Ang paniniwala sa Allah ay ang wagas na pananalig at paniniwala sa pagka-panginoon ng Allah, ang tanging namamahala, nagmamay-ari at lumikha sa lahat ng bagay. Kaya Siya lamang ang karapat-dapat pag-ukulan ng lahat ng uri ng pagsamba, at ang may ganap na Katangian. Luwalhatiin Siya sa lahat ng kakulangan at kapintasan na iniaanib sa Kanya, kaya’t dapat lang na mapanatili ito at maging tapat sa pagsagawa nito.

Ang paniniwala sa Allah ay binubuo ng apat na sangkap:

Una- Ang paniniwala sa pagkakaroon ng Allah: Ang pagkakaroon ng Allah ay napapatunayan sa mga sumusunod na babanggitin:

1- Sa Fitrah (Kalikasan): Sa katunayan, ang bawa’t nilalang ay nilikha na may angking Fitrah (kalikasang pagkilala at paniniwala sa Tagapaglikha), ni hindi na kailangang pairalin pa ang isipan dito o bigyan ng masusing pag-aaral. Bagkus ito’y hindi kusa na lamang nawawala at naibabaling sa iba, maliban kung may panibagong nagaganap sa kanyang kalooban, at ito ang nagiging dahilan ng kanyang paglihis mula rito. Sapagka’t ang Propeta (saw) ay nagsabi: "Ang lahat ng sanggol ay ipinanganganak sa Fitrah (Islam), Samakatuwid ang kanyang dalawang magulang ang nagtatakda ng kanyang pagiging Hudyo, Kristiyano at Pagano)". [Isinalaysay ni Al-Bukhari] 

2- Sa Kaisipan: Ang lahat ng nilikhang ito, ang mga nauna at ang sumusunod pa rito, dapat lamang na may lumikha at gumawa nito, ni hindi maaaring magkaroon ang isang may buhay, na siya mismo ang lumikha sa kanyang sarili, at ito’y hindi rin maaari na bigla na lamang sumulpot. Ang mga ito ay hindi nilikha nang walang pinagmulan, at hindi rin sila ang lumikha sa kanilang mga sarili.

Ito ay pinatutunayan ng Quran, ang Allah ay nagsabi: "Sila ba ay nilikha mula sa kawalan, o sila ba ang tagapaglikha (ng kanilang sarili)?". [Qur'an 52:35] 

3- Sa Batas: At ng dahil sa ang lahat ng kasulatang pangkalangitan ay nagsasabi nito, at sa mga naihatid nito (mula sa mga wastong pananalig na naglilinis ng kalooban) at sa mga matuwid na alituntunin nito na sumasaklaw sa lahat ng ikabubuti ng nilalang. Ito’y nagpapatunay lamang na ang lahat ng mga ito ay nagmula sa nag-iisang Panginoon, na ganap sa paggawa at ang tanging nakakaalam sa ikabubuti ng Kanyang mga nilikha, at gayon din sa mga naihatid nito tungkol sa mga pangkalawakang balita na siya namang napatunayan sa kasalukuyang panahon, na ang lahat ng ito ay pawang katotohanan. Ito’y nagpapatunay lamang na nag-iisang Panginoong makapangyarihan ang tanging may kakayahang lumikha sa lahat ng Kanyang tinuran at ginusto.

 
4- At sa Pakiramdam: Ito ay may dalawang bahagi: 1- Katotohanan, tayong lahat ay nakakarinig at nakakasaksi sa mga katuparan ng kahilingan ng taong humihiling, at ng mga taong humihiling para sa ikagagaan ng kanilang paghihirap. Samakatuwid, ito’y isang patunay nang walang pag-aalinlangan sa pagkaroon ng Allah, at ito’y pinatunayan na ng Qur’an at ng Sunnah.

Gaya ng nakasaad sa Banal na Qur’an: "At si Nuh, tandaan nang siya ay manawagan noon, at siya ay Aming tinugunan...". [Qur'an 21: 76] 

At sa Sunnah, ito ay patungkol sa kuwento ng isang arabo, nang siya ay pumasok sa Masjid sa araw ng Biyernes, at kanyang hiniling sa Sugo ng Allah (saw) na humiling ito sa Allah ng ulan para sa kanila.

