Ang Umrah (1 of 2)
Deskripsyon: Isang madaling sunding gabay na binabalangkas ang mga kinakailangan ng bawat bagong Muslim na malaman tungkol sa Umrah, ang mas maliit na paglalakbay.
Ni Abdurrahman Murad (© 2013 NewMuslims.com)
Nai-publish sa28 Mar 2018-Huling binago sa11 Apr 2018
Kategorya: Mga Aralin > Mga Gawaing Pagsamba > Pag-lalakbay Patungong Makkah (Hajj)
Mga Layunin:
· Upang matutunan ang kahalagahan ng Umrah.
· Upang matutunan ang mga pangunahing mga kundisyong nauugnay dito.
· Upang matutunan kung paano isagawa ito.
Mga Terminolohiyang Arabik
· Hajj – Ang paglalakbay sa Meka kung saan ang manlalakbay ay nagsasagawa ng isang lipon ng mga ritwal. Ang Hajj ay isa sa limang mga haligi ng Islam, na ang bawat nasa hustong gulang na Muslim ay kailangang isagawa kahit man lang isang beses sa kanilang buhay kung makakaya itong tustusan at makakaya ng pangangatawan.
· Ihram – Isang kalagayan kung saan siya ay pinagbabawalang gawin ang ilang mga gawa na pinahihintulutan sa ibang mga pagkakataon. Ito ay kinakailangan kapag nagsasagawa ng mga ritwal ng Umrah at Hajj.
· Izaar – Isang pirasong telang ginagamit bilang isang tapis sa baywang para sa kapwa mga kalalakihan at kababaihan.
· Jihad – isang pakikibaka, pagsisikap sa ilang bagay, at maaaring tumukoy sa isang lehitimong digmaan
· Kabah – Ang hugis kwadradong gusali na matatagpuan sa lungsod ng Meka. Ito ay nagsisilbi bilang isang tampulan o direksyon kung saan ang lahat ng mga Muslim ay humaharap kapag nagdarasal.
· Mahram – isang tao, lalaki o babae na may kaugnayan sa isang partikular na indibidwal sa dugo, kasal o pagpapasuso. Siyang lalaki o babae na hindi pinapayagang pakasalan, tulad ng ama, pamangking lalaki, tiyuhin, atbp.
· Miqat – Isang himpilan kung saan siya ay magsusuot ng mga pananamit ng Ihram at papasok sa kalagayang Ihram.
· Niqab – Belong pangmukha.
· Ridaa – Isang pirasong telang (balabal atbp) na isinusuot paikot sa itaas na bahagi ng katawan.
· Sa’ee – Ito ay ang paglakad at pagtakbo sa pagitan ng mga burol ng Safa at Marwa.
· Safa and Marwa – Mga burol sa pagitan kung saan ang mga tao ay lumalakad at tumatakbo habang nasa Umrah.
· Talbiyah – Ang pagpapahayag ng panambitan ng mga Muslim habang nasa paglalakbay.
· Tawaf – Pag-ikot sa palibot ng Kabah. Ito ay isinasagawa ng pitong ikot.
· Umrah – Ang paglalakbay sa Banal na Bahay ni Allah sa lungsod ng Meka, Saudi Arabia. Madalas na tukuyin ito bilang maliit na paglalakbay. Ito ay maaaring isagawa anumang oras sa buong taon.
Kahalagahan ng Umrah
Ang kahalagahan ay matatagpuan sa maraming mga teksto; atin itong itatala dito sa pamuntong anyo.
1. "Maging matatag at isagawa ang Umrah matapos isagawa ang Hajj; sapagkat sa katiyakan ito ay mag-aalis ng kahirapan at mga kasalanan sa paraang katulad ng isang panday na nagpapadalisay ng bakal, ginto at pilak. Katiyakan ang tanggap na Hajj ay walang gantimpala maliban sa Jannah (Makalangit na Tahanan)."[1]
2. "Ang pagsasagawa ng isang Umrah na sinundan ng isa pa ay papawi sa lahat ng mga kasalanan sa pagitan ng dalawa."
3. "Ang Jihad para sa matanda, mahina at mga kababaihan ay Hajj at Umrah."[3]
Mga Haligi ng Umrah
Mayroong tatlong mga haligi ang Umrah:
1) Ihram
2) Tawaf
3) Sa’ee
Ihram: Ang Ihram ay tumutukoy sa isang kalagayang pinapasok ng isang tao, kung saan siya ay pinagbabawalang gumawa ng ilang mga bagay. Kabilang dito ang paglalagay ng pabango, paggupit ng mga kuko o pagputol ng buhok at pagtakip ng ulo ng tuwirang pantakip sa ulo.[4] Ang isang lalaki ay nagsusuot ng dalawang tela na tinatawag na "Izaar" at "Ridaa" at dapat niyang iwanan ang kanyang ulong walang takip. Ang "Ridaa" ay nagtatakip sa itaas na bahagi ng katawan, samantalang, ang "Izaar" ay magtatakip sa ibabang bahagi ng katawan.
Ang isang babae ay maaaring magsuot ng kanyang karaniwang damit, subalit hindi siya dapat magsuot ng guwantes o isang "niqab". Maaari niyang iladlad ang kanyang pandong o takip sa ulo sa kanyang mukha sa harap ng mga di-mahram na lalaki.
Tawaf: Ito ay ang pag-ikot sa palibot ng Kabah. Ang isang tao ay isinasagawa ito ng pitong beses.
Sa’ee: Ito ay ang paglakad at pagtakbo sa pagitan ng mga burol ng Safa at Marwa.
Ang mga ito ang tatlong mga haligi ng Umrah.
Ang Umrah ay mayroon ding dalawang kinakailangang gawain na dapat matugunan:
1. Pagpasok sa kalagayang Ihram sa labas ng Haram (santuwaryo) lugar (mula sa Miqat himpilan).
2. Pag-aahit o pagpapaikli ng buhok (para sa lalaki) at paggupit ng kaunting bahagi para sa babae.
Pamamaraan ng Umrah
Kapag ang isang tao ay dumating sa himpilang Miqat, maging ito ay sa pamamagitan ng panlupa o sa pamamagitan ng panghimpapawid dapat nilang isuot ang kinakailangang pananamit ng Ihram. Ang isang tao ay maaaring maglagay ng pabango sa kanyang katawan bago pumasok sa kalagayang Ihram, kung nanaisin niya, subalit hindi sa kanyang mga suot. Hindi siya dapat maglagay ng pabango pagkatapos pumasok sa kalagayang Ihram.
