Ang Paglalarawan Kay Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang  kapayapaan )

Si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan ) ay isinilang sa Makkah,Saudia  Arabia, sa araw ng Lunes, ika-12 ng buwang Rabi’ Al-Awwal (2 Augosto A.D. 570). Ang kanyang ina, si Aminah, ay anak na babae ni Wahb bin Abdu Manaf na nagmula sa angkan ng Zahrah. Ang kanyang ama, si Abdullah, ay anak ni Abdul Muttalib. Ang kanyang angkan ay mula sa lahi ni Propeta Ismail (Ismail), ang anak na lalaki ni Propeta Ibrahim (Abraham) sa ikaapatnapung salinlahi. Ang ama ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan ) ay namatay bago pa man siya isinilang. Bago sumapit ang ika-anim na taong gulang, ang kanyang ina ay namatay, at siya ay kinupkop ng kanyang lolong si Abdul Muttalib at siya ay inalagaan nang buong pagmamahal. Nguni’t, pagkaraan lamang ng dalawang taon, ang kanyang lolo ay yumao. Sa huling sandali, si Abdul Muttalib ay naghabilin sa kanyang anak na lalaking si Abu Talib upang ipagpatuloy ang pangangalaga kay Muhammad (Sumakanya nawa ang kapaya paan )

ANG KANYANG KAMUSMUSAN 

Karaniwang kaugalian ng mga Arabong naninirahan sa mga kabayanan na ang kanilang mga anak ay ipinadadala sa disyerto at ipinaaalaga (at ipinapasuso) sa mga babaing bedouin upang sila (mga bata) ay lumaki sa isang malaya at malusog na kapaligiran ng disyerto na kung saan sila ay lumalaking mayroong matibay na pangangatawan at natututong magsalita ng purong wika at mga kabutihang asal ng mga bedouin, na kilala (at bantog) sa kalinisan ng kanilang wika at malayo mula sa mga bisyo na karaniwang nakukuha sa isang lipunan na ang mga mamamayan nito ay palagian nakaupo lamang (at walang ginagawa).

