Ang paniniwala sa mga Anghel ay ang wagas na paniniwala na ang Allah ay may mga Anghel at Kanyang nilikha sila mula sa liwanag at inatasan silang lahat ng gawain na dapat nilang gampanan at binigyan sila ng ganap na kapangyarihan at kakayahan para sumunod sa Kanyang ipinag-uutos at isakatuparan ito. Sila ay nasa isang daigdig na lingid, mga nilalang, sumasamba sa Allah, wala silang taglay na anumang mga katangian ng pagka-panginoon at pagka-diyos.
Ang Allah ay nagsabi sa Quran:
{At pagmamay-ari Niya ang sinumang nasa mga kalangitan at sa kalupaan. At ang sinumang (mga Anghel) naroroon sa Kanya ay hindi nagmamalaki sa pagsamba sa Kanya, at hindi naiinip o napapagod, sila ay nagpupuri sa gabi’t araw, ni hindi sila nanghihina (sa kanilang ginagawa)}. [Qur’an 21:19-20]
Sadyang napakarami ng bilang nila, walang nakakaalam nito maliban sa Allah, at tunay na napagtanto sa Sahihain (Al-Bukhari at Muslim) batay sa Hadith na naiulat ni Anas (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah) tungkol sa kuwentong “Al mi`raj”, na sa oras na yaon ay ipinagbigay alam sa Propeta (saw) ang tungkol sa Al-Baytul Ma’moor na nasa langit, na sa bawat araw ay nagsasalah doon ang pitumpong libo na mga Anghel, na kapag sila’y lumabas mula roon , hindi na sila bumabalik.
Ang Paniniwala sa Mga Anghel ay Binubuo ng Apat na Sangkap:
1. Ang paniniwala sa pagkaroon nila.
2. Ang paniniwala sa sinumang nalaman natin ang kanyang pangalan sa kanila: katulad ni Jibril atbp., at sa kanila naman na hindi natin nalaman ang kanilang pangalan, atin pa rin silang paniwalaan sa pangkalahatang pananaw.
3. Ang paniniwala sa anumang nalaman natin sa kanilang mga kaanyuhan: tulad ng anyo ni Jibril, tunay na ipinahayag ng Propeta (saw) na kanya itong nakita sa tunay na anyo ng pagkakalikha sa kanya, at mayroon siyang anim na daan na pakpak, na halos natabingan nito ang buong himpapawid. Kung minsan ay nagpapalit ng anyo ang anghel sa kapahintulutan ng Allah sa anyong lalaki, katulad ng nangyari kay Jibril nang ipadala siya ng Allah para pumunta kay Maryam at siya ay nagsa-anyo sa harap niya ng isang ganap na tao, at gayon din nang dumating siya sa Propeta (saw), habang siya ay nakaupo kasama ng kanyang mga kasamahan, siya ay nagsa-anyo ng isang lalaki. (Isinalaysay ni Muslim) At gayon din naman ang mga anghel na ipinadala ng Allah kay Ibrahim at Lut, sila’y nagsaanyong mga lalaki.
4. Ang paniniwala sa anumang nalaman natin sa kanilang mga gawain, na isinasakatuparan nila ayon sa pag-uutos ng Allah, katulad halimbawa ng pagluwalhati sa Kanya, at pagsamba sa Kanya sa gabi’t araw nang walang pagyayamot, ni panghihina dulot ng Maaaring ang iba sa kanila ay may partikular na mga gawain, katulad halimbawa ni Jibril, siya ang pinagkatiwalaan sa Kapahayagan ng Allah, sa kanya ipinapadala ito para sa mga Propeta at Sugo, at si Mikail naman, ang naatasan sa ulan at mga pananim, at si Israfil ang naatasan sa pag-ihip ng tambuli, kung kailan dumating ang takdang oras ng paghuhukom at pagbangonmuli ng nilalang, at si Malakal Maut ang inatasan sa paghugot ng mga kaluluwa sa takdang oras ng kamatayan, at si Malik ang inatasan sa Impiyerno, at siya ang tagapagbantay sa Apoy ng Impiyerno.