Bago lisanin ang himpilang Miqat, siya ay dapat magsabi ng: "Labbaik Allaahumma bi 'Umrah" (Narito ako O Allah bilang tugon sa Iyong panawagang magsagawa ng Umrah). Sa pagsasabi nito siya ay pumapasok sa kalagayang Ihram.
Sila magkagayun ay magsisimulang manambitan ng Talbiyah sa pagsasabing: “Labbaik Allaahumma labbaik, labbaika laa shareeka laka labbaik, innal-hamda wan-ni’mata laka wal mulk, laa shareeka lak”[5].
Patuloy silang mananambaitan dito hanggang sa marating nila ang Kabah at magsimulang magsagawa ng Tawaf. Ang isang lalaki ay dapat na ilantad ang kanyang kanang balikat sa buong Tawaf; ito ay ginagawa sa pamamagitan ng paglalagay ng gitnang bahagi ng Ridaa sa ilalim ng kanang braso at pagsampay ng magkabilang dulo ng tela sa kaliwang balikat.
Pagkatapos nito, siya ay iikot sa palibot ng Kabah ng pitong beses; bawat yugto ay magsisimula sa Itim na Bato. Hindi niya kinakailangang pisikal na hawakan o halikan ito, subalit kapag siya ay nakahilera na dito, sisimulan nila ang kanilang pag-ikot sa puntong yaon. Habang nasa Tawaf, siya ay dapat isaalang-alang si Allah, paghiling sa Kanya at pagsusumamo para sa Kanyang awa. Siya ay dapat umiwas sa walang kabuluhang pangungusap at pagtawa, dahil maaaring ito ay isang beses sa tanang buhay lamang na pagkakataon na kung saan hindi dapat ito ipagwalang bahala!
Kapuri-puri para sa kanyang maglakad nang mas mabilis na paghakbang sa unang tatlong mga ikot.
Ang Propeta, nawa'y ang awa at pagpapala ni Allah ay sumakanya, ay nagsasabi ng mga sumusunod sa pagitan ng kantong Yemeni at ng Itim na Bato:
Rabbanaa aatina fid-dunya hasanah wa fil-aakhirati hasanah wa qina ’adhaban-naar
Ang kahulugan: O aming Panginoon, pagpalain kami ng kabutihan sa buhay na ito at sa susunod na buhay at iligtas kami mula sa pagpapahirap ng Impiyerno.
Kapag ang ikapitong ikot ay natapos na, dapat nilang takpan ang kanilang balikat at magsagawa ng dalawang yunit na pagdarasal sa likod ng Maqam ni Abraham (Himpilan ni Abraham[6]). Kung ito ay hindi maaari (dahil sa karamihan ng tao) magkagayun ay siya ay maaaring magdasal sa kahit saan sa Moske.
Matapos ang pagdarasal ay dapat uminom ng tubig Zamzam dahil sa ito ay pinagpala. Ang Propeta ay nagsabi: 'Ang tubig Zamzam ay para sa kung saan ang pag-inom.'[7]
Sa pamamagitan nito, ang unang yugto ng Umrah ay nagtapos. Habang siya ay papalapit sa burol ng Safa sila ay bibigkas:
“Innas-safaa wal-marwata min sha’aa-iril-laah, faman hajjal-baita a-wi’tamara falaa junaaha ’alaihi an yat-tawwafa bi-hi-maa wa man ta-tawwa’a khairan fa-innallaaha shaakirun ’aleem.”
Ang kahulugan: Katiyakan, ang as-Safa at al-Marwah ay kabilang sa mga simbolo ni Allah. Kaya sinumang magsagawa ng Hajj sa Bahay o magsagawa ng Umrah - walang paninisi sa kanya para sa paglalakad sa pagitan ng mga ito. At sinuman ang magkusa sa kabutihan - magkagayun katiyakan, si Allah ay mapagpasalamat at Maalam. (Qur'an 2:158)
Pagkatapos nito siya ay dapat magsabing: “Ab-da’u bi-maa bada-allaahu bihi.”
Ang kahulugan: Ako ay nagsimula sa kung saan nagsimula si Allah.
Ito ay binibigkas lamang sa unang pagkakataon.
Pagkatapos nito, siya ay lalakad patungo sa bahagyang pakiling sa burol ng Safa at pagkatapos ay nakaharap sa Kabah. Ito ang pagkakataon kung saan ang pagsusumamo ay tinatanggap at dapat nilang ulitin ang kanilang mga pagsusumamo ng tatlong beses. Pagkatapos nito, ang isang tao ay dapat lumakad sa pagitan ng mga burol ng Safa at Marwa at tumakbo sa pagitan ng mga berdeng mga ilaw, hanggang sa marating nila ang burol ng Marwa. Dito siya ay upang magsumamo tulad ng ginawa nila sa burol ng Safa. Ang paglalakbay na ito sa pagitan ng mga burol ng Safa at Marwa ay itinuturing na isang biyahe; ang isang tao ay may pitong mga biyahe mula sa Safa at nagtatapos sa Marwa.
Ang huling hakbang sa Umrah ay paikliin o ahitin ang buhok para sa isang lalaki at gupitan ang isang maliit na bahagi para sa isang babae. Sa pamamagitan nito ang Umrah ay nagtatapos.
Sa ikalawang bahagi ating tatalakayin ang mahahalagang mga paksa na tumutukoy sa Ihram at talakayin ang mahalagang mga payo na kanyang dapat malaman kapag nagsasagawa ng Umrah.
Mga Talababa:
[1] Tirmidthi
[2] Saheeh Al-Bukhari
[3] An-Nasa’ee
[4] Iba pang impormasyon tungkol dito ang matatagpuan sa 2 bahagi.
[5] Ang kahulugan: Narito ako O Allah bilang tugon sa Iyong panawagan, narito ako. Narito ako, wala kang katambal, narito ako. Katotohanang ang lahat ng papuri, biyaya at kapangyarihan ay nabibilang sa Iyo. Wala kang katambal.
[6] Ito ang bahagi kung saan si Propeta Abraham ay tumindig upang itayo ang Kabah.
[7] Ibn Hibban
Mga Pagbabago sa Islam (2 of 2)
Ito ba ay bidah?