Hindi naglaon, ang sanggol [na si Muhammad (Sumakanya nawa ang kapayapaan ) ay ipinagkatiwala kay Halimah bint Abu Dhuaib, isang tagapag-alaga na nagmula sa tribu ng Bani Saad bin Bakr. Ang kanyang asawa ay si Al-Harith bin Abdul Uzza na kilala sa tawag na Abu Kabshah, na nagmula rin sa naturang tribu. Si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan ) ay mayroong mga kinakapatid (o kapatid sa suso) sina, Abdullah bin Al-Harith, Anisah bint Al-Harith, Hudhafah o Judhamah bint Al-Harith (kilala sa tawag na Ash-Shaima’), at palagi niyang inaalagaan ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan ) at si Abu Sufyan bin Al-Harith bin Abdul Muttalib, ang pinsan ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan ). Si Hamzah bin Abdul Muttalib, ang amain ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan ), ay pinasuso rin ng dalawang tagapag-alagang sina Thuyeba at Halimah As-Sa`diyah, na siya rin nagpasuso sa panahon ng pagiging sanggol ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan ). Ang mga kasaysayan ay kaaya-ayang iniulat kung paano si Halimah at ang kanyang buong mag-anak ay pinagkalooban ng sunud-sunod na mabubuting biyaya habang ang batang si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan ) ay nasa kanyang pangangalaga. Ayon kay Ibn Ishaq, isinalaysay ni Halimah na siya, kabilang ang kanyang asawa ay naglakbay kasama ng ilang mga kababaihan ng kanyang tribu upang maghanap ng mga batang pasususuhin. Siya ay nagsabi: “Panahon noon ng tagtuyot (walang ulan) at taggutom, at kami ay walang anumang makain. Ako ay sumakay sa babaing asno na kulay kayumanggi. Mayroon din kaming isang matandang kamelyo. Subali’t (sumpa man sa Allah), kami ay makakuha kahit man lang isang patak ng gatas. Hindi namin makuhang matulog sa gabi sapagkat ang aming alagang bata ay patuloy sa pag-iyak dahil sa gutom. Wala namang makuhang sapat na gatas sa aking dibdib at kahit na ang babaing kamelyo ay walang anupamang maipainom sa kanya. Kami ay lagi nang nagdarasal para sa ulan at para sa madaliang kaginhawahan. At pagkaraan ng mahabang paglalakbay, kami ay nakarating sa Makkah sa paghahanap ng mga batang pasususuhin. Walang isa mang babaing kabilang sa amin ang nais kumuha sa Sugo ng Allah (sumakanya nawa ang kapayapaan ). Sa oras na sabihin sa kanila na siya (Muhammad sumakanya nawa ang kapyayapaan ) ay ulila, siya ay kanilang tinatanggihan. Nakatuon ang aming mga mata para sa gantimpala na maaari naming makuha mula sa ama ng bata. Isang ulila! Ano kaya ang maaaring gawin ng kanyang mga lolo at lola? Kaya, siya ay aming tinanggihan dahil sa ganun. Bawa’t babae na lumapit sa akin ay nakakuha ng batang pasususuhin, kaya nang kami ay paalis na, sinabi ko sa aking asawa. “(Sa ngalan ng) Allah, ayaw kong bumalik na kasama ng mga babae na wala man lang akong dala kahit isa mang batang pasusuhin, (Naisip ko na) dapat kong balikan ang batang ulilang iyon at siya ay aking kukunin.” Siya (ang aking asawa ) ay nagsabi, “Wala namang masama kung gawin mo iyon at maaaring pagpalain ka ng Allah sa pamamagitan niya (ng batang si Muhammad sumakanya nawa ang kapayapaan ).” Kaya aking binalikan (ang sanggol na si Muhammad sumakanya nawa ang kapayapaan) at siya ay aking kinuha, sapagka’t wala naman iba pang mapagpipilian kundi ang kuhanin siya. Nang siya (ang bata) ay aking inilagay sa aking mga bisig, siya ay aking pinasuso habang kami ay pabalik sa aming lugar (sa disyerto), at sa aking pagkamangha, naramdaman ko na ako ay nagkaroon ng sapat na gatas. Siya (ang bata) ay sumuso nang buong kasiyahan at maging ang kanyang mga kapatid sa suso, at pagkaraan ay kapwa natulog nang mahimbing bagaman noong nagdaang gabi, ang aking (tunay na) anak ay hindi nakatulog sanhi ng gutom. Pagkaraan, ang aking asawa ay nagtungo sa aming babaing kamelyo upang gatasan ito, at sa kanyang pagkamangha, ito ay kanyang natagpuang sagana sa gatas. Kami ay uminom nang buong kasiyahan at nakatulog nang mahimbing sa buong gabi. Kinabukasan, ang aking asawa ay nagsabi: “Sa (ngalan ng) Allah, dapat mong maunawaan, O Halimah, na ikaw ay nakakuha ng isang pinagpalang bata.” At ako ay sumagot naman: “Ako ay tunay na umaasa sa pagpapala ng Allah.” Ang salaysay ay tahasang nagbigay-linaw na ang paglalakbay pabalik ni Halimah at ang kasunod na kalagayan ng kanilang buhay hanggang ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan ) ay nanatili sa kanya ay napapalibutan ng magandang sinag ng kapalaran. Ang asno na kanyang sinakyan noon nang siya ay dumating sa Makkah ay payat at halos may sakit at hindi makausad, nguni’t ito ay nanumbalik sa pagiging mabilis sa paglalakad na sadyang ikinagulat ng mga kasamang naglalakbay ni Halimah. Sa oras na kanilang marating ang kinaroroonang tirahan ng angkan ng Saad, kanilang natagpuan ang malaking sukat ng biyaya na kanilang tinamasa. Ang dating tigang na lupa ay tinubuan ng mayayabong at mabubulas na damuhan at ang mga hayop ay nagsibalik sa kanila na nasisiyahan at tunay na sagana sa gatas. Si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan ) ay nanatili kay Halimah ng dalawang taon hanggang siya ay awatin (sa pagsuso) tulad ng sinabi ni Halimah: “Pagkaraan, siya ay aming dinalang pabalik sa kanyang ina, at aming hiniling sa kanya (sa ina nito) na siya (ang batang si Muhammad sumakanya nawa ang kapayapaan ) ay manatili sa amin upang sa gayon ay aming tamasahin ang magandang biyaya at pagpapala na kanyang dinala sa amin. Kami ay nagpumilit sa aming kahilingan sa pamamagitan ng pagpapatunay na aming pinangangambahan ang pagdapo ng anumang karamdaman sa bata bunga ng kakaibang panahon ng Makkah. Sa huli, ipinagkaloob sa amin ang aming kahilingan at ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan ) ay nanatili sa amin hanggang siya ay umabot sa apat o limang taong gulang.” Tulad ng salaysay ni Anas na naitala sa Sahih Muslim, nang si Anghel Jibreel (Gabriel) ay bumaba (mula sa langit) at binuksan ang kanyang dibdib at kinuha ang puso. Pagkaraan ay kanyang kinuha ang isang kimpal ng dugo nito at sinabi: “Iyan ay isang bahagi ng Satanas na nasa sa iyo.” At pagkaraan, ito ay kanyang hinugasan mula sa tubig ng Zamzam na nasa gintong sisidlan. Pagkatapos, ang puso ay muling ikinabit at isinauli sa dating kinalalagyan nito. Ang mga batang lalaki at kanyang mga kalaro ay tumatakbong dumating sa kanyang ina-inahan; (o sa kanyang tagapangalaga) at sinabing: “Katotohanan, si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay pinatay.” Sila ay nagsitakbong pabalik patungo sa kanya (kay Muhammad sumakanya nawa ang kapayapaan ) nguni’t siya ay kanilang natagpuang nasa maayos na pangangatawan maliban sa kanyang namuti (at namumutlang) mukha.

Ang Pagbabalik sa Kanyang Ina Pagkaraan ng pangyayaring naganap na iyon, pinangambahan ni Halimah ang kagalayan ng bata at siya ay ibinalik sa kanyang ina na kung saan siya ay nanatili hanggang sa gulang na anim. Minsan, bilang alaala sa kanyang yumaong asawa, si Aminah (ina ni Propeta Muhammad sumakanya nawa ang kapayapaan ) ay nagpasiyang dumalaw sa puntod nito sa Yathrib (Madinah). Siya ay nagbalak na maglakbay sa layong 500 kilometro kasama ng kanyang anak na lalaki (si Muhammad sumakanya nawa ang kapayapaan ), ang kanyang babaing aliping si Umm Aiman at ang kanyang biyenang lalaking si Abdul Muttalib. Siya ay nanatili roon ng isang buwan at pagkaraan ay muling naglakbay pabalik sa Makkah. Sa daan, siya ay nagkaroon ng malubhang sakit at siya ay namatay sa Abwa sa pagitan ng daang patungong Makkah at Madinah.

 

Search Videos

Ang lahat po ng larawan na naitala o makikita dito ay kabahagi lamang ng mga ibat ibang programa o activities ng aming Islamic Dawah Center.

 

Go to top