At tulad ng iba pang mga Anghel na inatasang namamahala sa mga batang nasa mga sinapupunan, na kapag sinapit ng tao ang apat na buwan sa loob ng tiyan ng kanyang ina, magpapadala ang Allah ng anghel sa kanya, at Kanyang ipag-uutos dito na isulat ang panustus nito, ang takda ng buhay nito, ang gawain nito, at kung ito ay magiging masama o mabuting tao, gayundin ang mga anghel na inatasan sa pangangalaga ng mga inapo ni Adam, at ang mga anghel na inatasang namamahala sa mga gawain ng inapo ni Adam, at ang pagsulat dito sa bawat tao sa pamamagitan ng dalawang anghel, ang isa sa kanila ay nasa bandang kanan at ang ikalawa ay nasa kaliwa, at ang mga Anghel na inatasan sa pagtatanong sa patay, na kapag nailagay na ito sa kanyang libingan, darating sa kanya ang dalawang anghel na sila, Munkar at Nakir na magtatanong sa kanya tungkol sa kanyang Panginoon, sa kanyang relihiyon at propeta.
Ang Paniniwala sa Mga Anghel ay Nagdudulot ng Magagandang Aral:
Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
1. Ang kaalaman sa kadakilaan ng Allah, sa kanyang lakas at kapangyarihan, sapagkat ang pagkadakila ng mga nilalang ay nagtuturo sa kadakilaan ng Tagapaglikha.
2. Ang pagpapasalamat sa Allah sa pangangalaga Niya sa mga inapo ni Adam,dahil ang iba sa mga anghel na iyon ay itinalaga para pangalagaan sila, at isulat ang kanilang mga gawain at iba pa roon, para sa kanilang kapakanan.
3. Ang pagmamahal sa mga anghel sa mga ginagampanan nilang mga tungkuling pagsamba sa Allah. Datapuwa’t tumanggi ang ilan sa lipon ng mga Zaigun (mga naliligaw ng landas) sa pagkakaroon ng mga anghel na may mga sariling katawan, at ang sinasabi nila: Sila’y kathang isip lamang na sumasangguni sa mga mabubuting gawain ng mga nilalang. Ito ay isang pagpapasinungaling sa Aklat ng Allah at sa Sunnah ng Kanyang Sugo (saw) at sa napagka-isahan ng mga Muslim.
Ang Allah ay nagsabi:
{Ang lahat ng papuri at pasasalamat ay sa Allah (lamang), ang Tagapaglikha ng mga kalangitan at kalupaan, ang Nagtakda sa mga anghel bilang mga sugo, na may kanya-kanyang mga pakpak, dalawa, tatlo o apat}. [Qur’an 35:1]
Ayon sa Sahih Al-Bukhari, na iniulat ni Abu Hurairah (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah): “Ang Propeta (saw) ay nagsabi: [Kapag nagustuhan ng Allah ang isang lingkod, Kanyang tinatawag si Jibril at sinasabi sa kanya: {Katotohanan, ang Allah ay nagagalak kay ginoo kaya dapat mo siyang kagalakan, kaya kanyang kagalakan ito}. Pagkatapos ay mananawagan Siya sa mga naroroon sa kalangitan: {Katotohanan, ang Allah ay nagagalak kay ginoo, kaya’t dapat ninyong kagalakan siya, at kanilang kagalakan ito}. Pagkatapos ay iparating sa kalupaan ang kanyang tagumpay]”.
At kanya pang iniulat, ang Propeta (saw) ay nagsabi: “[Kapag araw ng Biyernes, ang bawat pintuan ng Masjid ay may mga anghel na isinusulat ang bawat pumapasok nang magkasunodsunod, at kapag nakaupo na ang Imam, sila ay makikihanay na rin, at makikinig ng talumpati]”.
Ang mga talata na ito ay maliwanag na nagpapatotoo na ang mga anghel ay may sariling katawan, at hindi kathang isip lamang, gaya ng sinasabi ng mga taong nawawala sa tamang landas, sa pamamagitan ng patunay at pahayag ng mga talatang ito, ang mga Muslim ay nagkaisa tungkol dito.