Deskripsyon: Ang pagpapatuloy ng pamamaraan upang makilala o matukoy ang bidah na gawain at paniniwala, ang maikling listahan ng karaniwang bidah at ang mga kawikaan ng mga pantas ukol sa "Mabuting Bidah".
Ni Aisha Stacey (© 2013 NewMuslims.com)
Nai-publish sa17 Apr 2018-Huling binago sa11 Apr 2018
Kategorya: Mga Aralin > Mga Islamikong Paniniwala > Pakikitungo sa mga Sektang Iniuugnay sa Islam
Kategorya: Mga Aralin > Pakikipag-ugnayang Panlipunan > Pakikitungo sa mga Sektang Iniuugnay sa Islam
Mga Layunin:
· Upang makilala ang isang bidah.
· Upang malaman ang ilang mga karaniwang bidah at maidagdag sa listahan.
· Upang malaman ang opinyon ng ilang iginagalang na mga iskolar.
Mga Terminolohiyang Arabik:
· Deen - ang panuntunan ng pamumuhay batay sa kapahayagan ng Islam; ang kabuuan ng pananampalataya at gawain ng isang Muslim. Ang Deen ay madalas na ginagamit bilang pantukoy sa pananampalataya, o ang relihiyong Islam.
· Eid - Pista o pagdiriwang. Ipinagdiriwang ng mga Muslim ang dalawang pangunahing relihiyosong pista, na kilala bilang Eid-ul-Fitr (Na ipinagdiriwang pagkalipas ng buwan ng Ramadhan) at Eid-ul-Adha (Na ipinagdiriwang sa panahon ng Hajj).
· Eid ul-Adha - “Pista ng pag-alay ng sakripisyo (Katay)".
· Hajj - Ang paglalakbay tungo sa banal na lugar ng Makka kung saan ang mga manlalakbay ay nagsasagawa ng isang hanay ng mga takdang ritwal. Ang Hajj ay isa sa limang haligi ng Islam, na obligadong isagawa ng bawat may sapat na gulang na Muslim ng hindi bababa ng isang beses sa kanilang tanang buhay kung may kakayanan silang pinansiyal at pisikal.
· Itikaf - ang pananatili sa loob ng masjid na may layuning maging mas mapalapit pa sa Allah.
· Ramadan - Ang ikasiyam na buwan ng Islamikong kalendaryong lunar. Ito ang buwan kung saan ang obligadong pag-aayuno ay ini-atas sa mga mananampalataya.
· Shaban - ang tawag sa ika-walong buwan ng Islamikong Kalendaryong lunar.
· Shirk – Salitang nagpapahiwatig ng pagtatambal sa Allah, o nagpapahiwatig ng katangiang banal maliban sa Allah, o paniniwala na ang lakas kapangyarihan, pinsala, at pagpapala ay nagmumula sa iba bukod sa Allah
· Sunnah - Ang katagang Sunnah ay may iba't ibang pagpapakahulugan batay sa larangan ng pag-aaral, gayunpaman ang kahulugan na karaniwang pinaniniwalaan o tinatanggap, anumang iniulat na sinabi, ginawa, at sinang-ayunan ng Propeta.
Paano natin malalaman kung ang gawaing pagsamba ay tunay na gawaing bidah?
3. Bilang ng pagsamba:
Innovations2.jpgIsa sa mga paraan upang matukoy natin ang pagkakaiba sa pagitan ng isang Sunnah at isang bidah ay batay sa dami ng bilang ng pagsamba. Kung ang isang tao ay nagpasyang magdasal ng limang rakah para sa salah ng dhuhr tunay na ito ay bidah. Batid natin na ang dasal na ito ay binubuo ng apat na unit o rakah; ito ang siyang isinabatas at itinakda at ang pagpapakilala ng karagdagang unit o rakah ay maituturing na makabago, bid'ah.
4. Pamamaraan ng pasasagawa ng pagsamba:
Isa pang paraan upang matukoy natin ang kaibahan ng anumang nagmumula sa Quran at Sunnah at nang Bid'ah ay sa pamamagitan ng pagsuri ng pamamaraan ng pagsasagawa. Yaon ay kung paano natin isinasagawa ang gawaing pagsamba, ito ba ay naaayon sa kung paano ito itinuro ng Islam, o tayo ba'y nagmalabis sa hangganan at nagdagdag ng anuman sa relihiyon na kung saan ay ginawang ganap na. Ang halimbawa nito ay ang pagsasagawa ng takdang paghuhugas o wudhu bago ang pagdarasal nang mali ang pagkakasunod sunod, tulad ng pasisimula sa paghuhugas ng paa sa halip na ito ay sa pagtatapos.
5. Takdang Oras ng Pagsamba:
Ang takdang oras kung kailan isinasagawa ang gawaing pagsamba ay mahalaga rin. Kung ang pagsamba ay isinagawa ayun sa turo ni Propeta Muhammad at sa takdang oras nito, samakatuwid ito ay tunay na makapagpapalugod sa ating Tagapaglikha. Datapwa't kung ang isang tao ay kanyang tangkain na baguhin ang tiyak na oras, samakatuwid, ang taong yaon ay nahuhulog sa kasalanan ng bidah. Halimbawa, ang pag-aalay (Pagkatay) ng tupa sa buwan ng Ramadhan na may layuning paghahangad ng gantimpala tulad ng gantimpala ng pag-aalay (pagkatay) ng tupa sa panahon ng Eid ul-Adha, samaktuwid ito ay maituturing na makabago o bidah.
6. Lugar ng Pagdarausan ng Pagdarasal:
Ang lugar kung saan isasagawa ang gawaing pagsamba ay marapat ding naaayon sa kung anu ang itinakda o isinabatas. Kapag, halimbawa ang isang tao ay magsasagawa ng Itikaf sa kanyang tahanan, katunayang ito ay hindi katanggap tanggap. Ang lugar na marapat pagdausan ng Itikaf ay ang Masjid, kaya't ang pagsasagawa nito sa kahit saang lugar maliban sa masjid ay maituturing na bidah.
Ang Talaan ng mga karaniwan at laganap na Makabago o Bidah
· Paghahangad ng tulong mula sa patay sa libingan.
· Pag-upo ng sama-sama at pagbigkas ng mga salitang naglalaman ng pag-alaala sa Allah, tulad ng Allahu Akbar ng sabay-sabay.