2- Ang mga tanda ng mga Propeta na tinatawag na Mu`jizat (kapangyarihan), ito ay tunay na nasaksihan na ng mga tao o narinig nila. Ito’y patunay lamang sa pagkaroon ng nagsugo sa kanila, na walang iba kundi ang Allah, sapagka’t ang lahat ng mga ito ay mga bagay na humihigit sa kakayahan ng tao, kaya ito ay mga himala mula sa Allah upang maging katibayan at gabay ng Kayang Sugo sa kanyang pagka-propeta, bagkus ito’y nakakatulong sa kanila.

Ang mga halimbawa nito: Si Musa (Moises), kanyang hinampas ang dagat, ito ay nahati at nagmistulang daanan. Si `Isa (Hesus), bumubuhay ng patay (sa kapahintulutan ng Allah). Si Muhammad (saw), itinuro niya ang buwan, at ito ay nahati ng dalawang bahagi.

Pangalawa- Ang paniniwala sa Kanyang pamamahala: Ang ibig sabihin nito: Siya lamang ang kaisa-isang Panginoon na namamahala, wala Siyang katambal at wala Siyang kasama na tumutulong sa Kanya (Tawheed ArRubuobiyyah).

Ang ibig sabihin ng Rab ay ang nagmamay-ari ng mga nilalang, kaharian at ng lahat ng bagay.

Ang Allah ay nagsabi:  "Katiyakang pagmamay-ari Niya ang lahat ng nilalang at ang pag-uutos...". [Qur'an 7:54] 

Pangatlo- Ang paniniwala sa Kanyang pagka-Diyos: Ang ibig sabihin nito: Siya lamang ang kaisa-isang tunay na Diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng lahat ng uri ng pagsamba, wala Siyang katambal (Tawheed AlUloohiyyah), at ang ibig sabihin ng “ilaah” ay ang tanging pag-uukulan ng pagmamahal at pagsamba.

Sinabi ng Allah: "At ang inyong Panginoon ay iisa, walang tunay na Diyos maliban sa Kanya, ang Mapagpala, ang Mahabagin". [Qur'an 2:163] 
 
Pang-apat- Ang paniniwala sa Kanyang mga Pangalan at Katangian: Ang ibig sabihin nito: Ang pagpapatunay sa mga pinatutunayan ng Allah sa Kanyang Sarili sa Qur’an, o sa Sunnah ng Kanyang Sugo (saw) tungkol sa mga pangalan at katangiang naaangkop lamang sa Kanya, ng walang pagpapalit ng kahulugan, walang pagtatanggi ng kahulugan, walang paglalarawan ng kahulugan, at walang paghahalintulad.

Sinabi ng Allah sa Banal na Qur’an: "At taglay ng Allah ang naggagandahang mga pangalan, kaya’t manalangin kayo sa Kanya sa pamamagitan ng mga ito". [Qur'an 7:180] 

At sinabi pa Niya: "Sa Kanya ay walang katulad na anupaman, at Siya ay ang Nakaririnig, ang Nakakakita". [Qur'an 42:11] 

Ang Paniniwala sa Allah ay Nagdudulot ng Magagandang Aral:

Ang ilan sa mga halimbawa nito ay ang mga sumusunod:

1- Napapatunayan dito ang Kaisahan ng Allah, dahil sa Kanya lamang naiuukol ang pagmamahal at takot, at naitatakwil ang lahat ng diyus-diyosan maliban sa Kanya.

2- Nagiging ganap ang pag-uukol ng pagmamahal at pag-samba sa Kanya, sa pamamagitan ng Kanyang magagandang Pangalan at matataas na Katangian.

3- Ang pagpapatunay sa pagsamba sa Kanya lamang, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Kanyang mga ipinag-uutos, at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal.

4- Ang kaligayahan dito sa mundo at sa kabilang buhay

 

Search Videos

Ang lahat po ng larawan na naitala o makikita dito ay kabahagi lamang ng mga ibat ibang programa o activities ng aming Islamic Dawah Center.

 

Go to top