Mga Hadith Tungkol Sa Kaalaman Sa Pananampalataya
Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi:
"Sinumang tumahak sa landas ng kaalaman, gagawin ng Allah na magaan sa kanya ang landas patungo sa Paraiso." (Muslim)
Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi:
"Iginagawad ng Allah ang kaalaman sa pananampalataya (Islam) sa kaninumang nais Niyang bigyan ng kabutihan." (Bukhari at Muslim)
Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi:
"Ang paghahanap ng kaalaman ay isang tungkuling iniatas sa bawa't Muslim." (Ibn Majah)
Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi:
"Dalawang bagay ang hindi matatagpuan sa isang mapagkunwari: kagandahang‑asal at kaalaman sa kanyang pananampalataya." (Tirmidhi)
Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi:
"Ang isang nananampalataya ay hindi tumitigil sa paghahanap ng kaalaman hanggang sa siya ay makapasok sa Paraiso." (Tirmidhi)
Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi:
"May dalawang tao lamang na dapat kainggitan; una, ang taong binigyan ng Allah ng yamang ginugugol sa kabutihan; at pangalawa, ang taong ginawaran ng Allah ng kaalaman (sa Islam) na ginagamit na saligan sa paghatol at pagtuturo." (Bukhari at Muslim)
Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi:
"Ang halimbawa ng patnubay at kaalaman na iginawad sa akin ng Allah (at ipinadala para sa inyong kaliwanagan) ay katulad ng ulang dumapo sa lupa, may bahagi nito na mabuti at mataba na kung saan ang tuyong damo ay nagiging luntian at maraming bagong damuhang tumutubo; may bahagi nito na tuyo at nagtitipon ng tubig at ginawa ng Allah na kapakipakinabang sa tao - umiinom mula rito, at ginagamit sa pagpapaunlad (ng bukirin). Ang ulan ding ito ay dumadapo sa isang pirasong lupa na malawak na kapatagan na kung saan ang ulan ay hindi namamalagi, ni hindi makatulong sa pagtubo ng damo. (Ang unang halimbawa ay) Katulad ng mga taong nauunawaan ang kaalaman sa pananampalatayang ipinahayag ng Allah (para sa tao) sa pamamagitan ko, at sila'y nakinabang mula rito, gayundin may natuto nito at itinuro sa iba. (Ang pangalawang halimbawa ay) Katulad ng mga taong hindi iniangat ang ulo upang matuto, at hindi tumanggap sa patnubay ng Allah na ipinadala para sa kanila sa pamamagitan ko. (Bukhari at Muslim)
Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi:
"Hindi binabawi ng Allah ang kaalaman sa pamamagitan ng pag-aalis nito sa tao, bagkus nawawala ito sa pagkamatay ng mga maaalam na tao hanggang wala nang matira sa kanila. Pipiliin ng mga tao bilang kanilang mga pinuno ang mga mangmang na nagbibigay Fatawas (hatol at pasiya) nang walang kaalaman (sa pananampalataya). Kaya't sila mismo ay maliligaw at kanilang aakayin ang tao sa pagkaligaw." (Bukhari)
Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi:
"Iparating sa iba mula sa akin maging ito ay isang talata lamang; at walang masama kung inyong isalaysay ang mga pangyayari sa kasaysayan ng mga angkan ng Israel. Subali't sinumang kusang magsabi ng mga bagay tungkol sa akin na hindi naman totoo, matatagpuan niya ang kanyang kasasadlakan sa Impiyerno. (Bukhari)
Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi:
"Sinumang lumabas (mula sa kanyang tahanan) upang maghanap ng kaalaman ay nasa landas ng Allah at siya'y mananatili sa landas na ito hanggang sa siya ay bumalik." (Tirmidhi)
Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi:
"Kabilang sa mga tanda ng Oras (Araw ng Paghuhukom) ay ang paglisan ng kaalaman (sa pagyao ng mga maaalam sa pananampalataya), ang kamangmangan (hinggil sa pananampalataya) ang siyang iiral, ang pag-inom ng nakalalasing (ay magiging karaniwan), at ang lantarang pangangalunya ay magiging laganap.“ (Bukhari)