· Pagturing sa araw ng kapanganakan ng Propeta bilang isang Pista.
· Pag-ayuno sa ika labing limang araw ng Islamikong buwan ng Shaban at paggugol sa gabi nito sa pamamagitan ng pagsamba.
· Pagdiriwang para sa kaarawan ni Propeta Muhammad sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah.
· Pagbasa ng Quran upang makinabang ang patay (kasama na dito ang pagkuha ng tagabasa ng Quran).
· Paghaplos ng tubig sa batok sa tuwing nagsasagawa ng takdang paghuhugas o ablusyon.
· Paghahanda ng namatayan ng pagkain para sa mga bumibisita.
Anu ang “Mabuting bidah”?
May mga pagkakataon na makakarinig kayo ng isang bagay na kung tawagin ay ‘mabuting bidah’. Ayon kay Sheikh Ibn Uthaymeen, sumakanya nawa ang habag ng Allah, “… Walang ganoong bagay sa Islam (sa relihiyosong pagkaunawa) bilang mabuting bidah.”[1] Ang Sheikh ay nagbigay-diin din na “…tungkol sa karaniwang usapin sa kaugalian at asal, ito ay hindi matatawag na bidah (makabago) sa Islam, kahit na ito ay maaring ilarawan bilang ganoon sa alituntuning pang wika. Ngunit ito'y hindi bidah (makabago) sa relihiyosong pagkaunawa, at hindi ito ang mga bagay kung saan tayo ay binalaan ng Propeta laban dito ”. Bilang karagdagan sa mga nabanggit, ang pantas ng Islam na si Imam Ibn Rajab[2] ay nagsabi “anumang salita mula sa mga naunang matutuwid na mananampalataya na nagtuturing sa isang bagay bilang mabuting bidah ay tumutukoy sa lingguwistikong pagkaunawa at hindi sa islamikong pagkaunawa”.
Sa pagtatapos, ang bidah ay isang makabagong gawagawa na paniniwala at gawa sa Relihiyong Islam kung saan ang mapalapit sa Allah ang hangad mula rito ngunit wala itong matibay na patunay mula sa mapananaligang katibayan sa alinman sa pundasyon nito o sa pamamaraang ito ay isinasagawa.[3]
Talababa:
[1] Majmoo’ Fataawa Ibn ‘Uthaymeen, vol. 2, p. 291
[2] Si Ibn Rajab ay isang kilalang pantas noong ikaanim na siglo CE, mahusay sa maraming mga larangan ng Islam kabilang ang tafsir, hadith at fiqh.
[3] Ang kahulugan na ito ay hango mula sa Makabago sa liwanag ng Kaganapan ng Shariah ni Sheikh Muhammad ibn Salih al-Uthaymeen.
Mga pagbabago sa Islam (1 ng 2)
Dalawang uri ng Bidah
Deskripsyon: Isang maikling pambungad sa kahulugan ng salitang bidah at pagpapaliwanag kung bakit nararapat nating iwasan ang mga bagay na bagong ipinakikilala sa deen o relihiyon ng Islam.
Ni Aisha Stacey (© 2013 NewMuslims.com)
Nai-publish sa17 Apr 2018-Huling binago sa11 Apr 2018
Kategorya: Mga Aralin > Mga Islamikong Paniniwala > Pakikitungo sa mga Sektang Iniuugnay sa Islam
Mga Layunin:
· Upang maintindihan ang kahulugan ng salitang bidah.
· Para maging malinaw na ang mga nangyayaring mga pagbabago sa mundo gaya ng ng sa teknilohiya at pang transportasyon ay hindi dapat na iwasan at layuan.
· Upang maging malinaw kung ano ang mga pagbabago (innovation) at hindi sa Islam.
Mga Terminolohiyang Arabik
· Bidah - mga pagbabago (innovation).
· Deen - Panuntunan o pamamaraan ng Buhay base sa Islamikong kapahayagan; ang kabuoan ng pananampalataya at pagsasabuhay ng mga muslim. Ang Deen ay karaniwang may pakahulugang pananampalataya o ang relihiyong Islam.
· Dhuhr - Ang pang tanghaling pagdarasal.
· Rakah - Bilang ng pagtayo sa pagdarasal .
· Rajab - Ang pangalan ng ika pitong buwan ng kalendaryong Islamiko.
· Shariah – Batas Islamiko.
· Sunnah - Ang salitang Sunnah ay may mga ilang kahulugan depende sa saklaw ng pinag-aaralan ganun pa man ang kahulugan nito na karaniwang tinatanggap o pinaniwalaan ay anumang naiulat na sinabi, ginawa at sinang-ayunan ni Propeta Muhammad.
Ang Bidah ay isang arabik na salita na nagmula sa salitang ugat na Al-Bada’ na ngangahulugang gumawa ng isang bagay na walang karapatan na gawin ito o manguna. Sa salitang Tagalog ay gagamitin natin ang salitang mga pagbabago. Bago natin ipagpatuloy ang pagtalakay sa bidah kailangan nating maintindihan ang dalawang uri ng bidah. Ang unang uri ng pagbabago ay ang mga bagay bagay patungkol sa ating buhay sa mundo, mga bagay gaya ng tiknolohiya, elektresidad, at trasportasyon ay maiu-ugnay sa kategoryang ito. Ang mga bagay na ito ay pinahihintulutan at sa isang banda ito ay katanggap tanggap. Ang isang uri ng pagbabago ay patungkol sa relihiyon o pagsamba, sa mga bagay patungkol sa relihiyon ang bidah ay hindi pinahihitulutan at isang napaka-delikado na magsagawa ng mga pagbabago sa ating relihiyon. At dahil sa itoy delikado mayroong binanggit na napakaraming mga kasabihan at mga tradisyon si Propeta Muhammad para tukuyin ito.
