Mga Bagay na Dapat Malaman ng Muslim


Bago natin tuluyang talakayin ang mga katanungan sa tao sa kanyang libingan at sa Araw ng Paghuhukom, may mga bagay na dapat malaman at panindigan ng bawa’t Muslim. Ito ang sumusunod:

1. Kaalaman

Nauukol ito sa kaalaman sa Islam na siyang mag-aakay sa tao upang maisakatuparan ang kanyang minimithi. Ito ang mga bagay na nanggaling sa Allah sa pamamagitan ng mga salita ng Kanyang Sugo. Ang Allah ay nagsabi:

Kaya’t dapat malaman na walang tunay na diyos na dapat sambahin maliban sa Allah, at humingi ng kapatawaran sa inyong mga kasalanan. [Qur’an, Kabanata Muhammad – 47:19]

 Makakamtan ang kaalaman sa masusing pag-aaral. Silang nagsipag-aral ng Islam ay naging maalam. At sa pamamagitan ng pag-aaral, naging mga tagapagmana sila ng mga Propeta. Hindi nagpamana ang mga Propeta ng kayamanan o ari-arian, bagkus ng kaalaman. Magkakaroon ng ibayong yaman ang sinu-mang magkakamit nito

Si Propeta Muhammad ay nagsabi: Gagawing magaan ng Allah ang landas patungo sa Paraiso sa sinumang tumahak sa landas ng kaalaman . [Sahih Al-Bukhari #243]

Ang Allah, ang Kataas-taasan ay nagsabi: Yaon lamang may kaalaman mula sa Kanyang mga alipin ang may takot sa Allah. [Qur’an, Kabanata Fatir-35:28]

Subali’t walang makauunawa ng kanilang kahulugan maliban sa yaong may kaalaman. [Qur’an, Kabanata Al-Ankabut-29:43]

At sila (mga di-nananampalataya) ay magsasabi: Kung nakinig lamang kami at ginamit ang aming katalinuhan, hindi sana kami napabilang sa mga nananahanan sa Naglalagablab na Apoy. [Qur’an, Kabanata Al-Mulk- 67:10]

Sabihin: Magkatulad ba ang mga maalam sa mga mangmang? [Qur’an, Kabanata Az-Zumar-39:9]

Si Propeta Muhammad ay nagsabi:

Kapag ninais ng Allah ang mabuti sa isang tao, bibigyan Niya ito ng pang-unawa (kaalaman) sa pananampalataya (Islam). [SahihAl-Bukhari #1/25]

Si Abu Thar (kalugdan nawa siya ng Allah) ay nagsabi:

Kung itatarak mo ang espada dito (itinuro ang kanyang likod) at naisip kong isagawa ang isang salitang aking natutunan mula sa Propeta bago mo ako patayin, gagawin ko ito. [Sahih Al-Bukhari #1/25]

Isang gawaing pagsamba sa Allah - ang Makapangyarihan ang paghahanap ng kaalaman sa dahilang ang kaalaman ang siyang pundasyon upang makilala ang Allah, ang Kanyang Deen (pananampalataya o panuntunan ng buhay), at ang Kanyang Sugo.

Ipinakita ni Propeta Muhammad ang kahalagahan ng kaalaman nang nagsabi siya mula sa isang Hadith [1] na isinalaysay ni Abu Addarda (kalugdan nawa siya ng Allah):

Sinumang maglakbay tungo sa paghahanap ng kaalaman, gagawin ng Allah na siya’y maglalakbay sa isa sa mga landas patungo sa Jannah (Paraiso). Ibababa ng mga Anghel ang kanilang mga pakpak dahil sa kasiyahan sa sinumang naghahanap ng kaalaman. Ang mga nananahanan sa kalangitan at sa mundo at sa dagat ay hihingi sa Allah ng kapatawaran para sa kanya. Ang kahigtan ng isang maalam na nananampalataya sa isang (mangmang na) nananampalataya ay katulad ng buwan sa gabi na nasa kabilugan at (ihahambing ito) sa ibang mga bituin. [Addarami 1/43]

Si Abu Hurairah (kalugdan nawa siya ng Allah) ay nagsalaysay na ang Propeta ay nagsabi:

Walang sinumang maglalakbay tungo sa landas ng kaalaman na hindi pagagaanin ng Allah para sa kanya ang landas patungo sa Jannah (Paraiso). [Addarami 1/83]

