ANG KAHALAGAHAN NG KAALAMAN
Ang Allah ay nagsabi sa banal na Qur’an: [ يرفع الله الذين ءامنوا منكم والذين اوتو الكتاب درجات ]
{Itataas ng Allah yaong mga sumampalataya sa inyo at yaong mga pinagkalooban ng kaalaman sa matataas na mga antas}. Al-Mujadalah (58):11
At sinabi pa Niya: وقل ربي زدني علما َ]
{At sabihin mo (O Muhammad e): Panginoon ko dagdagan Mo ako ng kaalaman}. Taha (20):114
وعن ابي هريرة رضي الله عنه قال قال رسول الله صلي الله عليه وسلم " ومن سلك طريقا يلتمس فيه علما سهل الله به طريقا الي الجنة " رواه مسلم
Si Abu Hurairah (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah) ay nag-ulat, kanyang sinabi: “Ang Sugo ng Allah (e) ay nagsabi: [At sinuman ang tumahak sa isang landas nang naghahanap rito ng kaalaman, pagagaanin ng Allah sa kanya sa pamamagitan nito ang isang daan patungo sa Paraiso]”. Isinalaysay ni Muslim
ANG MGA PINAGKUKUNAN NG BATAS NG ISLAM
- Quran (ang banal na Aklat ng Allah).
- Sunnah (ang salawikain, gawain, katangian at kapahintulutan ni Propeta Muhammad e).
- Ijma (ang napagkaisahan ng mga mabubuting sinaunang ninuno).
Pumapasok din rito ang isa pang mapananaligang pinagkukunan ng batas sa Islam: ang Qiyas (paghahambing sa kahatulan ng dalawang bagay).
ANG MGA HALIGI NG ISLAM
Ang kahulugan ng Islam:
Ito ay ang pagsuko sa Allah (ang tunay na diyos, ang karapat-dapat sambahin lamang) at ang pagtalima sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal.
Ang limang haligi ng Islam:
- Ang Shahadah (pagsasaksi at pagpapatunay na walang ibang diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allah, at si Muhammad ay Sugo ng Allah).
- Ang Salah (pagsasagawa ng pagdarasal).
- Ang Zakah (pamamahagi ng katungkulang kawanggawa).
- Ang Siyam (pag-aayuno sa buwan ng Ramadan).
- Ang Hajj (pagsasagawa ng Hajj sa sagradong Tahanan ng Allah, ang Ka`bah).