“Sinuman ang magdagdag o magbago sa aming mga sinabi na hindi namin ipinahintulot ay di katanggap-tanggap ”.[1]
ang pinakamainam na salita ay ang aklat ng Allah at ang pinakamainam na gabay at halimbawa ay ang kay Muhammad at ang pinakamasama sa lahat ng bagay ay ang mga makabagong inimbentong bagay (patungkol sa relihiyon), dahil bawat pagbabago sa relihiyon ay kamalian at kaligawan. ”[2]
“…Bawat pagbabago sa relihiyon ay dahilan ng pagkaligaw at bawat pagkaligaw ay sa apoy.”[3]
Ang deen ng Islam ay hindi nangangailangan ng mga pagbabago o bidah. Ang relihiyong Islam ay kompleto at walang dahilan para dagdagan o magimbento ng bagay patungkol sa relihiyon. ito ay pinatutunayan ng salita sa Quran “Sa araw na ito Aking ginawang ganap ang relihiyon para sa inyo, at ginawang lubos ang Aking pagpapala sa inyo at Aking pinili ang Islam bilang inyong deen” (Quran 5:3)
Kung ang isang tao ay magbabago o magdaragdag sa deen ng mga bagay na hindi dating kasama dito, siya ay nagpapahiwatig na ang relihiyon ay may kulang at nangangailangan pa ng iba para maging mabuti ito, o pagpapahiwatig na hindi kinumpleto at ginawang ganap ang kanyang relihiyon. Ito ay nagpapasinungaling sa mga talatang nasa itaas
Bakit importante na hindi tangkilikin ang bidah
Habang si Allah ay hindi nagpaparusa sa isang taong nagkamali dahil sa kawalan ng kaalaman sa kanyang nagawa, nararapat lamang na obligahin ang ating sarili na tayo ay matuto sa abot ng ating makakaya. Ang katotohanan na si Allah ay hindi tatanggap ng mga gawaing hindi tumutupad sa dalawang mga mahahalagang kondisyon. Ang unang kondisyon ay ang pagsasagawa ng isang bagay na may sinserong intensyon na malugod ang pinaka- makapangyarihang Allah. Ang pangalawang kondisyon ay ang mga bagay na gagawin ay alinsunod sa katuruan ng Quran at sa pinagtibay na Sunnah ni Propeta Muhammad. Ang mga gawa ay nararapat na sumusunod sa Sunnah at di sumasalungat dito.
Sa ganitong kaisipan, ating balikan muli ang kahulugan ng bidah. Ayun sa pakahulugan ito ay mga bagay na inimbento o gawang makabago, mga bagay na walang batayan at dahilan. Sa legal na paraan, ito ay pagdadagdag ng bago sa deen ng Allah. Kahit na ang aksyon ay ginawa na ang layunin ay para mapalapit o para sa pagsamba sa Allah hindi pa rin ito ito katanggap-tanggap. At ito ay kasalanan.
Paano natin malalaman kung ang isang gawain ay isang gawaing bidah?
Sa lahat ng pagkakataon ay maririnig natin na sinasabing ang Islam ay ang relihiyon na ipinaalam na karunungan. Nangangahulugan ito na ang mga naniniwala ay di dapat tumatanggap ng katuruan na basat-basta. Ang isang mananampalataya ay dapat mag-ukol ng panahon upang maunawaan ang mga bagay patungkol sa deen at siya ay dapat matutong magtanong patungkol sa mga gawa o kawikaan na walang sapat na katibayan. Kung ang isang tao ay mag-uukol ng panahon na matutunan ang islam magagawa niyang malaman kung ano ang sunnah na gawain at ano ang bidah.
Ang mga sumusunod ay ang anim na pamamaraan kung paano malalaman ang kaibahan ng Sunnah sa Bidah:
1. Ang gawang pagsamba na ini-uugnay sa dahilan o rason na hindi pa naman naisasabatas:
Hindi pinahihintulutan na mag-ugnay ng gawang pagsamba para sa anupaman o kadahilanan na hindi pinatutunayan ng Quran o ng mga mapapanaligang Sunnah ni Propeta Muhammad. Ang isang halimbawa nito ay ang paggising sa gabi at manalangin tuwing sasapit ang ikapitong araw sa Islamikong buwan ng Rajab dahil sa paniniwalang si propeta Muhammad ay naglakbay sa mga kalangitan sa gabing yaon. Ang gawaing pagdarasal sa gabi ay bagay na napagkasunduan sa islam na may sapat na ibedensiya sa Quran at Sunnah, ganun paman kung ito ay gagawin dahil sa rason na nabanggit sa taas ay lalabas itong bidah dahil ito ay ibinase at binuo sa rason na hindi napagtibay mula sa Shariah.
2. Uri ng pagsamba
isa ring kahalagahan na ang gawang pagsamba ay ayon sa Shariah sa larangan na ito. Kung ang isang tao ay sasamba sa Allah na ang gagawing pagsamba ay isang uri na hindi naisabatas (sa Islam) ay hindi tatanggapin. Halimbawa hindi tama na isakripisyo (katayin) ang kabayo. Ito ay isang bagay na maaring bidah, isang pagdaragdag na makabago sa deen. Ang mga pwedeng isakripisyo ay nilimitahan ng shariah ng Islam sa tupa, baka ,kambing at mga kamelyo.
Ating ipagpapatuloy ang ating pagtalakay patungkol sa bidah sa ikalawang bahagi ng pag-aaral sa pagsasaliksik sa ibang paraan para alamin ang kaibahan ng Sunnah at ng bidah at pagtatala ng ilang karaniwang bidahs na makikita natin araw-araw sa mga mosque at sa ilang mga Muslim sa buong mundo.
Talababa:
[1] Saheeh Bukhari, Saheeh Muslim
[2] Saheeh Muslim
[3] At Tirmidhi
Ang Eid ul-Adha mula A to Z (3 of 3)
Deskripsyon: Ang mga Muslim ay nagdiriwang ng dalawang kapistahan: Eid ul-Fitr at Eid ul-Adha. Ang mga araling ito ay sumasaklaw sa lahat ng bagay na kailangan mong malaman tungkol sa Eid ul-Adha upang gawin itong isang bahagi ng iyong buhay at mabigyang lugod si Allah.
NiImam Kamil Mufti (© 2013 NewMuslims.com)
Nai-publish sa13 Apr 2018-Huling binago sa11 Apr 2018
Kategorya: Mga Aralin > Mga Gawaing Pagsamba > Mga Pagdiriwang
Mga Layunin:
· Upang matutunan ang dalawang pamamaraan sa pag-aalay ng pagdarasal ng Eid.
· Upang matutunan ang palitan ng mga pagbati sa Eid at tamang pagtugon dito.
· Upang maunawaan ang pitong mahalagang mga payo para sa isang 'Maligayang Eid'
Mga Terminolohiyang Arabik:
· Allahu Akbar – Si Allah ay ang Pinakadakila.