Sa isa pang Hadith na isinalaysay ni Abu Hurairah (kalugdan nawa siya ng Allah):

Narinig ko ang Propeta na nagsabi: Isinumpa ang buhay na ito, at ang lahat ng nasa loob nito maliban sa (mga sumusunod): paggunita sa Allah, ang anu-mang malapit sa Allah, ang maalam, at ang mga naghahanap ng kaalaman. [Ibn Majah 2/1377 H4112]

2. Mga Kilos at Gawa

Pagkaraang malaman ang kahalagahan ng kaalaman at ang tungkulin upang makamit ito, nararapat ding malaman na ang tanging layunin ng kaalaman ay upang tupdin ito sa kilos at gawa. Anumang kaalaman na walang kaakibat na pagsagawa ay magkakaroon ng di-magandang bunga sa mga nagtataglay nito. Ang Allah, ang Makapangyarihan ay nagsabi:

O kayong nananampalataya! Bakit ninyo sinasabi ang hindi naman ninyo ginagawa? Ang pagsasabi ng mga bagay na hindi naman isinasagawa ang kasuklam-suklam sa paningin ng Allah. [Qur’an, Kabanata As-Saff-61:2-3]

Karagdagan nito, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagsagawa ng kaalaman nang nagsabi si Propeta Muhammad ayon sa salaysay ni Abu Hurairah (kalugdan nawa siya ng Allah):

Isa sa mga panalangin ni Propeta Muhammad ay: O Allah, nagpapakupkop ako sa Iyo laban sa kaalaman na walang kabuluhan, laban sa panawagan na hindi dinidinig, laban sa pusong walang pagpapakumbaba, at laban sa kaluluwang hindi kailanman nagkaroon ng kasiyahan. [Ibn Majah 1/92 H250]

Gayundin, si Abu Hurairah (kalugdan nawa siya ng Allah) ay nagsabi:

Ang Propeta ay lagi nang nagsasabi: O Allah, bigyang-saysay ang anumang itinuro sa akin, at ituro sa akin kung anuman ang makapagbibigay kabuluhan sa akin, at dagdagan ang aking kaalaman. [Ibn Majah 1/92 H251]

Sa isa pang Hadith na isinalaysay ni Abu Hurairah (kalugdan nawa siya ng Allah), ang Propeta ay nagsabi:

Ang kaalamang hindi nagbibigay bunga kaninuman ay kahalintulad ng isang kayamanan na hindi ginugugol sa landas ng Allah. [Al-Imam Ahmad 2/499]

Isinalaysay ni Suffyan Ibn Oyainah (kalugdan nawa siya ng Allah) ang isang Hadith ni Propeta Muhammad kung saan siya ay nagsabi:

Ang pinakamangmang sa tao ay yaong iniiwan ang kanyang nalalaman, at ang pinakamaalam sa tao ay yaong isinasagawa ang nalalaman, at ang pinaka-mahusay sa tao ay yaong pinakamapagpakumbaba sa Allah. [Addarami 1/82 H337]

3. Pagpapalaganap o Da’wah

Bahagi ng pagsagawa ang pagtawag at pag-anyaya sa tao tungo sa Allah, sapagka’t nararapat mag-anyaya sa tao tungo sa Islam ang sinumang may kaalaman sa pamamagitan ng pagpapaliwanag nito sa kanila.

Tungkulin ng sambayanang Muslim ang Da’wah (pag-aanyaya sa tao tungo sa Islam) sapagka’t may nakalaan itong napakalaking gantimpala. Ang Allah, ang Kataas-taasan ay nagsabi:

O Sugo! Ipahayag kung ano ang ipinadala sa iyo mula sa iyong Rabb [2] (Panginoon). Kung hindi mo ito naisagawa, magkagayo’y hindi mo naiparating ang Kanyang Mensahe (Kapahayagan). [Qur’an, Kabanata Al-Ma’idah-5:67]

At sino pa ba ang higit na mahusay sa pananalita kaysa sa isang nag-aanyaya tungo sa Allah, guma-gawa ng mabuti at nagsasabing isa ako sa mga Muslim (sumusunod sa kalooban ng Allah). [Qur’an, Kabanata Fussilat-41:33]

