SALATOL ISTISQAA
Salatol-Istisqa – Ito ang natatanging paraan ng paghiling kay Allah ng ulan sa panahon ng tagtuyot o matinding pangangailangan ng tubig. Katotohanan, walang nagpapainom at nagpapaulan sa mga nilikha maliban lamang kay Allah.
Ang pamamaraan ng pagsasagawa nito ay katulad ng pamamaraan ng pagsasagawa ng salatol-‘eid.(1) Mainam din namang humiling ng ulan kay Allah habang nakapatirapa sa salah at nakatayo sa minbar sa araw ng Jumu’ah. Ito ay isa sa mga pamamaraan ni Propeta Muhammad ﷺ sa paghiling niya ng ulan.(2) Sa paghiling ng ulan, dapat maging mapagkumbaba, matatakutin kay Allah, at puno ng pagsisisi ang puso mula sa mga kasalanan. Katotohanan! Ang pagkakaantala ng mga biyaya ni Allah ay sanhi ng mga kasalanan.(3) Kung kaya’t mas mainam na ang maging paksa ng imam sa kanyang khutbah ay hinggil sa tawbah (pagbabalik-loob kay Allah), pagpaparami ng sadaqah at pag-iwan sa mga gawaing ipinagbabawal ni Allah.
Mga Kanais-nais na Gawain sa Pagsasagawa ng Salatol-Istisqa
- Isang khutbah lamang pagkatapos ng dalawang rak’ah na salah.
- Pagpaparami ng panalangin sa paghiling kay Allah ng ulan, "اللهم أغثنا"[Allahumma aghithnaa (O Allah! paulanan Mo po kami.)].(4)
- Itaas ang mga kamay at bigkasin ang panalangin: "اللهم أنت الله لا إله إلا أنت، أنت الغني ونحن الفقراء، أنزل علينا الغيث، واجعل ما أنزلت لنا قوة وبلاغا إلى حين" [Allahumma antallahu laa ilaha illa ant, antal-ghaniy wa nahnul-fuqara, anzil ‘alaynal-ghayth, waj’al ma anzalta lana quwwatan wa balaaghan ilaa heen.(5) (O Allah! Ikaw si Allah, walang diyos maliban lamang sa Iyo. Ikaw ang Pinakamayaman sa lahat at kami ang mga alipin Mong dukha. Ibuhos Mo sa amin ang ulan at gawin Mo itong lakas at tanda (kapakipakinabang) para sa amin sa bawat sandali.)].
- Pagpaparami ng Istighfar.(6)
- Pagpaparami ng pagsalawat kay Propeta Muhammad ﷺ.
____________________
(1) Inulat ni An-Nasai (Hadeeth 1521), at At-Tirmidhi (Hadeeth 558)
(2) Inulat ni Al-Bukhari (Hadeeth 933), at Muslim (Hadeeth 897)
(3) Inulat ni At-Tirmidhi (Hadeeth 458), at Ibn Majah (Hadeeth 1277)
(4) Inulat ni Al-Bukhari (Hadeeth 1014), at Muslim (Hadeeth 897)
(5) Inulat ni Abu Dawud (Hadeeth 1173), ayon kay Sheikh Al-Bani ang Hadeeth na ito ay hasan.
(6) Istighfar: Paghiling ng kapatawaran kay Allah
- Pagbaliktad sa balabal, ang sa kanan ay ilalagay sa kaliwang bahagi at ang kaliwa sa kanang bahagi. Ito ay pagpapakita ng pag-asa na babaliktarin o papalitan ni Allah ang sitwasyon tungo sa mabuting kalagayan.
- Paglabas ng lahat ng Muslim mula sa kani-kanilang tahanan, kabilang ang mga bata at kababaihan, tungo sa salatol-istisqa.
- Maging mapagkumbaba, matatakutin kay Allah, at puno ng pagsisisi mula sa mga kasalanan habang patungo sa salah.
- Manatili sa kinaroroonan hanggang mabasa sa unang buhos ng ulan at bigkasin ang "اللهم صيِّباً نافعاً", [Allahumma sayyiban naafi’an (O Allah! Gawin Mo po ang buhos ng ulan na ito na kapakipakinabang sa amin.)]. "مطرنا بفضل الله ورحمته", [Mutirnaa bifadhlillahi wa rahmatih (Bumuhos sa atin ang ulan sa kabutihang-loob at habag ni Allah)].