· Eid - kapistahan o pagdiriwang. Ang mga Muslim ay nagdiriwang ng dalawang relihiyosong mga pagdiriwang, na kilala bilang Eid-ul-Fitr (na nagaganap pagkatapos ng Ramadan) at Eid-ul-Adha (na nagaganap sa panahon ng Hajj).
· Eid Mubarak – pambating Eid na nangangahulugang 'Mapagpalang Eid.'
· Eid Saeed – pambating Eid na nangangahulugang 'Maligayang Eid.'
· Fatihah – ang pambungad na kabanata ng Qur'an na binabasa sa bawat rakah ng pagdarasal.
· Imam – isang taong namumuno sa pagdarasal.
· Rakah – yunit ng pagdarasal.
· Ruku’ - ang payukod na posisyon sa pagdarasal.
· Salat ul-Eid – dalawang yunit ng ritwal na pagdarasal na inaalay sa Eid.
· Takbir – pagsambit ng "Allahu Akbar".
· Takbiratul-Ihram – pagsasabi ng ‘Allahu Akbar’ na sinisimulan ang pagdarasal.
· Udhiyyah – ang pangsakripisyong hayop.
· Wajib – obligado.
Pamamaraan para Sa Pagdarasal ng Eid (Salat ul-Eid)
Ang pagdarasal ng Eid ay obligado (wajib). Ito ay binubuo ng dalawang rakahs, na may karagdagang takbirs (pagsasabi ng 'Allahu Akbar'). Ang karunungan sa likod ng mga pagdarasal ng Eid, tulad ng mga araw ng Eid mismo, ay para pasalamatan si Allah para sa Kanyang hindi mabilang na mga pagpapala. Ang imam ay magdarasal ng isa sa dalawang pamamaraan. Ipaliliwanag niya kung paano siya magdarasal bago ang simula ng pagdarasal:
1 PAMAMARAAN
Sa unang rakah ng pagdarasal ng Eid, ang imam ay mag-aalay ng 3 karagdagang takbirs pagkatapos ng Takbiratul-Ihram at pambungad na pagsusumamo subalit bago basahin ang Fatihah. Itaas ang iyong mga kamay sa bawat takbir, tulad ng ginagawa mo para sa Takbiratul-Ihram. Pagkatapos ng bawat takbir, hayaang ang mga kamay ay ipanatili sa mga gilid. Ilagay ang mga kamay nang magkasama pagkatapos ng ikatlo at huling takbir. Pagkatapos nito, ang natitira sa mga rakah ay pareho.
Sa ikalawang rakah ng pagdarasal ng Eid, ang Imam ay babasahin ang Fatihah at ilang bahagi ng Qur'an. Siya pagkatapos ay magsasabi ng 3 karagdagang takbirs. Ang mga ito ay tulad ng takbirs ng unang rakah, maliban sa iiwan mo ang iyong mga kamay sa iyong mga gilid pagkatapos ng ikatlong takbir. Matapos ang tatlong takbirs na ito ay nabigkas at nakumpleto, siya ay magsasabi ng takbir para sa pagsasagawa sa ruku, nang walang pagtataas ng kanyang mga kamay.
2 PAMAMARAAN
Tulad ng anumang pagdarasal, ang pagdarasal ay magsisimula sa Takbiratul-Ihram na sinusundan ng pambungad na pagsusumamo. Ito ay sinusundan ng 7 takbeers sa unang rakah at 5 karagdagang takbeers sa ikalawang rakah. Ang natitira sa pagdarasal ay tulad ng anumang iba pang pagdarasal.
Pagpapalitan ng mga Pagbati sa Eid ul-Adha
Ang kawalan ng kaalaman sa mga pagbating pumapaikot sa panahon ng Eid ay maaaring maging isang hindi komportableng karanasan. Ang hindi makipagpalitan ng anumang pagbati ay ganap na katanggap-tanggap sa Islam, subalit sa panlipunan ay nakakailang. Samakatuwid, ang kaalaman kung ano ang mga pagbati at ang nararapat na pagtugon dito ay makatutulong sa iyo sa panlipunang pagtanggap.
Ang mga tao mula sa India at Pakistan ay bumabati sa isa't isa sa pagsasabi ng "Eid Mubarak" (Mapagpalang Eid).
Ang mga Arabo ay maaaring magsabi ng "Eid Saeed" (Maligayang Eid) o 'kullu' aam wa antum bi-khair' (nawa'y ang bawat taon ay magdala sa iyo ng maayos na kalusugan).
Ang mga kasamahan ni Propeta Muhammad ay nagsasabi, 'taqabalallahu minna wa minkum' (Nawa'y si Allah ay tanggapin ito mula sa atin at mula sa inyo).
Lahat ng mga ito ay mainam. Tumugon lamang sa pamamagitan ng pag-uulit ng parehong pagbati pabalik! Magiging mainam kung ikaw ay ngingiti o humingi ng tulong sa pag-uulit pabalik ng mga salita.
Payo para sa Eid ul-Adha
1. Gawin ang araw ng Eid nang malaya sa trabaho o paaralan. Kung hindi mo magagawa, mangyaring gumawa ng mga pakikipag-ayos para sa pagliban kahit man lamang sa pagdarasal ng Eid.
2. Gumawa ng mga pakikipag-ayos para sa pangsakripisyong hayop nang maaga. Maaari kang sumama sa lokal na mga Muslim sa kabukiran o isang bahay katayan. Ito ay magiging isang karanasan na hindi mo malilimutan! Maaari ka ring magnais na kumatay ng hayop ng ikaw mismo o maaari kang magkaroon ng isang kapwa Muslim na gagawa nito para sa iyo. Maaari ka ring magpadala ng pera sa isang Islamikong kawanggawa upang gawin ito para sa iyo at sila ang magpapamahagi ng karne sa mga mahihirap. Para sa milyun-milyong mga Muslim ito lamang ang pagkakataon sa buong taong sila ay makakakain ng karne. Maaari mong matagpuan ang maraming mga kawang-gawa sa pamamagitan ng paghahanap sa online para sa "udhiyyah 2013 (o taon ng kasalukuyan)."