4. Pagtitiis at Pagtitimpi

Pagkaraang maunawaan ang mga naturang paksa, dapat isaisip na ang paghahanap ng kaalaman, pagsagawa ayon dito, at ang pag-anyaya sa tao tungo sa Allah ay nangangailangan lahat ng pagtitiis. Maraming mga katibayan ang nagpapatunay sa kahalagahan ng pagtitiis at ang pagsagawa nito. Ang Allah, ang Kataas-taasan ay nagsabi:

O kayong nananampalataya! Maging matatag at magkaroon ng higit na pagtitiis. [Qur’an, Kabanata Al-‘Imran-3:200]

O kayong nananampalataya! Hanapin ang tulong nang may pagtitiis at pagdarasal. Katotohanan, kasama ng Allah ang mga matiisin. [Qur’an, Kabanata Al-Baqarah-2:153]

Ang mga matiisin lamang ang makatatanggap ng kanilang biyayang ganap nang walang pagtutuos. [Qur’an, Kabanata Az-Zumar-39:10]

Ang Propeta ay nagsabi na pagbibigay tanglaw ang pagtitiis. [Sahih Muslim 1/203 H223]

Ang lahat ng naunang nabanggit ay pinag-isa sa Surah (kabanata) Al Asr. Ang Allah ay nagsabi:

(Pinatutunayan Ko) Sa (pamamagitan ng) panahon, katotohanan ang tao ay nasa kawalan (at pagkapa-hamak) maliban sa mga nananampalataya at guma-gawa ng matuwid at nagpapayuhan ng katotohanan at nagpapayuhan ng pagtitiis. [Qur’an, Kabanata Al-‘Asr- 103:1-3]

Sa naturang kabanata, binigyang linaw sa atin ng ating Kataas-taasang Lumikha na ang sangkatauhan ay tiyak na mapapaligaw ng landas at magiging talunan maliban sa apat na katangian:

1. Ang paniniwala na ang Allah ang tanging Rabb (Panginoon) ng sangkatauhan, at tanging Siya ang dapat sambahin.

2. Ang paniniwala na dapat itong nakasalalay sa kaalaman kaakibat ng pagsasagawa ng mabuti ayon sa mga katibayan mula sa Shari’ah (mga batas ng Islam), na ipinahayag ng Allah sa tao sa pamamagitan ng isa sa Kanyang mga Sugo na si Propeta Muhammad .

Ang mag-anyaya sa tao tungo sa paniniwalang ito at ipag-utos ang paggawa ng mabuti nang may tamang kaalaman, pang-unawa at karunungan (wisdom), paggabay sa kanila sa Islam, at ang pagpasiya sa sarili na maging matuwid.

Ang pagtitiis sa pakikipag-ugnayan sa kanila sa lahat ng mga naturang bagay.

 

Ang mga Katanungan sa Tao sa Kanyang Libingan

Upang maiwasan ang napakalaking kawalan at matamo ang walang hanggang kaligayahan, nararapat na malaman kung ano ang mga bagay na itatanong sa pagyao natin sa mundong ito tungo sa ating huling hantungan. Tatanungin tayo tungkol sa sumusunod:

Sino ang iyong Rabb? Ang katanungan tungkol sa Rabb (Panginoon) na Siyang tunay na Diyos na dapat pag-ukulan ng pagsamba.

Ano ang iyong Deen? Ang katanungan tungkol sa Deen (Pananampalataya o panuntunan ng buhay) na siyang paniniwalang ipinag-uutos na dapat gampanan sa buhay na ito.

Sino ang iyong Propeta? Ang katanungan tungkol sa Propeta na isinugo at kung tumugon ba tayo o hindi sa kanyang panawagan tungo sa Islam.


[1] Hadith: Mga winika, gawa, pinahintulutan at ipinagbawal ni Propeta Muhammad

[2] Tinatawag natin ang Allah bilang Rabb, na ang kahulugan ay Tagapaglikha, Tagapanustos at Panginoon. Siya ang tanging Diyos ng lahat ng nilikha. Ang lahat ay umaasa sa Kanya. Siya ay may kasapatan at Siya ay walang kailangan sa Kanyang mga nilikha. Siya ang nagbibigay buhay at bumabawi nito. Siya ang nagpadala ng mga Sugo at Propeta sa daigdig upang ituro sa tao kung sino Siya at kung papaano Siya sambahin.

Source: Khalid Evaristo, ISCAG - Philippines

 

Search Videos

Ang lahat po ng larawan na naitala o makikita dito ay kabahagi lamang ng mga ibat ibang programa o activities ng aming Islamic Dawah Center.

 

Go to top