabi:

“Si Jibreel (Arkanghel Gabriel) ay patuloy na nagtagubilin sa akin na siyang dahilan upang ako ay mag-isip na gawing tagapagmana ang kapit-bahay." (Bukhari)

Siya (r) ay nagsabi rin:

“Sumpa sa Allah siya ay hindi sumasampalataya, Sumpa sa Allah siya ay hindi sumasampalataya, Sumpa sa Allah siya ay hindi sumasampalataya!' Siya ay tinanong: 'Sino siya o Sugo ng Allah?' Siya ay sumagot: 'Siya na sa kanyang mga kamay ang kanyang kapitbahay ay hindi ligtas.” (Bukhari at Ahmed)

Si Asfahani ay nagsalaysay sa 'Hiliyat-Awliya' na sinabi ni Talhah(t):

"Si Umar Ibn al-Khattab (t) ay lumabas isang gabi. Naisip kong sundan ko siya upang makita kung ano ang ginagawa niya sa gabing iyon. Nakita ko siyang pumasok sa isang bahay. Pagkaraan ng sandali siya ay lumabas at pumasok na naman sa kabilang bahay. Kinaumagahan, dumaan ako sa unang bahay at pumasok dito upang alamin kung sino ang nakatira roon. Sa aking pagkabigla, natagpuan ko rito ang isang matandang babaeng bulag at may kapansanan. Tinanong ko siya; 'Ano ang ginawa ng lalaking dumating kagabi sa iyong pamamahay? Siya (babae) ay sumagot; 'Ang lalaking iyon ay siyang nangangalaga sa akin, tinutulungan ako sa aking mga pangangailangan at sinusuportahan ako. Si Talha na siyang nagsalaysay nito ay nagsabi sa kanyang sarili, 'Bakit ko iniimbestigahan ang mga Gawain ni Omar?"

Ang Sugo ng Allah (r) ay nagsabi:

“Ang taong nangangalaga sa mga balo at sa mga ulila ay katulad ng isang tao na nakikipaglaban sa landas ng Allah. At parang sinabi niya (r): 'Katulad ng isang tao na nakatayo sa pagdarasal na hindi umuupo at katulad ng isang tao na nag-ayuno ng walang hinto sa pag-aayuno." (Bukhari & Muslim)

Ito ang mga ilang bantog na aspeto sa pagpaparangal, paggalang, pangangalaga at pagtulong sa mga babae batay sa katuruan ng Islam na siyang pinaka-buod ng mga karapatan ng kababaihan.

Naniniwala kami na ang mga kababaihan ay hindi nakasaksi sa mga naunang panahon o maging sa kasalukuyan ng katulad ng paggalang at pagpaparangal sa babae ng Islam sa kasaysayan ng sangkatauhan sa mundo. May ibang mga tradisyon (hadith) ang nagpapakilala na ang Batas ng Islam ay hindi kailanman pinayagan ang krimen o pang-aabuso sa mga babae kahit kailan man sa kanilang buhay.

 

Search Videos

Ang lahat po ng larawan na naitala o makikita dito ay kabahagi lamang ng mga ibat ibang programa o activities ng aming Islamic Dawah Center.

 

Go to top