Kahit na paano para sa unang ilang mga taon pagkatapos tanggapin ang Islam, imumungkahi kong ipadala mo na lamang ang pera upang mapakain ang mga mahihirap na Muslim sa ibang bansa alinman sa pamamagitan ng iyong moske o isa sa mga online na Islamikong tumutulong na mga organisasyon. Maaari kang lumahok sa mga lokal na mga Muslim upang magkaroon ng karanasan kung nanaisin mo. Ang mga halaga ng paggawa ng udhiyyah sa ibang bansa ay mag-iiba batay sa kung saang bansang nais mong maisagawa ito. Ang ilang mga organisasyon ay nakalista sa ibaba, maaari kang makahanap ng maraming pang iba online:
http://www.irusa.org
http://icnarelief.org
www.zakat.org
3. Tawagan ang iyong lokal na moske o Islamikong tanggapan isang linggo bago ang Eid ul-Adha upang malaman ang oras at lugar kung saan ang pagdarasal ng Eid ul-Adha gaganapin. Pagkatapos ng pagdarasal ng Eid, mga etnikong matatamis at pagkain ay karaniwang inihahanda. Karamihan sa mga moske ay magpapakana ng hapunan ng Eid alinman sa gabi o sa loob ng susunod na ilang araw. Alamin kung kailan at kung nasaan ang mga ito at daluhan ito.
4. Huwag kang malungkot o makaramdam na naiiwanan. Gumawa ng mga pakikipag-ayos sa iyong Muslim na mga kaibigan o mga pamilya sa maagang panahon upang dalawin sila para sa Eid ul-Adha. Anyayahan ang Muslim na mga kaibigan at magluto para sa kanila. Kung hindi ka nakakapagluto, kumain kang kasama nila. Sikaping ibilang ang iyong mga di-Muslim na miyembro ng pamilya sa pamamagitan ng pagsasama sa kanila sa pagdarasal ng Eid kasama mo o hayaan silang dalawin ka para sa hapunan kasama ng iyong Muslim na mga kaibigan. Kakailanganin ng ilang pagpaplano. Gawin ito nang maaga. Mayroon kang apat na araw upang magdiwang!
5. Ang mga pamilya ay nagbibigay ng mga regalo sa mga bata sa Eid. Si Propeta Muhammad ay nagsabi: "Magpalitan ng regalo sa isa't isa, kayo ay magmamahalan sa isa't isa." (Bukhari, Al-Adab Al-Mufrad) Maaari mo ring naising magbigay ng mga regalo sa iyong di-Muslim at Muslim na mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan.
6. Magboluntaryo sa araw ng Eid sa iyong lokal na moske. Sila ay mangangailangan ng mga boluntaryo para sa paradahan, pagsasaayos ng pagkain, paglilinis, mga gawaing pambata, at iba pa.
7. Magbihis para sa Eid. Bumili ng ilang mga bagong damit at maging nasa 'pagdiriwang' na kalagayan!
Ang Eid ul-Adha mula A to Z (2 of 3)
Deskripsyon: Ang mga Muslim ay nagdiriwang ng dalawang kapistahan: Eid ul-Fitr at Eid ul-Adha. Ang mga araling ito ay sumasaklaw sa lahat ng bagay na kailangan mong malaman tungkol sa Eid ul-Adha upang gawin itong isang bahagi ng iyong buhay at mabigyang lugod si Allah.
Ni Imam Kamil Mufti (© 2013 NewMuslims.com)
Nai-publish sa13 Apr 2018-Huling binago sa11 Apr 2018
Kategorya: Mga Aralin > Mga Gawaing Pagsamba > Mga Pagdiriwang
Mga Layunin:
· Upang matutunan ang karunungan sa likod ng pagsasakripisyo ng hayop.
· Upang matutunan ang pangunahing mga patakaran ng udhiyyah.
· Upang matutunan ang 5 Sunnahs (iminumungkahing mga gawa) ni Propeta Muhammad na may kaugnayan sa Eid ul-Adha.
Mga Terminolohiyang Arabik:
· Adhan - isang Islamikong paraan ng pagtawag sa mga Muslim sa limang obligadong mga Pagdarasal.
· Eid - kapistahan o pagdiriwang. Ang mga Muslim ay nagdiriwang ng dalawang relihiyosong mga pagdiriwang, na kilala bilang Eid-ul-Fitr (na nagaganap pagkatapos ng Ramadan) at Eid-ul-Adha (na nagaganap sa panahon ng Hajj).
· Eid ul-Adha – “Pista ng Sakripisyo”.
· Ghusl – ritwal na pagligo.
· Iqamah – Ang salitang ito ay tumutukoy sa pangalawang panawagan sa pagdarasal na ibinibigay kaagad bago ang pagdarasal ay magsimula.
· Khutbah – sermon.
· Rakah - yunit ng pagdarasal.
· Sunnah – Ang salitang Sunnah ay may maraming mga kahulugan sang-ayon sa larangan ng pag-aaral gayunpaman ang kahulugan ay pangkalahatang tinatanggap na, anumang iniulat na sinabi, ginawa, o pinayagan ng Propeta.
· Udhiyyah – ang pangsakripisyong hayop.
Pag-unawa sa Pag-aalay ng Hayop sa Eid ul-Adha
Ang pagsasakripisyo sa anak ay naging isang pagsubok sa pananampalataya ni Abraham. Upang gunitain at matandaan ang mga pagsubok ni Abraham, ang mga Muslim ay nagkakatay ng isang hayop tulad ng tupa, kamelyo, o kambing. Ang kasanayan ay madalas na maling nauunawaan ng mga nasa labas ng pananampalataya. Samakatuwid, ilang mga punto ang dapat na maunawaan dito:
Una, walang natatanging mga ritwal na kaugnay, malibang ang hayop na nakatutugon sa ilang mga kinakailangan. Ang hayop ay kinakatay sa parehong paraang ito ay kinakatay sa anumang oras sa taon. Ang pagkakaiba lamang ay nasa layunin. Para sa pangkaraniwang pagkatay, ang layunin ay ang karne, subalit para sa Eid ul-Adha, ito ay upang sambahin si Allah sa pamamagitan ng paggunita sa pagsubok ni Abraham.
Ikalawa, ang Pangalan ng Diyos ay sinasambit dahil si Allah ang nagbigay sa atin ng kapangyarihang higit sa mga hayop at pinahintulutan tayong kainin ang kanilang karne, subalit sa Kanyang Pangalan lamang. Sa pagsambit ng Pangalan ni Allah sa sandali ng pagkatay, ipinaaalala natin sa ating mga sariling kahit ang buhay ng isang hayop ay sagrado at maaari lamang nating kitilin ang buhay nito sa Pangalan ng Siyang nagbigay nito sa simula pa lamang.
Ikatlo, ang mabuting mga gawa ay nagtutubos para sa ating mga kasalanan. Ang pag-aalay ng udhiyyah ay isang gawang pagsamba na walang pagtatangi. Si Propeta Muhammad ay nagsabi na ang pinakamamahal na gawa sa Eid ul-Adha ay ang pag-aalay ng udhiyyah at ito ay darating sa Araw ng Pagkabuhay Muli na may mga sungay, baka na mga kuko, at balahibo. Ang dugo nito ay tinanggap na ni Allah bago pa ito umabot sa lupa. "Kaya magalak ang iyong puso dito." (Tirmidhi, Ibn Majah)
Mga Batas ng Udhiyyah para sa Eid ul-Adha
1) Uri ng Hayop
Ang isang tupa ay maaaring ialay bilang sakripisyo para sa isang tao o isang pamilya. "Sa panahon ng Sugo ni Allah, ang isang tao ay nagsasakripisyo ng isang tupa para sa kanyang sarili at sa mga miyembro ng kanyang sambahayan, at sila ay kakain mula dito at ipamimigay ang ilan sa iba."[1]
Ang isang kamelyo o baka ay sapat para sa pitong katao, dahil sa ulat na "Ang baka ay maisasakripisyo para sa pitong katao at ipinapamahagi namin ito."[2]
2) Gulang ng Hayop
Ang hayop ay dapat maging nasa natatanging gulang upang maging angkop para sa udhiyyah. Ang pinakamababang mga gulang ay:
a) 6 na buwan para sa isang kordero o tupa.
b) 1 taon para sa isang kambing.
c) 2 taon para sa isang baka.
d) 5 taon para sa isang kamelyo.
3) Mga Katangian ng Hayop
Ito ay kailangan maging malaya sa anumang mga kapansanan, sapagkat ang Propeta ay nagsabi,
"Mayroong apat na hindi karapat-dapat para sa sakripisyo:
a) ang iisang-matang hayop na ang depekto nito ay halata,
b) ang isang may sakit na hayop na ang sakit nito ay halata,
c) ang isang pilay na hayop na ang pagkapilay nito ay halata at
d) ang isang payat na hayop na walang bulalo sa kanyang mga buto."[3]
May mga bahagyang depektong hindi magtatanggi sa isang hayop, subalit hindi kanais-nais isakripisyo ang ganitong mga hayop tulad ng isang hayop na may sungay o taingang kakulangan, o may pingas sa tainga nito, atbp. Kung ang hayop ay kapon, ito ay hindi itinuturing na isang kapansanan.
4) Oras ng Sakripisyo
Dapat itong isakripisyo sa tukoy na panahon, na kung saan ang pagdarasal at khutbah ng Eid ul-Adha ay nagtapos na hanggang sa bago lumubog ang araw ng ika-13 araw ng Dhul-Hijjah. Ang Propeta ay nagsabi:
"Ang sinumang nagsakripisyo bago ang pagdarasal ay hayaan siyang ulitin ito."[4]
Ang karne mula sa sakripisyo ng Eid ul-Adha ay kinakain ng pamilya at mga kamag-anak, ipinamimigay sa mga kaibigan, at ipinagkakaloob sa mga mahihirap. Kinikilala nating ang lahat ng mga pagpapala ay nagmumula kay Allah, at dapat nating buksan ang ating mga puso at ibahagi sa iba.
Sunnahs (Iminumungkahing mga gawa) sa Eid al-Adha
Ang mga sumusunod ay ang iminumungkahing mga gawain na nagdadala ng karagdagang gantimpala sa Eid ul-Adha. Hindi na dapat mag-alala kung nakalimutan mo ang ilan, subalit subukang gawin ng higit na marami hangga't maaari upang malubos ang iyong gantimpala.
1. Ang Propeta ay nagsasagawa ng isang kumpletong ritwal na pagligo (ghusl) sa araw ng Eid.
2. Ang Propeta ay nagsusuot ng kanyang pinakamainam na mga damit upang dumalo sa pagdarasal ng Eid. Kapwa mga kalalakihan at mga kababaihan ay dapat sundin ang tama, wastong Islamikong pananamit kapag lumabas sila para sa pagdarasal ng Eid.
3. Ang Propeta ay kinukuha ang iba't ibang ruta para sa pagpunta at pagbalik mula sa pagdarasal ng Eid.
4. Ang isa pang sunnah (iminumungkahing gawain) ay ang sambitin ang kadakilaan ni Allah sa mga salitang ito:
Allahu akbar, Allahu akbar, la ilaha il-lal-lah, wa-Allahu akbar, Allahu akbar, wa lil-la hil-hamd
"Si Allah ay dakila, si Allah ay dakila, walang diyos maliban kay Allah, si Allah ay dakila, si Allah ay dakila, at ang lahat ng papuri ay kay Allah."
Ang mga ito ay sasambitin kapag lumalabas sa kanyang bahay patungo sa lugar ng pagdarasalan at hanggang sa dumating ang imam upang isagawa ang pagdarasal.
5. Sa Eid ul-Adha iminumungkahing huwag kumain ng kahit ano hanggang sa makabalik mula sa pagdarasal, kaya dapat siyang kumain mula sa udhiyyah kung nag-alay siya ng sakripisyo. Kung hindi siya nag-alay ng sakripisyo ay walang mali sa pagkain bago ang pagdarasal.
Pangunahing Kaayusan ng Pagdarasal ng Eid
Ang Propeta ay hindi nagsagawa ng anumang pagdarasal kaagad bago o pagkatapos ng pagdarasal ng Eid. Kung ang pagdarasal lamang ng Eid ay nasa isang moske, ikaw ay magdarasal ng dalawang rakah bago umupo.
Walang adhan o iqamah para sa pagdarasal ng Eid. Ang Propeta ay isasagawa ang pagdarasal muna na susundan ng sermon (khutbah).
Mga Talababa:
[1] Ibn Majah, Tirmidhi
[2] Saheeh Muslim
[3] Sahih al-Jami
[4] Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim
Level 1
level 2
level 3
Ang lahat po ng larawan na naitala o makikita dito ay kabahagi lamang ng mga ibat ibang programa o activities ng aming Islamic Dawah Center.